Tribute

Minamahal naming editor

Bago pa man sumikat si Rodrigo Duterte, nariyan na si Roger Ordonez. Yun nga lang, mas elegante magmura at bumanat si Roger.

Si RO, sa isa sa mga miting ng PW, sa kanyang opisina sa PUP Press, taong 2002. KR Guda/PW File Photo
Si RO, sa isa sa mga miting ng PW, sa kanyang opisina sa PUP Press, taong 2002. KR Guda/PW File Photo

Batikan at de-kalibreng manunulat at editor. Kaibigan at kasama. Iyan, at marami pa, si Rogelio L. Ordonez, o Ka Roger, o RO, sa aming mga batang manunulat at editor ng Pinoy Weekly.

Si Ka Roger ang unang punong patnugot ng Pinoy Weekly, noong nagsisimula pa lang kami, taong 2002. Sila ni Bayani “Ka Bay” Abadilla ang dalawa sa mga batikang aktibistang manunulat at propesor na pinaka-aktibong nagbigay ng panahon at komitment sa pagtataguyod ng proyektong PW.

Hindi pa uso ang social media noon. Bagamat may Bulatlat.com na at marami na ring audio-visual groups at newsletters ang mga organisasyong masa (at masigla rin ang underground press), wala pang pahayagan ang mga komunidad at opisina ang organisadong mga maralita at manggagawa. Gutom sa propaganda ang mga komunidad—propagandang magpapaliwanag at magpapalalim sa pambansang mga isyung nagsusulputan, propagandang mag-uugnay sa lokal nilang mga isyu at pambansang kalagayan at kampanyang masa.

Panahon noon ng administrasyong Arroyo. Bagamat 2002 pa lang, papaigting na ang pasistang atake ng rehimen sa mga organisasyong masa. Ito ang sitwasyon sa unang mga taon ng pamamatnugot ni Roger. Bagamat aktibo pa siya noon sa pagtuturo sa PUP, linggu-linggong tinanganan ni RO ang pagsusulat ng editoryal.

Parating nanggagalaiti ang mga editoryal ni RO. Hindi pa man ganap na nalalantad ang pasistang katangian ng rehimeng US-Arroyo, ganito na ang suri ng mga editoryal niya. Target ng matalas niyang panulat ang mga “himod-tumbong ng Malakanyang”, sa kanyang salita. Pana-panahon, nariyan din ang mga banat niya sa mga lider-relihiyoso, lalo na ang mga “iporkitong” obispo’t kaparian sa simbahan.

Kumbaga, bago pa man sumikat si Rodrigo Duterte, nariyan na si Roger Ordonez. Yun nga lang, mas elegante magmura at bumanat si Roger. At ang nagpapapuyos ng damdamin niya ay ang patuloy na pambubusabos ng iilang naghahari-harian sa mayorya ng mga mamamayang Pilipino. Tunay na makabayang manunulat si Roger.

Bilang editor, napakarami naming natutunan sa kanya. Marami sa amin, nagsimula sa campus press bilang manunulat sa wikang Ingles. Tinuruan niya kaming mahalin ang wikang Pilipino. Sa kanyang pag-eedit, tinuro ni Roger sa amin ang eleganteng paraan ng pagsusulat sa ating wikang pambansa. Pana-panahon siyang dumadapa sa pag-eedit ng mga manuskrito. Kapag nangyayari ito, tiyak dudugo ang mga manuskrito namin. Mapupuno ito ng pulang marka. Pero sa paraang iyun, marami kaming natutunan. Galit din siya sa paggamit ng mga salitang Ingles sa mga pamagat ng mga artikulo. “Kung mayroon namang magagamit na saling Pilipino, bakit hindi ito gamitin?” minsan nang sinabi niya.

Higit sa pagpapahalaga sa wikang Pilipino, ibinahagi rin niya ang karanasan niya bilang mamamahayag noong dekada ’60 at ’70. Kinuwento niya na minsan na siyang nagpanggap na preso para makapagsulat tungkol sa kalagayan ng mga bilanggo. Nagsulat din siya ng maraming reportage noong panahon ng First Quarter Storm. Mas sikat nga lang ang reportage ni Pete Lacaba, malamang dahil sinulat sa wikang Ingles.

Si RO at mga kasamahang istap sa Pinoy Weekly. Sa ibaba, sa gitna, si Bayani Abadilla.

Hindi niya pinuwersa ang pamamaraan at estilo niya ng pamamahayag at magsusulat sa aming mga batang manunulat. Ang ginawa lang niya, nagsilbi siyang inspirasyon sa amin. Mula noon hanggang ngayon, a ng laging nasa isip namin tuwing nagsusulat kami ng reportage sa wikang Pilipino ay “ano kaya ang tingin dito ni RO?” Siya ang Gold Standard, kumbaga, sa pagsusulat sa Pilipino.

Mami-miss ka namin, Ka Roger, RO. Kahit na hindi ka aprub sa paggamit ko ng salitang Ingles sa huling dalawang sentence dito.

Pinagbubunyi namin ang iyong makabayang ambag! Mabuhay ang iyong alaala!