FEATURED Kapirasong Kritika

RogerNation Regeneration


Napapanahon at karapatdapat lang ang makabuluhang parangal ng mga rebolusyonaryo sa yumaong tagapagsalita ng Communist Party of the Philippines na si Gregorio “Ka Roger” Rosal.

Napuno ang UP Theater nitong Marso 29 ng mga nagbigay ng parangal kay Gregorio “Ka Roger” Rosal, dating tagapagsalita ng Communist Party of the Philippines o CPP at mukha, para sa marami sa publiko, ng New People’s Army o NPA. Karamihan sa mga dumalo ay magsasaka, manggagawa, at maralita; marami ang naglakbay pa mula Timog Katagalugan.

Noong nabubuhay pa siya, isa nang alamat si Ka Roger. Sabi nga ng isang polyetong ipinamigay sa pagtitipon, naging biro sa hanay ng mahihirap na “isusumbong” sa kanya ang mga nang-aapi. Matagal at tuluy-tuloy ang pagsisikap ng militar na arestuhin o patayin siya, pero hindi ito nagtagumpay. Masasabing itong parangal ay tungkol sa pinakahuling kabanata ng nagpapatuloy niyang alamat.

Taong 2011 pa namatay si Ka Roger dahil sa karamdaman, pero ngayon lang dadalhin at ililibing ang mga abo ng kanyang bangkay sa bayang sinilangan niya, sa Ibaan, Batangas. Mainam ang tyempo: ang Marso 29 ay anibersaryo rin ng NPA, na kinasapian niya sa mahabang panahon hanggang sa kanyang pagpanaw.

Parada ng mga rebolusyonaryong miyembro ng National Democratic Front sa Quezon City kasama ang abo ni Ka Roger. <b>Boy Bagwis</b>
Parada ng mga rebolusyonaryong miyembro ng National Democratic Front sa Quezon City kasama ang abo ni Ka Roger. Boy Bagwis

Sa programang mahaba at malaman na puno ng mga awit, awit-galaw, tula, talumpati, bidyo, at iba pang malikhaing porma, sinariwa ang buhay at pakikibaka ni Ka Roger. Mas naipatimo ang kabuuang takbo ng buhay niya at ang mga katangian niya bilang rebolusyonaryo.

Ang kwento ng buhay ni Ka Roger hanggang sa panahon bago siya naging aktibista ay klasikong kwento ng magsasakang pinagkaitan ng oportunidad sa buhay. Nagtapos siya nang may karangalan sa elementarya at hayskul pero hindi siya nakapag-aral agad ng kolehiyo dahil sa kahirapan. Lalabas na nakapagkolehiyo rin siya, pero matapos ang ilang taon ng pag-iipon ng pera.

Sa isang bidyo, ikinwento niyang nakaambag sa pagkamulat niya ang hindi pagtanggap sa kanya bilang manggagawa sa isang pabrika ng kulambo sa kanilang probinsya. Sa kung anong dahilan, istiryutipo sa mga Batangueño ang pagbebenta ng moskitero, na dapat ipag-iba sa “musketeer.” Hindi siya tinanggap noong una dahil hindi siya tapos ng hayskul; noong ikalawa, dahil hindi siya umabot sa umano’y rekisitong tangkad. Ang pangyayaring ito, at ang alingawngaw ng radikalismo ng First Quarter Storm ng 1970, ang nagtulak sa kanyang maging aktibista.

Nadakip siya ilang buwan pagkadeklara ng Martial Law noong Setyembre 1972, nakulong nang limang buwan, matagumpay na tumakas, at pagkatapos ay sumapi sa NPA para hindi na umalis kahit kailan. Sa panahong iyun ng pambansang paglalatag ng CPP at NPA, naging mahalaga ang ambag niya sa pagkilos sa hugpungan ng mga rehiyong Bicol at Timog Katagalugan.

Isang lider-magbubukid galing sa huling rehiyon si Tat Pido Gonzalez, ang nagbigay-pugay sa “mga kasama,” sa mga NPA, na malaki ang naitulong sa mga magsasaka. Aniya, tumaas ang diwang palaban at pampulitikang kamalayan nila bunsod ng pagsisikap ng NPA sa kanilang hanay. Nagbago ang tugon nila sa mga mangangamkam ng lupa: kung noo’y tahimik na tumatangis, sabi niya sa wikang matulain, ngayo’y naghahasa ng itak. At masasabi ito ng mga magsasaka hindi lang sa Timog Katagalugan kundi sa buong bayan.

Tumining ang maraming detalye sa buhay ni Ka Roger. Na naging relihiyoso, at anti-komunista pa nga, siya bago naging aktibista. Na mapagpatawa siya at mapagkumbaba. Na simula’t sapul ay mahilig na siya sa radyo. Na kahit umagang-umaga at kahit naglalakad sa gubat ay nakikinig siya ng transistor radio.

Isang malaking positibo sa parangal ang pagpapalabas ng maraming bidyo ni Ka Roger in action, wika nga – hindi sa bakbakang militar, kundi sa bakbakang pampropaganda. Naging pagkakataon ito para maranasan, muli para sa marami at sa unang beses para sa iba pa, ang husay niya sa gawaing ito.

Sabi nga ni Juliet de Lima-Sison, konsultant ng National Democratic Front of the Philippines sa usapang pangkapayapaan sa gobyerno, sa isang nakabidyong pahayag: “Napakalaking bentahe niya ang magsalita sa loob ng Pilipinas mismo, at mula sa hanay ng mga rebolusyonaryong pwersa at masa. Malinaw at tuwiran ang kanyang estilo ng pagpapahayag tungkol sa mga pinakamasalimuot na kalagayan at pagsusuri sa simpleng mga terminong gagap ng masa.”

Nagmarka, dahil siguro napapanahon, ang paliwanag ni Ka Roger tungkol sa “demokrasya” sa bansa kaugnay ng eleksyong magaganap noong kinapanayam siya. Ang umiiral raw sa bansa ay “demokrasya para lang sa may maraming pera.” Mapapaisip ka tuloy: kailan huling ginamit sa propaganda ang simpleng ekspresyong iyan? Pagkatapos, medyo nasamid na siya, pero mahihinuhang ang tinutumbok niya ay demokrasya para sa may “guns, goons at gold.”

Sa mga bidyong ipinakita, masasaksihan sa mga pahayag ni Ka Roger ang pag-aangkin sa dayuhang teorya ng lokal na reyalidad, ng pagsasanib ng talas ng rebolusyonaryong proletaryo at kasimplehan ng masang pesante, ng pagkakaisa ng sinasabing “Russian revolutionary sweep” at “kakuwanan” ng mga Pinoy. Malinaw ang layunin niya sa bawat pahayag: ang maunawaan ng nakikinig o nanonood mula sa kung nasaan sila sa aktwal, hindi kung saan sila posibleng naroon.

Sa parangal kay Ka Roger sa UP Theater sa UP Diliman. <b> Raymond Panaligan</b>
Sa parangal kay Ka Roger sa UP Theater sa UP Diliman. Raymond Panaligan

May bahagi sa programa na kiniliti ang interes ng mga nanonood sa pagkatagpo ni Ka Roger sa babaeng minahal at pinakasalan niya. Pero saglit lang ang kilig. Mas pumaksa na sa pagsasalikop ng kanyang buhay-pamilya, na sa kaso niya’y ibang-iba sa karaniwag pakahulugan sa salitang iyan, at ng rebolusyon.

Isa ring NPA ang kanyang asawang si Rosemarie Domanais, na napatay sa isang labanan noong 2011 sa Mauban Quezon.

Noong 1989, anim na taong-gulang pa lang ang kanyang panganay na si Andrea, dinukot ito ng militar, kasama ang lola nito. Pinilit itong manawagan sa radyo sa tatay niya para itigil na ang paglaban at sumuko na sa militar. Lumalabas na hindi sumunod si Andrea sa gusto ng militar; sa halip, pinuri niya ang ginagawa ng ama at nanawagan ditong ituloy ang paglaban. Lumang gawi na ng militar ang gamitin ang pamilya laban sa mga rebolusyonaryo, na muling ipinaalala ng ginawa nila kay Rebelyn, anak ni Leoncio “Kumander Parago” Pitao noong 2009.

Biglang-pasok ang nakarekord na pahayag ng isa pa niyang anak, hindi ipinakita ang mukha dahil sa pag-iingat sa seguridad. Ito, sa tingin ko, ang rurok ng buong parangal.
Higit sa paggunita sa mga personal na katangian ni Ka Roger, nanawagan siyang alalahanin ang kanyang ama sa pamamagitan ng pagtulad sa halimbawa nito sa iba’t ibang larangan sa pagsusulong ng rebolusyon.

Habang nagsasalita siya, maaalala ang kapatid niyang si Andrea Rosal, iligal na inaresto habang pitong-buwang buntis. Iligal na dinakip sa Metro Manila pero pinagbintangang NPA para mabigyang-katwiran ang pagkulong. Namatayan ng anak, si Diona Andrea, habang nakapiit. At pinalaya lang matapos umani ng malawak na pagkondena ang gobyerno at militar dahil sa ginawa sa kanya.

Halu-halong emosyon ang mararamdaman sa pakikinig sa anak ni Ka Roger. Sa nilalaman, nagsasanib ang parangal niya bilang anak at bilang kapwa-rebolusyonaryo ng kanyang ama. May magkakasabay na hibla ng damdamin sa boses niya. May tono ng seryosong pagmumuni sa lugar at kabuluhan ni Ka Roger sa pakikibaka. May lungkot sa pagkawala ng ama. At may tatag ng pagpupunyagi sa kabila ng lahat ng nangyari sa kanilang pamilya, para sa pambansa at panlipunang paglaya.

Isinalin niya ang pighati sa pagkawala ng kanyang ama sa alab para sa rebolusyon. Tagos sa puso ang pananalita niya. Malinaw na huwaran ang buhay na tinatahak niya. Sa kanyang katauhan, parang nabuhay muli si Ka Roger.

Sa bahaging ito naging kongkreto – may luha, pawis at dugo – ang sinabi ng isa sa mga naunang nagsalita: Hangga’t walang tunay na pagbabago sa ating bayan, namatay man si Ka Roger, mag-iiba lang ang mga mukha at pangalan, pero laging may papalit at magpapatuloy sa paglaban.

Paghahatid sa huling hantungan ng abo ng Ka Roger sa Ibaan, Batangas. <b>Southern Tagalog Exposure</b>
Paghahatid sa huling hantungan ng abo ng Ka Roger sa Ibaan, Batangas. Southern Tagalog Exposure

Kung may kahinaan man ang parangal, iyan ay sa tunog; pana-panahong hindi marinig ang sinasabi sa entablado. Pero malayong sekundaryo na iyan, dahil malakas, sumisigaw, at tiyak na aalingawngaw ang mensahe nito.

Sa pamamagitan ng parangal, napagtibay at napagyaman ang alamat ni Ka Roger, at bilang bahagi ng tinatawag na “epikong bayan, ng digmang bayan” na patuloy pa ring kinakatha ng mga anak niya at ng mga kapatid nila sa pakikibaka. Isinasalin na sa pamamagitan ng bibig, tungo sa kamalayan, ang kwento niya.

Kahit sa pagpaparangal sa patay, bumubuhay ang rebolusyon ng dugo ng mga nagsusulong nito, at nanghihikayat sa pakikibaka ng maraming buhay. Isa pang patunay ng tiyak nitong pagtatagumpay.

31 Marso 2016