PW-shabu-featured

Commentary

Ang dapat mabatid sa gera kontra droga

July 14, 2016

Dumarami na ang bilang ng mga napapatay na maliliit na kriminal bunsod ng paglaban ni Duterte sa ilegal na droga. Pero dapat niyang puruhan ang mga protektor at malalaking drug lords – hindi ang mga adik na biktima rin.

Buong puwersa nang umaarangkada ang giyera ng administrasyong Duterte kontra sa ilegal na droga. Ang sabi pa ng iba, nagsimula na ito bago pa man umupo si Pang. Rodrigo Duterte sa puwesto. Araw-araw na laman ng mga balita sa telebisyon at radyo ang mga pagpatay, pagsuko o paghuli sa adik o pusher ng ilegal na droga.

Ayon sa mga balita, sa pagkakasulat ng artikulong ito, mahigit 300 katao na diumano ang napatay sa “giyera kontra droga” ng administrasyon. Karamihan sa mga napaslang, mga durugista o nagtutulak ng droga na antas-kalye.

Samantala, ibinalita rin noong nakaraang linggo ang pagtukoy ni Duterte sa limang heneral ng Philippine National Police (PNP) na pangungunang protektor ng mga operasyon ng ilegal na droga sa bansa. Inutusan na niya umano ang National Police Commission na imbestigahan ang tatlong aktibong heneral at dalawang retiradong heneral ng PNP.

Sa sinumang nakabalita sa naging rekord ni Duterte sa paglaban sa ilegal na droga sa Davao City, hindi na ito kagulat-gulat. Masasabi pa ngang isa ito sa panguhing mga dahilan kung bakit naluklok siya ng Malakanyang.

Ipinrisinta ni Pangulong Duterte ang isang diagram ng mga personalidad mula sa hanay ng mga pulisya at lokal na gobyerno na sangkot diumano sa mga sindikato ng ilegal na droga sa bansa. <b>Malacanang Photo</b>

Ipinrisinta ni Pangulong Duterte ang isang diagram ng mga personalidad mula sa hanay ng mga pulisya at lokal na gobyerno na sangkot diumano sa mga sindikato ng ilegal na droga sa bansa. Malacanang Photo

Gaano ba kalala ang problema ng ilegal na droga sa Pilipinas? Ayon sa maraming tagasuri, popular ang Pilipinas bilang transit hub ng pangangalakal ng ilegal na droga sa iba’t ibang bahagi ng mundo. Dahil ito sa magandang puwesto ng bansa sa pagitan ng mga kontinente.

Sikat sa bansa ang poor man’s cocaine, o ang shabu, at siyempre, ang marijuana. Daan-daang milyong piso ang halaga ng industriyang ito, na kinasasangkutan ng multimilyonaryong mga smuggler at drug lord mula sa iba’t ibang panig ng mundo. At dahil sa saklaw o laki na inaabot ng naturang industriya, imposibleng hindi ito alam ng matataas na opisyal ng pulisya, militar at/o gobyernong sibilyan. Sistematiko ito, at sukdulang sinasangkot pa ang kawawang kapit-patalim na mga OFW (Overseas Filipino Workers) bilang “drug mules” o tagapagdala ng droga sa ibang bansa (malay man sila o hindi).

Kaya naman hindi nakapagtataka na popular na popular ang kampanya kontra-drogang ito ni Duterte. Kahit ang Kaliwa, nagpahayag ng suporta sa naturang kampanya ng bagong pangulo. Sabi pa nga ng rebolusyonaryong New People’s Army (NPA), matagal na nitong ipinatutupad ang pagpuksa sa ilegal na droga sa kanilang mga teritoryo.

Sa pahayag nito noong Hulyo 2, sinabi ng mismong Communist Party of the Philippines (CPP) na nakikiisa ito sa pagkamuhi ni Duterte sa ilegal na droga (“My God, I hate drugs,” minsan nang sinabi ni Duterte sa isang campaign ad noong panahon ng eleksiyon). “Nagsisilbi sa pananatili ng naghaharing sistema ang paglaganap ng ilegal na droga, lalo ng shabu, gayundin ang kasabay nitong pagsirit ng bilang ng mga insidente ng marahas na krimen (sa bansa).”

Sa hanay naman ng legal na kilusang masa, itinuturing ng Bagong Alyansang Makabayan (Bayan) na “positibo” ang pagtarget ni Duterte sa mga opisyal ng PNP na sangkot sa pagpoprotekta sa industriya ng ilegal na droga. Dapat lang ito, ayon sa Bayan, dahil matagal nang pinaniniwalaan na protektor ang maraming opisyal ng pulisya at militar ng pinakamalalaking sindikato ng droga at mga kriminal sa bansa.

Si Pangulong Duterte sa anibersaryo ng Philippine Air Force. Sa naturang okasyon isiniwalat niya ang pangalan ng limang heneral ng PNP na sangkot diumano sa ilegal na droga. <b>Malacanang Photo</b>

Si Pangulong Duterte sa anibersaryo ng Philippine Air Force. Sa naturang okasyon isiniwalat niya ang pangalan ng limang heneral ng PNP na sangkot diumano sa ilegal na droga. Malacanang Photo

Para sa CPP, mahihirap ang pinaka-biktima sa paglaganap ng ilegal na droga sa bansa. “Sa kasaysayan,” ayon sa rebolusyonaryong partido, “sadyang hinihikayat ng mga naghaharing uri at mga kolonisador ang paglaganap ng droga bilang paraan ng pagpapamanhid sa pandama ng mga inaapi at pinagsasamantalahang masa. Namamanhid sila ng paggamit ng droga para di maramdaman ang matinding epekto ng kahirapan, gutom at pandarahas ng estado.”

Sinabi pa nitong nagdudulot ang droga ng pagkakahati-hati ng mga masa, at nakakapigil sa kanila sa paglahok sa rebolusyonaryong pakikbaka para baguhin ang abang kalagayan nila.

Maikukumpara ito, marahil, sa pagpapalaganap ng ilegal na droga sa kilusan kontra sa giyera sa Vietnam at para sa pagpapalaya sa mga Aprikano-Amerikano noong dekada ’60 sa Amerika. Sa kanyang sanaysay sa Harper’s Magazine nitong Abril 2016, isiniwalat ng manunulat na si Dan Baum na may isiniwalat sa kanyang interesanteng impormasyon ang dating aide ni US Pres. Richard Nixon na si John Ehrlichman kamakailan.

Sinabi ni Ehrlichman na pinalaganap ni Nixon ang paggamit ng marijuana sa mga kalahok sa kilusang kontra-giyera sa Vietnam (tinaguriang hippies). At sa mga Aprikano-Amerikano o itim na lumalaban sa gobyerno, pinalaganap niya ang heroin.

Sa mga panghihimasok nito sa ibang bansa, sinasabing aktibong pinalaganap din ng Central Intelligence Agency (CIA) ng US ang pangangalakal ng ilegal na droga. Noong 1996, isiniwalat ng mamamahayag na si Gary Webb ng San Jose Mercury News na aktibong sangkot ang CIA sa mga drug ring sa California para pondohan ang panghihimasok ng US sa iba’t ibang bansa sa Latina Amerika.

Ang mamamahayag na si Gary Webb, at ang kanyang artikulo hinggil sa pagkakasangkot ng CIA sa drug trafficking sa Latina Amerika para pondohan ang giyerang agresyon nito sa Nicaragua. Larawan mula sa <b>Democracy Now!</b>

Ang mamamahayag na si Gary Webb, at ang kanyang artikulo hinggil sa pagkakasangkot ng CIA sa drug trafficking sa Amerika para pondohan ang giyerang agresyon nito sa Nicaragua. Larawan mula sa Democracy Now!

Kung may mahihinuha man sa mga isiniwalat ng Presidente hinggil sa ilegal na droga, masasabing sistematiko ang pagtutulak nito at may basbas ng pinakamatataas na mga opisyal ng militar at/o pulisya. Sa pahayag ng CPP nitong Hulyo 11, sinabi nitong “(a)lam na alam ng mga mamamayang Pilipino na malalim ang pagkakasangkot ng PNP at AFP (Armed Forces of the Philippines) sa pagtutulak ng droga, at iba pang porma ng organisadong krimen, mula sa antas-presinto pataas.” Ayon dito, laganap na kaalaman ang pagkakasangkot ng mga kumander ng mga estasyon ng pulis at lokal na mga opisyal ng pulisya sa pagbebenta ng droga sa kanilang mga lokalidad.

Sa Amerika man o sa Pilipinas, lumalabas na aktibong kalahok ang mga opisyal ng militar at pulisya sa pagpapalaganap ng ilegal na droga. Ito ang mismong dahilan kung bakit pinapayuhan ngayon ng mga progresibo si Duterte na ituluy-tuloy na ang pag-iimbestiga at pagsampa ng kaso sa mga heneral, lokal na mga opisyal at mayayamang indibidwal—habang maghunus-dili sa paggamit ng kamay-na- bakal (at paglabag sa batayang mga karapatan) sa mga kriminal na antas-kalye.

Ayon sa Bayan, nababahala ito sa sunud-sunod na mga pagpatay sa maliliit na kriminal. Dapat umano ito imbestigahan. Kahina-hinala naman kasi ang mga insidente. Ayon sa naturang grupo, dapat imbestigahan ang posibilidad na bahagi ang mga pagpatay ng “paglilinis ng bahay” (“house cleaning”) ng matataas na mga opisyal at ng mga sindikato.

Maaaring nagtatago na umano ng ebidensiya, at “nagliligpit” ng mga saksi, ang mga opisyal na tinatarget ngayon ng Pangulo.


Sidebar

Rebolusyonaryong bigwas sa ilegal na droga

Pakete ng shabu na nakumpiska diumano ng NPA kay Chief Insp. Arnold Olgachen

Pakete ng shabu na nakumpiska diumano ng NPA kay Chief Insp. Arnold Olgachen

Habang inaanunsiyo pa lang ng papasok na administrasyong Duterte ang giyera kontra droga noong Hunyo, umarangkada na ang kampanya ng rebolusyonaryong New People&#39;s Army (NPA) kontra sa mga opisyal ng pulisya na sangkot sa ilegal na droga.
Noong Mayo 29, isang taktikal na opensiba ang isinagawa ng Regional Operations Command ng NPA sa TimogMindanao (sa probinsiya mismo ni Pangulong Duterte) sa estasyon ng pulisya sa General Generoso, Davao Oriental.
Dito binihag ng mga gerilya si Chief Insp. Arnold Olgachen, na umano&#39;y isa sa pangunahing mga protektor ng sindikato ng ilegal na droga sa lugar.
Isiniwalat din ng NPA doon na sangkot ang tatlong lokal na mga pulitiko sa paggamit ng pondo mula sa ilegal na droga para sa kanilang mga kampanya noong eleksiyon. Ang mga pulitikong ito, ayon sa NPA, ay sina Gov. Corazon
Malanyaon, Cong. Nelson Dayanghirang at Gov. Gen. Mayor Vicente Orencia. Sinabi pa ng grupo na “mahigit 40 matataas na opisyal” sa AFP at PNP ang sangkot sa ilegal na droga.
“Ang tanging solusyon ay malakas na bigwas sa malalaking mga drug lord at protektor nito na may ugnay sa pandaigdigang mga sindikato ng droga. Samantala, dapat tulungang magbagong-buhay at bigyan ng tulong para makatulong sa lipunan ang mahihirap na mga Pilipino na nabiktima ng paggamit ng droga,” sabi pa ni Rigoberto Sanchez, tagapagsalita ng NPA-SMR.

 

Please follow and like us:
Facebook0
Facebook
YouTube0
YouTube
Google+191
Google+
http://pinoyweekly.org/new/2016/07/ang-dapat-mabatid-sa-gera-kontra-droga/
Instagram0
Follow by Email
RSS
Priscilla Pamintuan

Priscilla Pamintuan

Priscilla Pamintuan is a part-time cultural and political writer and fulltime film buff.