FEATURED Pambansang Isyu

Pagbabalik ng US Bases


Hindi nag-aksya ng panahon si Aquino at ang US para ipatupad ang EDCA. Sa ilalim nito, nagmimistulang base militar ng US ang buong bansa habang security guard naman ang mga sundalong Pilipino.

Taong 1991, sa kabila ng pagtutol ng noo’y pangulong Corazon Aquino, nagpasya ang Senado ng Pilipinas na tumugon sa malawakang protesta ng sambayanan at sarhan ang mga base militar ng US sa Pilipinas.

Nang sumunod na taon umalis ang mga puwersang militar ng US bitbit ang kanilang mga kagamitang pandigma. Sa kanilang pag-alis, iniwan nila ang Clark Air Base at Subic Naval Base, kasama pati ang Camp John Hay, Naval Air Station Cubi Point, Naval Station San Miguel at Naval Wallace Air Station.

Ngunit makalipas ang 25 taon, sa ilalim ng kanyang anak at kasalukuyang pangulong Noynoy Aquino, multong ibinabalik ang mga base militar ng US sa ilalim ng EDCA (Enhanced Development Cooperation Agreement). Pumarito pa sa Pilipinas noong 2014 si Pangulong Barack Obama ng US para pirmahan nila ni Aquino ang EDCA, na hindi dumaan sa Senado.

Kinuwestyon ito ng maraming mamamayan, ngunit nitong Enero 2016, kinatigan ng Korte Suprema (sa desisyong 10-4) si Aquino at idineklarang hindi labag sa konstitusyon ang EDCA.

 

Pinatupad ang EDCA: Base Militar ng US ang Buong Bansa

Hindi nag-aksya ng panahon si Aquino at ang US para ipatupad ang EDCA bago pa man bumaba sa puwesto si Aquino sa Hunyo. Sampung taon ang itatagal ng EDCA, at dahil executive agreement ito at hindi tratado, nakasalalay sa mga susunod pang pangulo ang pagpapalawig sa buhay nito.

Ngayong Marso rin ay ipinirme ang limang base militar ng US na itatayo sa Pilipinas. Ang kaibahan, nasa loob ito mismo ng mga kampo ng Armed Forces of the Philippines (AFP). Higit pa rito, ayon sa EDCA, maaaring itayo ng US ang kanilang base militar kung saan may kampo-militar.

Sa gayon, magmimistulang base militar ng US ang buong bansa habang security guard naman ang mga sundalong Pilipino.

Magkakaroon ng mga pasilidad, kagamitang pandigma at rotational access ang libu-libong sundalong Amerikano sa loob ng mga sumusunod na base: (1) Antonio Bautista Air Base sa Palawan, (2) Basa Air Base sa Pampanga, (3) Fort Magsaysay sa Nueva Ecija, (4) Lumbia Air Base sa Cagayan de Oro, at (5) Mactan-Benito Ebuen Air Base sa Cebu.

Subalit hindi ito ang muling simula ng deployment ng mga tropang US sa Pilipinas.

Bago ang EDCA ay mayroon nang VFA (Visiting Forces Agreement) sa pagitan ng US at Pilipinas, na inaprubahan ng Senado bilang tratado noong 1998. Sa ilalim ng VFA, wala nang permanenteng US bases pero pinayagan ang paglabas-pasok ng mga sundalong Amerikano sa alinmang lugar sa Pilipinas.

Pinahintulutan rin ang pagsisilbi nila bilang advisors at trainors ng mga sundalong Pilipino, ang pagsasagawa ng military (“Balikatan”) exercises ng mga tropang US at Pilipino, at ang pagdaong ng mga barkong pandigma ng US (tulad ng USS Ohio nitong nakaraan) sa Pilipinas para sa repair at refueling. Sa katunayan, 600 sundalong Amerikano mula sa Navy SEALS at Special Action Forces ang itinalaga sa Mindanao sa tawag na US-Philippine Mission.

Maaalala ring sa ilalim ng VFA naganap ang dalawang kriminal na kaso ng pang-aabuso at pagpatay sa Pilipina na kinasangkutan nina Lance Cpl. Daniel Smith at PFC Joseph Scott Pemberton, kapwa US Marines. Nagdulot rin ng pagkasira ng Tubbataha Reef ang pagsadsad ng US warship na USS Guardian noong 2013.

Noon namang umiiral pa ang US-RP Military Bases Agreement, maraming krimen din ang ginawa ng mga sundalong Amerikano tulad ng pamamaril sa mga katutubo, pambubugbog, panggagahasa, atbp. Nagbunsod din ito ng malawakang pagsasamantala sa kababaihan sa anyo ng prostitusyon sa paligid ng mga base laluna sa Angeles at Olongapo. Nag-iwan rin sila ng mga toxic waste sa kanilang mga base militar.

 

Tunay na silbi ng mga Base

Ang pagdepensa diumano sa Pilipinas laban sa China ang ginagamit na dahilan ngayon sa muling pagbabalilk ng mga base militar ng US. Tumitindi ang tensyon sa pagitan ng Pilipinas at China sa West Philippine Sea.

Mahina diumano ang sandatahang lakas ng Pilipinas, at kapalit ng EDCA ay milyun-milyong dolyar na suportang kagamitang pandigma ang isusukli ng US sa Pilipinas magkaroon lamang muli ng mga base militar ang US sa bansa.

Sa limang base militar, ang Antonio Bautista Air Base sa Palawan ang pinakamalapit sa Panatag Shoal na inaangkin din ng China. Noon pang 2012 sinimulan ng China ang militarisasyon, land reclamation, at pagpapatrulya ng Chinese Coast Guard sa karagatan at maliliit na isla sa West Philippine Sea, na inaangkin hindi lamang ng Pilipinas kundi pati ng Vietnam, Malaysia, Brunei, Indonesia, at Taiwan.

Ngunit hindi masosolusyunan ng EDCA ang pagpasok ng China sa West Philippine Sea, ayon sa Bagong Alyansang Makabayan. Sa halip, ang pangunahing tinutugunan ng EDCA ay ang interes ng US na manatiling pinakamakapangyarihan sa Asia-Pacific at mapangalagaan ang malayang paglalayag ng kalakalan nito sa West Philippine Sea.

Walang komitment ang US at walang katiyakan na ipagtatanggol nito ang Pilipinas laban sa agresyon ng China.

Ang tiyak, sa higpit ng presensyang militar ng US ay lalong makokontrol nito ang kinabukasan ng Pilipinas. Ang EDCA ay tahasang paglabag sa kasarinlan ng Pilipinas. Liban pa rito, sa ginagawang “re-balancing act” – o ang paglilipat ng US ng 60% ng lakas nabal nito sa Asia – di iilang eksperto sa pulitika ang nagsabi na maaaring maging “next Middle East” ang Pilipinas at ang mga karatig bansa sa Asia-Pacific.

 

Direktang Panghihimasok

Nakapagtataka rin na ang apat pang base ng US ay malayo sa West Philippine Sea at sa katunayan ay nasa sentro ng kalupaan ng Luzon, Visayas at Mindanao. Sa mga lugar na ito, ang pangunahing suliranin ng US at ng gobyernong Aquino ay hindi ang China kundi ang nagpupursiging pakikibaka ng New People’s Army.

Idagdag pa na sa mga partikular na lugar sa Mindanao, nariyan ang banta ng pagtindi ng armadong pag-aalsa ng mamamayang Moro. Maraming mandirigma at kadre ng Moro Islamic Liberation Front (MILF) ang nasisiphayo sa nakahain na Bangsamoro Basic Law kahit hindi pa man ito inaaprubahan ng kongreso. Hindi rin ikinakaila ng BIFF (Bangsamoro Islamic Freedom Fighters) at Abu Sayyaf ang kanilang alyansa sa ISIS (Islamic State of Syria and Iran), bukod pa sa mga bagong sulpot na grupong jihadists.

Lahat ng indikasyon ay nagpapakita na makikialam at makikisangkot ang mga sundalong Amerikano sa pagsugpo ng armadong rebolusyon at rebelyon sa Pilipinas na binabansagan nitong terorismo.

Di iilang beses nang naibalita ang direktang paglahok sa combat ng mga tropang Amerikano laban man sa NPA o mga Moro. Ibig sabihin, lumalampas na sila sa mga itinatakda ng kasunduan na hanggang advise at training lamang.

Sa Mamasapano, lumabas sa imbestigasyon ng Senado na may anim na sundalong Amerikano na maaaring tuwirang sangkot sa operasyon para patayin ang diumano’y teroristang Malaysian na si Marwan. Iba pa ang suportang intelligence mula sa CIA (Central Intelligence Agency) at surveillance plane habang isinasagawa ang operasyon.

Kung nagagawa nila ito sa ilalim ng VFA, ano pa kaya sa ilalim ng EDCA na may nakatalaga nang US military bases sa bansa. Madilim na pangitain ang dala ng US bases sa pagsiklab ng ibayong karahasan hindi lamang sa labas kundi sa loob mismo ng Pilipinas.

Anuman ang tanggi ng gobyernong Aquino at Korte Suprema, mananatili at mananatiling target ng atake ang mga base militar ng mga kaaway ng US at gobyerno ng Pilipinas na sunud-sunuran sa US. Ngunit hindi pa man nangyayari ito, umaabante na ang US sa direktang panghihimasok at paglahok sa internal na sigalot sa Pilipinas.