FEATURED

Paalam, R.O. | Pagpupugay sa diyarista, guro at artista ng bayan


Parangal ng mga manunulat ng Pinoy Weekly at isang rebolusyonaryong manunulat at lider kay Rogelio “Ka Roger” o R.O. Ordonez

Namaalam nitong Mayo 19 ang beteranong makabayang manunulat, propesor at dating punong patnugot ng Pinoy Weekly na si Rogelio “Ka Roger” o “R.O.” Ordoñez. Binigyang pugay siya ng maraming kapwa manunulat at artista, dating mga estudyante, kasamahan sa PW, at rebolusyonaryong mga lider. Narito ang parangal sa kanya ng ilang naging manunulat ng PW, gayundin ang parangal kay Roger ng rebolusyonaryong lider na si Prop. Jose Maria Sison.


Ordoñez Plata Mata

Teo Marasigan
Manunulat at kolumnista ng Pinoy Weekly

Nakilala ko si Rogelio “Ka Roger” Ordoñez, mga taong 2006, sa Pinoy Weekly. Alamat na siya noon bilang makabayan at progresibong manunulat. Mababasa rin ang mga sulatin niya para sa Pinoy Weekly na noo’y lingguhang lumalabas at pawang may tatak ng estilo niya.

Bilang punong patnugot, mahalaga ang papel ni Ka Roger sa nilalaman ng pahayagan at mga patakaran tungkol rito. Itinulong niya ang kaalaman niya sa progresibong peryodismo, na halaw sa mahabang karanasan, sa Pinoy Weekly. Hindi siya pumupunta sa opisina noon, pero mahigpit na tinatanganan ng mga editor at manunulat ang mga pagtingin niya. At kung may malaking usapin sa nilalaman na kailangang pagpasyahan, ite-text siya para hingiin ang kanyang hatol.

Sa panahong iyun, mas madalas kaysa hindi, si Ka Roger ang sumusulat ng editoryal ng dyaryo. Linggu-linggo, ipinakita niya ang maagap na paggagap sa mga pinakamaiinit na isyung bayan. Linggu-linggo, ginamit niya ang matalas na pagsusuring makabayan at progresibo sa mga isyung ito. Ligaya ng proofreader si Ka Roger, dahil malinis ang pagkakatipa ng teksto, bihira ang pagkakamali.

Ang estilo ni Ka Roger, tawagin nating “maginoo pero medyo bastos” – maginoo sa mga mambabasa, na ipinagpapalagay na kabilang sa nakakarami nating kababayang “isang kahig, isang tuka, kumai’t dili,” pero bastos sa mga nagsasamantalang imperyalista at malalaking burgesya-komprador at panginoong maylupa. “Tagahimod ng pundilyo” ang isa sa mga paborito naming paglalarawan niya sa mga tuta ng rehimeng US-Arroyo noon.

Basahin nang buo ang parangal ni Teo Marasigan kay Rogelio Ordonez


The last of the elegant and irreverent nationalist writers in Filipino

Ilang-Ilang D. Quijano
Former editor, Pinoy Weekly
Secretariat, Altermidya-People’s Alternative Media Network

I remember with great fondness one of the countless editorials Roger Ordoñez penned for Pinoy Weekly. It was entitled “Punyeta ang lahat”—this was way before that Heneral Luna cuss word became a craze. The editorial was about ex-president Gloria Macapagal-Arroyo’s failed drive to lift term limits and restrictions on foreign ownership through constitutional amendments: “Sa kamay ng uring mapagsamantala’t naghahari-harian sa lipunan, punyeta ang lahat makapanatili lamang silang naglulublob sa kapangyarihan at sa nakakabaliw na mga grasya’t gloryang kakambal nito sa isang kaayusang panlipunang ilusyon pa rin ang tunay na hustisya sosyal.”

Another memorable editorial of his was entitled, “Dasal ang Solusyon, Anak ng Galunggong”—this time tackling religion, which, along with US imperialism and local bureaucrat capitalists, was among his favorite targets of attack.

If I were to describe Ka Roger’s writing style in two words, it would be elegant and irreverent. If I were to describe his convictions—always weightier than style—it would be nothing less than nationalist and proletarian, among the last of his generation who wielded the Filipino language he so mastered with such fierceness, honor, and uncompromising integrity. When he wrote, it was always from the point-of-view of the oppressed, distinctly faithful to the history of colonialism and class struggle in the Philippines. When he wrote, the picture of everyday reality and the voice of an enlightened people was always surprisingly clear: “Gaya na lamang ng pagmumumog, pagsesepilyo, at paghihilamos kung umaga ang anumang eskandalo at katiwaliang nangyayari sa iba’t ibang ahensiya ng gobyerno. Sa anumang anggulong sisipatin, mahirap mapasubaliang matagal nang bulok na bulok ang pambansang burukrasya at sapat nang ikasuka at ipaghimagsik ng mulat at mararangal na mamamayan.”

Basahin nang buo ang parangal ni Ilang-Ilang Quijano kay Rogelio Ordonez


Minamahal naming editor

Kenneth Roland A. Guda
Editor in chief, Pinoy Weekly (2007-present)

Batikan at de-kalibreng manunulat at editor. Kaibigan at kasama. Iyan, at marami pa, si Rogelio L. Ordonez, o Ka Roger, o RO, sa aming mga batang manunulat at editor ng Pinoy Weekly.

Si Ka Roger ang unang punong patnugot ng Pinoy Weekly, noong nagsisimula pa lang kami, taong 2002. Sila ni Bayani “Ka Bay” Abadilla ang dalawa sa mga batikang aktibistang manunulat at propesor na pinaka-aktibong nagbigay ng panahon at komitment sa pagtataguyod ng proyektong PW.

Hindi pa uso ang social media noon. Bagamat may Bulatlat.com na at marami na ring audio-visual groups at newsletters ang mga organisasyong masa (at masigla rin ang underground press), wala pang pahayagan ang mga komunidad at opisina ang organisadong mga maralita at manggagawa. Gutom sa propaganda ang mga komunidad—propagandang magpapaliwanag at magpapalalim sa pambansang mga isyung nagsusulputan, propagandang mag-uugnay sa lokal nilang mga isyu at pambansang kalagayan at kampanyang masa.

Panahon noon ng administrasyong Arroyo. Bagamat 2002 pa lang, papaigting na ang pasistang atake ng rehimen sa mga organisasyong masa. Ito ang sitwasyon sa unang mga taon ng pamamatnugot ni Roger. Bagamat aktibo pa siya noon sa pagtuturo sa PUP, linggu-linggong tinanganan ni RO ang pagsusulat ng editoryal.

Basahin nang buo ang parangal ni Kenneth Guda kay Rogelio Ordonez


Parangal kay Kasamang Rogelio Ordoñez, manunulat, guro at aktibista ng bayan

Prop. Jose Maria Sison
Kapwa Manunulat, Guro at Aktibista
Tagapangulong Tagapagtatag, Partido Komunista ng Pilipinas
Tagapangulo, International League of Peoples’ Struggle

Nagpapaabot ako ng taos pusong pakikidalamhati sa pamilya at mga matalik na kasama at kaibigan ng namumukod na makabayan and rebolusyonaryong manunulat, guro at aktibista na si Kasamang Rogelio Ordoñez. Nalulungkot tayo lahat sa kanyang pagpanaw subalit maligayang ipinagbubunyi natin ang kanyang malikhain, mabunga at makahulugang buhay, matatag at militanteng pakikibaka para sa pambansa at panlipunang kalayaan at kanyang mayaman, maningning at walang kamatayang pamana sa panulat, pagtuturo at pagkilos.

Malaking karangalan at natatanging kapalaran ko na nakilala at naging kasama sa pakikibaka si Ka Roger magmula pa sa dekada ng sesenta nang naging masigla at mapanlaban ang mga kabataang Pilipino, laluna ang Kabataang Makabayan, sa landas ng pakikibaka para sa pambansang kalayaan at demokrasya laban sa imperyalismong US at lokal na mga reaksyonaryong uri ng malalaking komprador at asendero. Sandigan namin ang mga uring anakpawis. Tinahak namin ang landas na patungong sosyalismo sa pamumuno ng uring manggagawa at sa tanglaw ng Marxism-Leninismo.

Kalahok kami sa pagpundar ng Panulat Para Sa Kaunlaran Ng Sambayanan (PAKSA) noong 1971. Isa siya sa mga pinakamasigasig na tagapagtatag. Bagamat ako ay nasa lihim na kilusan at sa larangan ng sandatahang pakikibaka, nakapagbigay pa ako ng talumpati sa mga nakatipong manunulat at nakapagpayo pa akong gawing ulos ang pluma laban sa kaaway. Naging magiting na tagapagsalita ng PAKSA si Ka Roger laban sa sumisidhing pagsupil ni Marcos sa kilusang masa at sa mga karapatang demokratiko at laban sa pagsasakatuparan ng balak ni Marcos na pagpataw ng pasistang diktadura sa bayan. Hindi nakitil ang tinig ni Ka Roger at PAKSA kahit nang ideklara ang batas militar.

Basahin nang buo ang parangal ni Prop. Jose Maria Sison kay Rogelio Ordonez