Pambansang Isyu

Kagyat niyang tungkulin


Mga isyung pambayan na dapat kaharapin ng rehimeng Duterte.

Ano ba talagang dapat na lamanin ng State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Duterte? Nauna nang pinrisinta ng iba’t ibang progresibong organisasyon ang 15-puntong People’s Agenda kay Duterte. Para sa mga progresibo, ito sana ang dapat na pokus ng SONA.

Pero marami sa mga nasa adyenda’y para sa pangmalawakang pagbabago sa lipunan. Ano ang kagyat na mga usapin o isyu kaugnay ng mga adyendang ito na mainam na unang tugunan ng bagong presidente? Pinalamanan ng Pinoy Weekly ang mga adyendang ito—ng mga kongkretong isyu na dapat kaharapin ni Duterte sa bawat adyenda ng mga mamamayan.

  1. Itaguyod ang pambansang soberanya at integridad ng teritoryo ng Pilipinas

Inihayag ng administrasyong Duterte na ipagpapatuloy nito ang paggiit sa soberanya ng bansa sa West Philippine Sea. Ang kaiba kay Duterte, nais niya maglunsad ng mga usapang bilateral sa China. Pero nauna nang sinabi na wala siyang nakikitang mali sa Enhanced Defense Cooperation Agreement o EDCA. Tungkol naman sa Visiting Forces Agreement o VFA, sinabi noon ni Duterte na dapat ibasura ito dahil di ito nakakatutulong sa mga Pilipino. Ang mabuti, binanatan naman niya ang US na nagdadala umano ng terorismo sa mga bansa sa Middle East dahil sa panghihimasok nito sa mga bansa.

  1. Igalang ang karapatang pantao at buong isabuhay ang demokrasya

Naging bukas si Duterte sa pagpapalaya sa mga bilanggong pulitikal. Pero naging kontrobersiyal ngayon ang mga insidente ng pagpatay sa mga pinaghihinalaang drug users at pushers. Kinondena ito ng iba’t ibang grupo. Ayon sa Karapatan, grupong pangkarapatang pantao, nananatili ang kanilang tindig laban sa extrajudicial killings sa sinumang indibidwal. Samantala, ibinasura naman ng Department of Justice ang mga kasong isinampa laban sa mga lider-Lumad at iba pang tagasuporta ng mga ito dahil sa pagtulong sa mga bakwit na Lumad sa United Church of Christ in the Philippines-Haran sa Davao City.

  1. Igiit ang kapasyahan ng bansa sa sariling kabuhayan, pangalagaan ang pambansang patrimonya

Nauna nang binatikos ni Duterte ang World Trade Organization (WTO), ang pandaigdigang organisasyon na nagtutulak ng pagbubukas ng mga merkado ng mga bansa para sa kapakinabangan ng imperyalistang mga bansa. Pero laman naman ng 10-puntong economic plan ng gobyerno ang pagpapatuloy sa neoliberal na mga polisiya sa ekonomiya. Ang tungkulin ngayon ni Duterte, talikuran ang naturang mga polisiya na nagpapalala sa kahirapan ng mga mamamayan.

  1. Ilunsad ang pambansang industriyalisasyon

Sinabi ni Duterte na sang-ayon siya sa industriyalisasyon. Positibo ang mga pahayag ng tagapayo ng pangulo sa ekonomiya na si RJ Jacinto hinggil sa planong pagbangon sa industriya ng bakal. Pero sa kabila nito, patuloy ang pag-akit sa dayuhang mga mamumuhunan—di para mamuhunan sa industriyalisasyon ng bansa, kundi para sa murang lakas-paggawa at pagsamantala sa likas-na-yaman.

  1. Ipatupad ang tunay na reporma sa lupa

May go-signal si Duterte para lutasin ang suliranin sa Hacienda Luisita. Naglabas na ng status quo order ang Dept. of Agrarian Reform, sa pangunguna ni Sec. Rafael Mariano. Positibo ang mga hakbang na ito. Pero nananatili pa rin sa bansa ang monopolyo ng iilang pamilya at korporasyon sa malalaking lupaing agrikultural. Sa minimum, kailangang isertipika bilang urgent ang Genuine Agrarian Reform Bill ng Makabayan sa Kamara.

  1. Itaas ang sahod, pamumuhay ng mga manggagawa

Ayon kay Labor Sec. Silvestre Bello III, pagbasura sa kontraktuwalisasyon ang marching order ng presidente sa kanya. Pero kamakailan, sinabi rin ni Bello na malamang na taong 2017 pa mapasimulan ang pagtigil sa “endo” o end of contract. Pero wala siyang sinasabi kung tutuparin niya ang hangad ng mga manggagawa na National Minimum Wage. Samantala, maliban sa dagdag-sahod at pagpawi sa endo, laman din ng Workers’ Agenda ng Kilusang Mayo Uno (KMU) ang paggalang sa karapatan ng mga manggagawa sa pag-uunyon.

  1. Palawakin ang serbisyong panlipunan

Hindi pa iniaatras ni Duterte ang polisiya ng pagsasapribado sa pampublikong pabahay at relokasyon. Ang positibo, nangako siyang walang demolisyon hangga’t walang relokasyon. Samantala, pribatisado o patutungo sa pagsasapribado ang pampublikong mga ospital tulad ng Fabella Memorial Hospital. Lahat ng serbisyong panlipunan — pabahay, edukasyon, kalusugan, transportasyon, komunikasyon — at kabuhayan ay pribatisado. Dapat nang ibalik ang pampublikong karakter sa mamamayan at hindi sa negosyo at dayuhan.

  1. Kober ng isyu ng print edition ng Pinoy Weekly na lumabas nitong Hulyo 24, 2016.
    Kober ng isyu ng print edition ng Pinoy Weekly na lumabas nitong Hulyo 24, 2016.

    Itigil ang pandarambong at lahat ng anyo ng katiwalian at korupsiyon

Napatalsik at napakulong sina dating pangulong Estrada at Arroyo dahil sa pandarambong at iba pang kasalanan sa bayan. Sa kaaanunsiyo lang na pagpapawalang-sala kay Arroyo sa kasong pandarambong, lalong kailangang ipanawagan ang pagpapanagot sa lahat ng kurakot tulad ni dating pangulong Aquino at mga kasapakat niya.

Mula sa Disbursement Acceleration Program at Priority Development Assistance Fund, hanggang sa mga Conditional Cash Transfer at 4Ps, ang sistematikong korupsiyon ay kailangan nang tapusin.

  1. Bawasan ang badyet militar, ilaan sa ekonomiya’t serbisyong panlipunan

Malinaw na atrasado ang hukbong militar, mula sa makabayang prinsipyo hanggang sa kagamitan at pasilidad. Ang mataas na pondong matagal nang inilalaan rito ay dapat nang wakasan, lalo na’t nagpapatuloy ito ng mersenaryong tradisyon ng pandarahas ng Estado at maging ng pagpapagamit sa pribado at dayuhang pulitiko at negosyo. Masyadong mataas ang pondo para sa karahasan, habang ang mga serbisyong panlipunan, sahod ng mga guro inaagiw at pinandidilatan ng gagamba.

  1. Itaguyod ang patriyotiko, demokratiko, siyentipiko at progresibong sistema ng edukasyon at kultura

Maliban sa K-12, naging sentrong usapin ang pagtanggal sa wikang Filipino bilang asignatura sa mga paaralan, habang naging usapin din ang hindi-wasto o baluktot na pagtalakay sa kasaysayan ng Pilipinas sa mga textbook. Kailangang tuunan ito ng pansin upang hindi mawala ang pagkamakabayan sa mga mag-aaral, at tiyakin ang patriyotikong edukasyon para sa susunod na henerasyon.

  1. Itaguyod ang pagkakapantay-pantay ng mga kasarian at bakahin ang diskriminasyong seksuwal at pangkasarian

Patuloy pa rin ang diskriminasyon sa komunidad ng mga bakla, tomboy at transgenders bunga na rin ng patriyarkal na oryentasyon ng kultura. Ngunit patuloy pa rin ang pakikibaka ng komunidad nila upang makamit ang pantay na pagtingin ng lipunan sa kanila.

  1. Tiyakin ang matalinong paggamit ng natural na yaman at pangalagaan ang kalikasan

Patuloy ang paglapastangan sa kalikasan sa bansa, lalo na ng dayuhang mga kompanya ng pagmimina. Inihapag ngayon sa bagong administrasyon ang pagbasura sa mga polisiyang may masamang epekto sa kalikasan, tulad ng Executive Order 79 ni Aquino.

  1. Igalang ang karapatan ng pambansang minorya para sa sariling pagpapasya’t kaunlaran

Panawagan ng mga Lumad sa Mindanao na itigil ang operasyong militar sa kanilang mga lupaing ninuno para makauwi sila rito. Malaking tugon din sa katutubo ang pagkakasuspinde ni Department of Environment & Natural Resources sa mga mapanirang minahan sa mga lugar na sumasakop sa kanilang mga lupaing ninuno. Kabilang sa mga minahang ito ang Benguet Corp., Nickel Mines Inc., Zambales Diversified Metals Corp., LNL Archipelago Minerals Inc. at Eramen Minerals Inc.

  1. Ipagpatuloy ang negosasyon sa kapayapaan sa NDF at kumpletuhin iyong sa MILF

Nauna nang nagkaroon ng preliminary talks ang gobyerno at National Democratic Front sa Oslo, Norway bago pa man pormal na manungkulan si Duterte noong Hunyo. Naging bukas din si Duterte sa pakikipag-usap sa Moro Islamic Liberation Front. Ang tungkulin ni Duterte ngayon, siguruhin ang pagpapatuloy ng usapang pangkapayapaan- -kahit matindi ang presyur ng militar at gobyernong US kontra rito.

  1. Magpursige sa isang independiyenteng patakarang panlabas

Nangako na si Duterte na tutuparin niya ang dati nang nalagdaang internasyunal na mga kasunduan–kahit pa malinaw na labag sa soberanya ang marami rito. Kasabay ng pagrepaso sa di-pantay na mga kasunduang ito, kailangang ilatag ni Duterte na hindi na tayo magpapailalim sa interes ng US o sinumang imperyalista sa ugnayang panlabas ng Pilipinas.


Featured image: Detalye mula sa dibuho ni Edrick Carrasco