EYEWITNESS | ‘Nanggaling sa pulis ang mga putok’

April 2, 2016

Dalawang lider Moro ang naging saksi sa masaker sa Kidapawan City. Basahin ang kuwento nila.


Editor’s Note: Humigit-kumulang 6,000 magsasaka mula sa mga bayan ng Makilala, Mlang, Tulunan, Magpet, Roxas, Antipas, Arakan, at lungsod ng Kidapawan sa North Cotabato ang lumahok sa apat-na-araw na barikada malapit sa warehouse ng National Food Authority o NFA para igiit ang panawagang 15,000 sako ng bigas para sa mga biktima ng tagtuyot dahil sa El Nino. Sa kabila ng pangakong ito ng pamahalaan, tumanggi si Cotabato Gov. Lala Mendoza na ibigay ang kanilang hiling. Nag-alok na lang ito ng tatlong kilong bigas sa bawat biktima sa loob ng tatlong buwan. Siyempre, tinanggihan ito ng mga magsasaka, at ipinagpatuloy ang protesta. Kahapon, alas-10 ng umaga, naganap ang pagdispers sa barikada na inilarawan nina Bai Ali at Jerome. Di pa rin kumpleto ang mga detalye, sa pagkakasulat ng artikulong ito. Gayunman, napagtanto ng Anakpawis Party-list na tatlo sa nabalitang limang napaslang ay sina Rotello Daelto ng Brgy. Binoongan, Arakan; Victor Lumandang ng Brgy. Alobayon, Magpet; at Enrico Pabrica ng Kidapawan. Di pa nakikilala ang dalawang babae na napaslang diumano sa naturang insidente. Samantala, di-bababa sa 30 katao ang sugatan, kasama si Jerome at Sheena Duazo ng Bayan-SMR.

Jerome Succor Aba
Suara  Bangsamoro

Jerome Aba, sa barikada sa Kidapawan, ilang araw bago ang madugong masaker. Larawan mula sa FB account niya.

Jerome Aba, sa barikada sa Kidapawan, ilang araw bago ang madugong masaker. Larawan mula sa FB account niya.

Anim na buwan nang nakararanas ng El Nino at wala pa ring tulong na dumarating sa mga 36,000 indibidwal na apektado nito. Kaya nagpasya ang mga magsasakang Lumad na magbarikada sa national highway ng Kidapawan City para ipresyur ang gobyerno na ilabas ang calamity fund. Enero 2016, nagdeklara ang local government ng state of calamity, pero hindi pa nila ni-release ang pondo. Kaya iginiit ng mga magsasaka ‘yung 15,000 sacks of rice na ipamahagi na.

Napakatigas ng provincial government. Sa nagdaang negotiations, ginigiit natin ang 15,000 sako na i-release nila. Pero ang kanilang counter proposal ay three kilos of rice na quarterly. Patuloy nating dinepensahan ang barikada sa presensiya ng pulis at militar. Ito lang ata ang rali na hinaharapan ng long firearms ang mga nagbabarikada. At hinarapan ng bombero, siyempre.

Sa ngayong araw, pang-apat na araw ng barikada, napatawag si Gov. Lala Mendoza ng mga makikipagnegosasyon. Tanghali, may negotiation. Pagkatapos nito, magpapatawag dapat kami ng presscon. Hindi natuloy ang aming presscon dahil biglang dumating si Mayor Joseph Evangelista ng Kidapawan City at Col. Alex Tagum, ang senior superintendent ng Philippine National Police (PNP) dito sa probinsiya, sa barikada. At may kasama silang barangay chairman na mayroong pinapapirmahan sa atin na nakasulat doon na tanggalin ang barikada.

Sobrang nakakaabala na raw ang barikada. “Sir, hinahantay po namin yung negotiations kay Gov. Lala,” sabi namin. Pero sagot ni Col. Tagum: “Walang nego-negotiations. Tapos na ang negotiation.” Kaya nagkomand siya na sabi niya, “Men, ready. Tulak!”

Tinulak nila. Dinepensahan natin ang hanay natin sa pagbatuta ng mga pulis. Hindi talaga nabuwag ang hanay dahil napakaliit ng pulisya. Nasa 200 ‘yun laban sa 6,000 na mga nagbabarikada. Kaya ang last resort nila, mag-open fire. Pinagbabaril ang mga magsasaka. Pinagpapatay.

Walang ibang may baril doon kundi ang PNP. At kitang-kita ko, kitang kita naming nina Sheena Duazo, ni Bai Ali Indayla na dun sa harap, ang mga nangatumba, doon sa tabi namin na mga magsasaka na natamaan ng bala ng ripleng M-16. Kaya walang ibang may utos ng pagbuwag ng barikada kundi si Gov. Lala Mendoza, Mayor Evangelista, at si Col. Alex Tagum ng PNP.

Unang araw pa lang ng barikada, nandun na ang mga Special Weapons and Tactics (SWAT) at PNP sa taas ng bombero na mga naka-long arm na riple.

Matapos ang pamamaril, umatras kami. Pumunta kami sa United Methodist Church. Doon pa rin nagpaputok pa rin sila. Tapos yun tinamaan ng bato si Sheena ng Bayan SMR. Duguan ang kanyang ulo. At ako naman, nabiyak ang aking buto sa binti, dahil doon sa tama ng shield at batuta kanina.

Kanina dinala kami nina Sheena sa Kidapawan Medical Hospital.


Bai Ali Indayla
Gabriela Women’s Party

Bai Ali Indayla (pangalawa mula sa kanan), sa isang aksiyong protesta noong Manilakbayan. Larawan mula sa kanyang FB account.

Bai Ali Indayla (pangalawa mula sa kanan), sa isang aksiyong protesta noong Manilakbayan. Larawan mula sa kanyang FB account.

Kaninang umaga mga bandang alas-diyes, nagpoprograma pa kami dito sa barikada sa Kidapawan City National Highway, napansin namin na nakaalerto na ang mga pulis. Nag-anunsiyo na sila sa pamamagitan ng kanilang sound system na talagang bayolenteng bubuwagin na nila ang barikada ng mga magsasaka. Sinubukan pa naming makausap pa rin yung hepe nila, ng pulis, na si Provincial Dir. Alexander Tagum.

Kinausap ko siya, sinabi ko sa kanya na mayroon pang negotiation na mangyayari sa pagitan ng farmers at ni Governor Lala Talino Mendoza. Hindi nila puwedeng gamitin ang dahas para lang takutin ang mga magsasaka. Pero sinagot lang ako ni Col. Tagum na wala nang negosasyon na mangyayari, kailangan nang umalis ng mga magsasaka dahil talagang bubuwagin nila ang barikada. Kaya nangyari na nga ang pagbuwag nila.

Nakita ko mismo dahil nasa unahan ako ng barikada, pinagpupukpok nila ng batuta at itinulak na ang mga kasama namin na mga magsasaka at gayundin gumamit sila ng bombero upang dahasin ang mga magsasaka. Una, tulak at saka pukpok, palo. Tapos gumamit na nga ng bombero. Nung hindi pa mabuwag ang barikada at talagang patuloy na nagtutulak ang mga magsasaka sa piketlayn, napaatras ang mga kapulisan kaya tuluy-tuloy ang paggamit nila ng water cannon.

Nung grabe na ang pambabatuta ng mga pulis, napilitang pumulot ng bato ang mga magsasaka. At saka lumaban na rin sa pasismo ng kapulisan. Noong nagkaroon na ng paghahagis ng mga bato, bumato rin ang mga kapulisan hanggang sa hindi talaga mabuwag ang barikada.

Kaya, gumamit na ng baril ang kapulisan.

Nakita ko mismo doon sa piketlayn ang dalawa sa aming mga kasamahan na nabuwal. Ang isa tinamaan sa kanyang mukha  at sa kasamaang palad ay hindi nga naka-survive. Yung isa naman nadala pa sa ospital, ngunit namatay din po habang ginagamot.

Ang pangalan niya, yung namatay, ay si Rogelio Daelto. Siya ‘yung tinamaan sa mukha at naging dahilan ng kanyang agarang kamatayan. Marami ang mga nasugatan kanina dahil sa matagal na pamamaril ng mga kapulisan.

Sa harapan po ng barikada (nanggaling ang mga putok). Sa hanay ng kapulisan. Ang hanay ng kapulisan ay nakaharap sa national highway papunta ng Davao City. Ang nagbarikada ay nakaharap sa direksiyon na papunta sa Cotabato City. Ngayon, doon sa pamamaril ng kapulisan at meron na ngang mga tinamaan, napilitan ang mga magsasaka na pumasok sa Spottswood, sa compound ng United Methodist Church at hanggang sa mismong gate ng methodist church sumunod po doon ang mga kapulisan at patuloy na nagpaputok.

Mapayapa na nagbarikada ang mga magsasaka, malinaw ang mensahe na ibigay ang 15,000 na sako, 15 thousand sacks of rice na hiling ng mga magsasaka na sa loob ng anim na buwan ay naging biktima ng El Nino, ng drought at walang makain dahil walang maani. Walang puwedeng maitanim dahil ang kanilang mga kalupaan ay tuyung-tuyo na dahil sa El Nino.

Sa kabila ng panawagan na ito ng mga magsasaka nagmatigas ho si Governor Lala Talino Mendoza na ibigay ang P130-Milyon na calamity fund sa pamamagitan ng pagbibigay ng bigas sa mga magsasaka. Sa halip dahas, bala, baril, mismong pagpatay sa mga magsasaka ang pinakita ng gobyerno na ito ni Noynoy Aquino at ni Gov. Lala Talino Mendoza.

Saan galing yung putok?

Nakita namin mismo dahil nakaharap kami sa kanila. Nakapagtago kami, ako, si Sheena Duazo ng Bagong Alyansang Makabayan – Southern Mindanao Region at si Jerome Aba na spokesperson ng Suara Bangsamoro.


Inedit na salaysay nina Jerome Aba at Bai Ali Indayla kay KR Guda. Transcription nina Pher Pasion at Marjo Malubay
Pinoy Weekly

Pinoy Weekly

This is a product of collaboration between writers, photographers and/or artists of Pinoy Weekly.