#OverridePNoy veto ng SSS pensioners, niligwak ng mga alyado ng Pangulo

February 4, 2016

DSC_9176

Di maiwasang maluha si Bayan Muna Rep. Neri Colmenares sa tila pambabastos ng mga kongresistang alyado ni Pangulong Aquino sa pangunguna ni House Speaker Sonny Belmonte na mabilisang tinapos ang sesyon ng Kamara kahit na nakahain pa ang panukalang override sa veto ni Aquino sa SSS Pension Hike Bill. Darius Galang

Makasaysayang araw, ngunit malungkot ang kinahinatnan.

Biglaang isinara ni Speaker Feliciano Belmonte Jr., mahigpit na alyado ni Pangulong Aquino, ang huling araw ng sesyon ng Kamara kahit na may quorum ng 213 mga kongresista. Hindi binigyan ng puwang ang pagdinig sa panawagang override sa veto ni Aquino sa panukalang batas para sa pagdagdag sa pensiyon ng mga pensiyonado ng Social Security System (SSS).

“Nakakagulat at biglang itinigil ang sesyon,” ani Bayan Muna Rep. Neri Colmenares.

Nag-mosyon si  Rep. Ace Durano na i-adjourn ang kapulungan. Nagsasalita pa si Colmenares nang ibinagsak ang gavel para aprubahan ang mosyon. Marubdob ang pagtulak ni Colmenares upang ihapag ang pagboto sa override, ngunit pinatay na rin ang mikropono sa gitna ng kanyang pagsasalita.

Sa bilang na 213 kongresista naroon, may sapat na boto na matatanggap ang override, ngunit sa loob ng ilang oras, kapuna-punanag tahimik ang session hall. Halos apat na oras umanong naghintay ang senior citizens na mga pensiyonado sa pagsisimula ng sesyon.

“May mga narinig na ako na i-adjourn na lang ang session,” saad ni Colmenares. “Akala ko lang ay bluff ito, ngunit iyon pala talaga ang gagawin.”

“Sana lumaban sila (ang administrasyon) fair and square. Hindi nila hinarap ang hinanaing ng senior citizens na hinintay ang kanilang mga kongresista na bumoto para sa override,” dugtong ni Colmenares.

Hindi tuloy niya napigilang lumuha sa harapan ng gallery kung nasaan ang daan-daang bisitang senior citizens na dinanas ang lamig at gutom upang masaksihan lamang ang pagsasara ng Kongreso.

Nahayaan naman ang mga matatanda na isigaw ang kanilang galit at pagkadismaya sa anila’y ‘walang-kuwentang mga kongresista.’ Nagkaroon pa ng komosyon nang nagsimulang ipagtulakan sa paglabas ang mga senior citizens na tumutungo na sa opisina ni Colmenares.

Paliwanag naman ni Colmenares na hindi pa dito magtatapos ang laban. “Hindi mamamatay ang panawagan sa dagdag-SSS pension. Tuloy pa rin po natin itong igigiit at itutulak hanggang hindi nagsasara ang kongreso at maging sa Korte Suprema,” aniya.

Dugtong pa niya, hindi pa iniaatras ang mosyon ng override. Maaari pa nilang ihapag ito sa pagbubukas ng sesyon ng Kongreso sa Mayo 23.

DSC_9169

Kinausap ni Rep. Colmenares ang mga pensioner na nag-trooping sa Kamara para sabihing di pa tapos ang laban para sa dagdag pensiyon. Darius Galang

DSC_8979

Trooping ng mga senior citizen at SSS pensioners at tagasuporta nila.Darius Galang

DSC_9091

Matagal na naghintay sila ng pagsisimula ng session. Darius Galang

DSC_9070

Pagbibigay ng senior citizens na miyembro ng Gabriela Women’s Party ng papel na bulaklak samga kongresista para suportahan ang override sa veto ni Aquino. Darius Galang