FEATURED

Makasaysayang SONA


Ipinakita ng unang State of the Nation Address ni Pangulong Duterte na kaiba siya sa nakaraang presidente at handa siyang makinig sa mga mamamayan. Kailangan ngayong ipagpatuloy ang paggiit para sa tunay na pagbabago.

Tapos na ang makasaysayang programa ng makabayang mga organisasyon, pasado alas-sais ng gabi. Nagpapahinga sa isang island sa IBP Road, malapit sa Batasan Pambansa, bahay ng Mababang Kapulungan ng Kongreso, si Renato Reyes, Jr., pangkalahatang kalihim ng Bagong Alyansang Makabayan (Bayan), nang lapitan siya ng ilang pulis. Sumama raw siya sa kanila.

“Hindi sinabi ng PNP (Philippine National Police) kung saan o bakit (siya dapat sumama sa mga pulis),” sinulat ni Reyes, sa wikang Ingles, sa kanyang Facebook account. “Sumunod lang kami dhail baka may gusto lang silang pag-usapan namin.” Marami na sa mga demonstrador ang nagsiuwian, kaya sinama na lang ni Reyes ang kanyang asawa, si Dr. Beng Reyes ng Health Alliance for Democracy o HEAD.

Pero pinapasok sila sa isang lounge sa loob ng Batasan. Dito, naghihintay ang mismong pangulo, si Rodrigo Roa Duterte, na katatapos lang ang kanyang kauna-unahang State of the Nation Address (SONA).

“Kumusta kayo, nakalapit ba kayo?” tanong ng Presidente. Nagulat si Reyes, at nagalak. Ito lang umano ang unang pagkakataon na tinanong siya—sila—ng isang Pangulo ng Pilipinas kung nakalapit ba sa pinagraralihang lugar ang mga aktibista at kung kumusta sila.

“Sa miting na ito sa Pangulo, pinag-usapan namin ang kapayapaan at kagustuhan ng pangulo na maglaan ng mas maraming rekurso para sa mga serbisyong panlipunan sa panahong naresolba na ang armadong tunggalian,” sabi pa ni Reyes.

Nakahabol din sa pulong ang ilang lider ng Lakbayan mula sa Mindanao. Tinalakay ni Duterte kung paano makakauwi diumano ang mga Lumad na nagsilikas noong nakaraan pang taon dahil sa pananakop ng militar sa kanilang komunidad sa Mindanao.

Marami ang pagkakaiba sa posisyon ng kilusang masa at ni Duterte, sinulat ni Reyes. Pero sa pakikipag-usap ng presidente sa mga lider-progresibo, ipinakita niya ang kayang pagrespeto at kahandaang makinig sa hinaing nilang matagal nang naetsa-puwera ng nakaraang mga rehimen.

Ang respetong ito, matagal na panahong pinanday ng prinsipyadong pakikipag-ugnayan sa kanya ng iba’t ibang makabayang organisasyon sa Mindanao at buong bansa.

New People's Army noong 2013. <b>Boy Bagwis/PW File Photo</b>
New People’s Army noong 2013. Boy Bagwis/PW File Photo

Tigil-putukan

Sa kanyang SONA, pinakita ni Duterte ang kanyang kahandaang seryosong makausap ang mga negosyador ng rebolusyonaryong kilusan ng Communist Party of the Philippines-New People’s Army-National Democratic Front (CPP-NPA-NDF). Nagdeklara siya ng unilateral ceasefire bago pa man ang pormal na negosasyon sa pagitan ng dalawang panig sa Agosto 20.

Ilang oras lang ang lumipas matapos ang SONA ni Duterte, agad na naglabas ng pahayag ang NDF na handa itong suklian ng sariling tigil-putukan ang deklarasyon ng Presidente.

“Positibong tulak ang deklarasyon ni GRP (Gobyerno ng Republika ng Pilipinas) Pang. Duterte na unilateral ceasefire sa usapang pangkapayapaan ng GRP at NDF na nakaiskedyul sa Agosto 20 hanggang 27. Inaasahan nating agad na masusuklian ang deklarasyong ito ng planong palayain ang lahat na konsultant pangkapayapaan ng NDF at iba pang 550 bilanggong pulitikal,” pahayag ng CPP.

Paliwanag ng CPP, magmamantine ng modang active defense ang NPA sa lahat ng lugar na kilikilusan at pinamumunuan nito. Maglalabas din umano ng detalyadong atas hinggil dito ang National Operations Command ng NPA.

Nitong Martes, naglabas naman ng Suspension of Military Operations (SOMO) laban sa NPA ang Armed Forces of the Philippines (AFP). “Sakop ng SOMO ang pagtigil sa lahat ng opensibang militar laban sa CPP-NPA-NDF partikular sa armadong grupo nito, ang NPA, kabilang ang pagkokondukta ng combat maneuvers na maituturing na probokatibo na labag sa SOMO,” sabi ng direktiba ni AFP Chief of Staff Gen. Ricardo Visaya.

Sinabi naman ng CPP na kagyat na dapat gawin ng AFP ang pag-atras sa sibilyang mga komunidad, kasama ang kanilang mga bahay, eskuwelahan, barangay halls at health centers. Ganito ang kaso sa mga komunidad ng mga Lumad sa Timog Mindanao. Nakabakwit pa rin ang daan-daang Lumad sa UCCP Haran sa Davao City dahil sa presensiya ng militar sa kanilang mga komunidad.

Hiniling din ng rebolusyonaryong grupo na ibasura na ni Duterte ang programang kontra-insurhensiya na Oplan Bayanihan na bumiktima sa di-mabilang na mga sibilyan.

Session Hall ng Batasan Pambansa noong SONA ni Pangulong Duterte. <b>Malacanang Photo</b>
Session Hall ng Batasan Pambansa noong SONA ni Pangulong Duterte. Malacanang Photo

Kulang pa

Pero labas sa deklarasyong ceasefire, maraming progresibo ang nakulangan sa SONA ni Duterte. Kasama na sa nakulangan ang tsapter ng Kilusang Mayo Uno sa Timog Mindanao, na nagpahayag ng pagkataka na hindi man lang umano nabanggit ni Duterte ang komitment niyang ibasura ang kontraktuwalisasyon.

“Umaasa sana tayong maririnig natin ito (ang komitment sa pagbasura sa gawang endo o end of contract) sa kanyang unang SONA. Kahit pa sinabi na ni Labor Sec. Silvestre Bello III na komited siyang tutugunan ang (problema ng) kontraktuwalisasyon, ibang bagay pa rin kapag nanggaling ito sa bibig ng Pangulo,” sabi ni Carlo Olalo, pangkalahatang kalihim ng KMU-Southern Mindanao Region.

Sinabi pa ni Olalo na sana’y hindi ito nangangahulugan ng pag-atras ng gobyerno sa komitment nito sa kilusang paggawa. “Anu’t anuman, desidido kami na itulak ang pagwawakas sa kontraktuwalisasyon at para sa Pambansang Minimum na Sahod at pagsuporta sa maka-manggagawa at maka-mamamayang mga polisiya ng administrasyong Duterte,” sabi pa niya.

Samantala, patuloy na nababahala ang mga grupong pangkarapatang pantao sa di-pagdeklara ni Duterte ng pagtutol sa ekstrahudisyal na mga pamamaslang sa mga sinususpetsahan pa lang na nagtutulak ng droga sa antas-kalye.

May mga indikasyon din sa SONA ni Duterte na ipagpapatuloy niya ang neoliberal na mga polisiya sa ekonomiya ng nakaraang mga rehimen. Kasama rito ang pag-aakit ng dayuhang mga mamumuhunan para pagsamantalahan ang murang lakas-paggawa at likas-na-yaman ng bansa. Inihayag niya ang patuloy na pagtutol sa mapanirang pagmimina, pero labas dito’y (halimbawa, ang kumbersiyon sa lupa ng agro-industrial corporations), walang sinabi ang Pangulo.

Siyempre, wala ring sinabing komitment sa tunay na reporma sa lupa, na siyang bubuwag sa monopolyo sa lupaing agrikultural sa bansa ng iilang pamilya ng mga panginoong maylupa. Kung kaya, para kay Reyes at sa mga progresibo at ordinaryong mamamayan na lumahok sa martsa-rali sa SONA, hindi dapat itigil ang paggigiit at paglaban.

Pagkat sa pamamagitan ng paglaban, matutulak marahil si Duterte na tupdin ang kanilang hangad para sa tunay na pagbabago. Kung hindi man, sila na mismong mga mamamayan ang magpapatupad nito.