FEATURED Magsasaka

Editoryal | Bayang Minasaker


Muli, minasaker ang mga magsasakang walang kalaban-laban. Paulit-ulit ito sa kasaysayan mula Lupao, Mendiola, Luisita, hanggang Kidapawan.

"Bigas Hindi Bala" ni Aaron Casta
Editorial Cartoon ni Aaron Casta

Muli, minasaker ang mga magsasakang walang kalaban-laban. Paulit-ulit ito sa kasaysayan mula Lupao, Mendiola, Luisita, hanggang Kidapawan.

Walang madaling salitang puwedeng maglarawan sa nangyaring masaker sa mga magsasaka at Lumad na humihingi ng agarang tulong sa gobyerno dulot ng El Nino o matinding tagtuyot.

Tatlo ang kumpirmadong patay, nasa 100 mahigit ang sugatan at nasa 80 ang inaresto.

Tatlong buwan silang naghintay ng inilabas na P238 milyon calamity fund ng gobyerno pero wala silang natanggap ni isang butil ng palay na sila ang nagtanim. Sa sama-sama nilang pagkilos nais iparating sa gobyerno ang kanilang kahilingan na 15,000 sako ng bigas na itulak ng kanilang kalagayan.

Pero tatlong kilo kada dalawa (o tatlong) buwan lamang ang maibibigay umano ng lokal na pamahalaan ng North Cotabato. Natural na hindi papayag dito ang mga magsasaka dahil hindi sila nanghihingi ng limos.

Malinaw na lehitimo at makatarungan ang kanilang kahilingan at ipinaglalaban.

Hinding-hindi maikakatuwiran kailanman ang pamamaril sa mga magsasakang walang armas na dala kundi ang mga gutom nilang mga tiyan. Sa mga nakapanood na ng video sa mga balita at maging sa social media, malinaw kung sino ang may mga baril at kung sino ang naunang nandahas.

Hindi katanggap-tanggap at dapat na may managot sa nangyaring pamamaril ng mga nasa kapangyarihan sa may 6,000 magsasakang nais lamang makuha ang dapat na subsidyo na para sa kanila.

Muli, nagiging dahilan ng gobyerno na mayroon umanong NPA (New People’s Army) sa hanay ng mga magsasaka at armado umano ang mga ito. Hindi na naging bago ang ganitong palusot ng gobyerno mula sa Hacienda Luisita massacre sa Tarlak, sa pamamaslang sa mga Lumad, at ngayon sa Kidapawan. Gobyerno na lang malamang ni Aquino ang naniniwala sa sarili nitong multo.

Hindi makatuwiran at isang krimen ang pamamaril sa mga magsasaka kahit na sabihing nakakaabala sila sa trapiko kung tama naman ang kanilang ipinaglalaban. Hinding-hindi sasama ang mga magsasaka kahit paano pa sila udyukan kung tunay na nakarating at nakinabang ang mga magsasaka sa sinasabing pondo ng pamahalaan.

Malinaw sa kasaysayan na hindi isang aksidente o tulak ng sitwasyon ang pagpapaulan ng bala sa mga magsasaka. Tulad ng hindi isang aksidente o tulak ng sitwasyon ang kanilang kahirapan. Nilikha ang kanilang sitwasyon ng isang sistemang nagtitiyak sa kasaganahan ng mga nasa posisyon, ng mga naghaharing uri sa lipunan, at ng armadong puwersang sinanay upang handang pumatay sa ngalan ng pagsunod sa mga nasa kapangyarihan.

Bigas ang hinihingi ng mga magsasaka pero bala ang ibinaon sa kanilang mga katawan. Hindi na ito bago at paulit-ulit ito dahil walang nananagot lalo na kung sariling puwersa ng gobyerno ang sangkot.

Hindi lang ang El Nino ang nagtulak sa kanila para lumaban kundi ang hindi matapos-tapos nakahirapan: Ang kapabayaan ng gobyerno; isang rehimeng asyendero na katunggali ng uring magsasaka sa bawat panahon; tag-ulan man o tag-tuyot.

Kung ginugutom ng gobyernong ito ang sarili niyang magsasaka at pinapatay sa pamamagitan ng bala, talaga kayang nais ng gobyernong ito ni Aquino ng kapayapaan?

Ganito ang iiwan ni Aquino na tatak sa kaniyang rehimen; ang maging isang bayan ng masaker ang Pilipinas at tunay na isang Massacre King na pumapatay sa kaniyang mamamayan sa iba’t ibang paraan mula Hacienda Luisita, sa biktima ni Yolanda, sa Mamasapano, sa mga Lumad, at ngayon sa Kidapawan.

At mukhang di pa natatapos ang nakamamatay na “Daang Matuwid” ni Aquino. Patuloy pa rin kinakaharap ng mga magsasaka ang bangis ng estado.

Kung magkagayon man muli, babangon ang mga magsasaka kasama ang mamamayan para lumaban. At hinding-hindi ito mapipigilan sa kasaysayan mula Lupao, Mendiola, Luisita, hanggang Kidapawan.