Tribute

Parangal kay Kasamang Rogelio Ordoñez, manunulat, guro at aktibista ng bayan


Nalulungkot tayo lahat sa kanyang pagpanaw subalit maligayang ipinagbubunyi natin ang kanyang malikhain, mabunga at makahulugang buhay, matatag at militanteng pakikibaka para sa pambansa at panlipunang kalayaan at kanyang mayaman, maningning at walang kamatayang pamana sa panulat, pagtuturo at pagkilos.

Nagpapaabot ako ng taos pusong pakikidalamhati sa pamilya at mga matalik na kasama at kaibigan ng namumukod na makabayan at rebolusyonaryong manunulat, guro at aktibista na si Kasamang Rogelio Ordoñez. Nalulungkot tayo lahat sa kanyang pagpanaw subalit maligayang ipinagbubunyi natin ang kanyang malikhain, mabunga at makahulugang buhay, matatag at militanteng pakikibaka para sa pambansa at panlipunang kalayaan at kanyang mayaman, maningning at walang kamatayang pamana sa panulat, pagtuturo at pagkilos.

Malaking karangalan at natatanging kapalaran ko na nakilala at naging kasama sa pakikibaka si Ka Roger magmula pa sa dekada ng sesenta nang naging masigla at mapanlaban ang mga kabataang Pilipino, laluna ang Kabataang Makabayan, sa landas ng pakikibaka para sa pambansang kalayaan at demokrasya laban sa imperyalismong US at lokal na mga reaksyonaryong uri ng malalaking komprador at asendero. Sandigan namin ang mga uring anakpawis. Tinahak namin ang landas na patungong sosyalismo sa pamumuno ng uring manggagawa at sa tanglaw ng Marxism-Leninismo.

Kalahok kami sa pagpundar ng Panulat Para Sa Kaunlaran Ng Sambayanan (PAKSA) noong 1971. Isa siya sa mga pinakamasigasig na tagapagtatag. Bagamat ako ay nasa lihim na kilusan at sa larangan ng sandatahang pakikibaka, nakapagbigay pa ako ng talumpati sa mga nakatipong manunulat at nakapagpayo pa akong gawing ulos ang pluma laban sa kaaway. Naging magiting na tagapagsalita ng PAKSA si Ka Roger laban sa sumisidhing pagsupil ni Marcos sa kilusang masa at sa mga karapatang demokratiko at laban sa pagsasakatuparan ng balak ni Marcos na pagpataw ng pasistang diktadura sa bayan. Hindi nakitil ang tinig ni Ka Roger at PAKSA kahit nang ideklara ang batas militar.

Magkaiba man ang lugar na kinikilusan namin, lagi kong sinusubaybayan ang pagkilos ni Ka Roger at madalas kong binabasa ang kanyang mga tula, kuwento, nobela at artikulo. Kapuripuri ang kanyang mga pagsisikap na mapalaganap ang rebolusyonaryong diwa at kilusang pambansa demokratiko sa hanay ng mga peryodista at malikhaing manunulat. Kung kaya siya ay naging aktibo sa mga organisasyon, tulad ng Cavite Press Club, Philippine Writers Academy, Pambansang Unyon ng Manunulat (PANULAT), at Pambansang Linangan at Ugnayan ng mga Manunulat (PLUMA).

RO2Walang humpay ang kanyang pagsusulat sa iba’t ibang publikasyon hanggang sa Pinoy Weekly kung saan naging punong editor at board chairman siya. Marami siyang inani na gantimpala mula sa Liwayway sa pagsusulat ng nobela, mula sa José Rizal Centennial Commission (sanaysay), mula sa Kadipan, asosyasyon ng mga manunulat at guro sa Tagalog sa mga unibersidad ( sanaysay at maikling kuwento), mula sa Balagtas Memorial Awards (peryodismo) at mula sa Writers’ Union of the Philippines (National Achievement Award for Literature). Tinanggap niya ang Gawad ng Pambansang Alagad ni Balagtas, Gawad Alejandro G. Abadilla at Makata ng Bayan mula sa KM64 Poetry Collective.

Pinarangalan siya ng De la Salle University (Dasmariñas) dahil sa mga ambag niya sa panunula at panitikan. Pinarangalan din siya ng Polytechnic University of the Philippines (PUP), sa ika-107 anibersaryo nito noong 2011 at ginantimpalaan siya ng Plaque of Distinction bilang namumukod at tanyag na manunulat na nagbibigay karangalan sa Unibersidad, bilang nobelista at makata na nagpapayaman sa Panitikang Pilipino.

Masugid si Ka Roger sa pagtuturo at paghuhubog sa bagong henerasyon ng mga manunulat. Tinapos niya ang MA sa Mass Communications sa PUP. Naging pangkalahatang kalihim ng PUP Creative Writing Center, professorial lecturer at kolumnista. Napakahusay niyang guro. Naging propesor siya sa PUP at nagturo ng Malikhaing Pagsusulat, Panitikan, Kasaysayan, Mga Akda ni Rizal at Pangkasalukuyang Mga Problema ng Lipunan. Ginawaran siya ng Alliance of Concerned Teachers (ACT) ng titulo bilang Guro ng Bayan. Pinarangalan din siya ng Congress of Teachers and Educators for Nationalism and Democracy (CONTEND) bilang Makabayang Guro.

Habang buhay, lahat ng gawa at parangal kay Ka Rogelio Ordoñez ay kaugnay sa paglilingkod niya sa bayan, laluna ang mga anakpawis na hangad niyang lumaya sa pagsasamantala at pang-aapi. Laging mananatiling buhay ang kanyang ala-ala at pamana dahil taglay ang mga ito ng kanyang mga kapwang makabayang manunulat, guro at aktibista, ang kanyang mga naging mambabasa at mga estudyante at kanyang mga akda na patuloy na binabasa, inaaral at pinaghahanguan ng inspirasyon para ipagpatuloy ang demokratikong rebolusyon ng bayan hanggang sa sosyalismo at ganap na paglaho ng mga nagsasamantalang uri.