FEATURED

Pabor ba talaga sa pagkakapantay-pantay ng tao ang Nike?


Tagapagtaguyod ng pagkapantay-pantay ng mga tao ang Nike? Masdan lang ang pagtrato nito sa mga manggagawa.

Pinutol ng kompanyang Nike ang kontrata nito kay Manny Pacquiao sa pagiging endorser ng mga produkto nito. Ito’y matapos tuligsain ng mga netizen ang sentimyento ng kongresista tungkol sa pagtatalik ng same-sex couples bilang “mas masahol pa sa hayop.”

We find Manny Pacquiao’s comments abhorrent. Nike strongly opposes discrimination of any kind and has a long history of supporting and standing up for the rights of the LGBT community. We no longer have a relationship with Manny Pacquiao,” pahayag ng kompanya.

Kinondena rin ng mga kilalang personalidad, tulad nina Boy Abunda, Lea Salonga, at Magic Johnson, ang opinyon ng kandidato sa pagkasenador.

Nang kumalat ang balita ng pag-atras ng kompanya sa pag-isponsor nito kay Pacquiao, nagdiwang ang maraming netizen, at tiningnan ang aksiyon ng Nike bilang tagumpay diumano sa kanilang kampanya laban diskriminasyon sa komunidad ng LGBT.

Slavoj Zizek: The Pervert’s Guide to Ideology IMDB
Slavoj Zizek: The Pervert’s Guide to Ideology

Nung nabasa ko ang pahayag ng Nike patungkol sa pagputol nito ng pag-isponsor kay Pacquiao, bigla kong naalala ang isang ideolohiya sa pagkonsumo na una kong naengkuwentro sa pelikula ni Slavoj Zizek na The Pervert’s Guide to Ideology.

“…[W]hen you enter a Starbucks store, it’s usually always displayed in some posters their message: ‘Yes, our cappuccino is more expensive than others,’ but, then comes the story: ‘We give 1% all our income to some Guatemalan children to keep them healthy, for the water supply for some Saharan farmer, or to save the forest, to enable organic growing for coffee, or whatever or whatever.’

“Now, I admire the ingenuity of this solution. In the old days of pure, simple consumerism, you bough a product, and then you felt bad: ‘My God, I’m just a consumerist, while people are starving in Africa . . .’

“So the idea is that you had to do something to counteract your pure, destructive consumerism. For example, you contribute to charity and so on.

“What Starbucks enables you is to be a consumerist, without any bad conscience, because the price for the countermeasure, for fighting consumerism, is already included into the price of a commodity. Like, you pay a little bit more, and you’re not just a consumerist, but you do also your duty towards the environment, the poor, starving people in Africa, and so on and so on.

“It’s, I think, the ultimate form of consumerism.”

Pagtatago sa Kalagayan ng mga Manggagawa ng Nike

Mabilis na kumalat sa coporate media sa buong mundo ang pahayag ng Nike patungkol sa diumanong pagsuporta nito sa mga karatapan ng komunidad ng LGBT.

Pero ni wala halos balitang makita tungkol sa istrayk ng libu-libong manggagawa na sa mga sweatshop nito sa Vietnam bunsod ng hindi pagbibigay ng social insurance sa kanila.

Kung susuriin, sa pamamagitan ni Zizek, ang pangkaraniwang konsumerista ng Nike na nagsasabing patuloy na tatangkilikin nito ang mga produkto ng kompanya dahil sa pagsuporta nito sa karapatan ng LGBT, nilelehitimo nito ang ginagawang pagpapahirap ng kompanya sa mga manggagawa.

Nananatiling kontraktuwal, walang benepisyo, nagtratrabaho nang mahabang oras sa isang pabrikang hindi makatao ang kondisyon, ang mga mangagawa ng Nike para lamang sa kakarampot na kita.

Sa isang pag-aaral na ginawa sa American University tungkol sa Nike at mga isyu nito sa child labor sa Pakistan, tinatantiyang kumikita ang isang manggagawa ng US$5 kada araw, at inaasahang magpapakain ng 10 miyembro sa pamilya nito.

Naibalita na rin, bagamat hindi gaanong nakapukaw nang atensiyon, ang pagpapahirap ng naturang kompanya sa mga manggagawa nitong menor de edad sa iba pang mga bansa.

Kahit pa sa panahon ngayo’y tumaas na ang $5 kada araw na sahod noong dekada ‘90 sa, halimbawa, $7.50-$9.00 kada araw, hindi pa rin nakabubuhay ang ganyang kita. Hindi pa rin sapat para mabigyan ng edukasyon ang mga anak at maayos ng tirahan ang binubuhay na pamilya.

Common sense na na ang interes ng mga kompanyang tulad ng Nike ay panatilihin ang supertubo nito. Takot sila na mabawasan bilyun-bilyong kitang sinisipsip nila mula sa mga bulsa’t pitaka natin.

Hindi ko alam kung taospuso ang pagsuporta nila sa komunidad ng LGBT. Pero kahit ano pa ang kasarian o sexual orientation natin, isa lang ang tingin sa atin ng mga korporasyon, mga konsumeristang nahuhuthutan nila ng kita. Milking-cow ng pera.