FEATURED

Rehimeng Duterte at rebolusyonaryong kilusan sa Kordilyera


Umaasa ang Cordillera Peoples Democratic Front (CPDF) sa Hilagang Luzon na lalakas ang rebolusyon sa ilalim ng bagong rehimen.

Kilalang may mainit na relasyon si Pangulong Duterte sa armadong rebolusyonaryong kilusan sa Mindanao. Sa maraming pagkakataon, pinangunahan niya ang pagpapalaya sa mga bihag-ng-digma o prisoners of war ng New People’s Army (NPA) sa Timog Mindanao. Pag-upo niya sa puwesto, ipinakita rin niya ang pagrespeto sa buong rebolusyonaryong kilusan sa pamamagitan ng pagpapakita ng kahandaang ipagpatuloy ang matagal-nang-nabalam na usapang pangkapayapaan sa National Democratic Front of the Philippines (NDFP).

Kinapanayam ng Pinoy Weekly ang isang lider-rebolusyonaryo mula naman sa Hilagang Luzon, si Simeon “Ka Filiw” Naogsan para alamin ang kanilang mga tindig hinggil sa bagong rehimen. Si Ka Filiw ay tagapagsalita ng Cordillera People’s Democratic Front (CPDF) na miyembrong organisasyon ng NDFP.

Ka Filiw, ano ang tindig ng CPDF sa gobyernong Duterte?

Kahanga-hanga ang mga pahayag ni Presidente Duterte kaugnay ng pagpapalaya sa mga bilanggong pulitikal, pagbubukas muli sa national peace talks sa pagitan ng GRP at ng NDFP and pagbubukas ng cabinet posts sa Kaliwa. Lahat ng hakbang na ito’y positibong hakbang tungo sa political settlement ng armadong tunggalian. Habang may aktitud tayo na maghintay at magmasid, mataas ang pag-asa nating hindi siya titiklop sa kanyang tindig kontra sa imperyalismo.

Malugod na tinatanggap ng CPP/NDF ang pagbubukas muli ng peace talks ng gobyernong Duterte. Ano ang inaasahan ng CPDF sa peace talks na ito, na kakaiba sa peace talks ng mga nakaraang rehimen at ng NDF, lalo na sa usapin ng pambansang minorya?

Malaki ang inaasahan ng CPDF sa peace talks lalo pa at ang ikalawang substantive agenda na tungkol sa economic and social reforms ay dito (sa Kordilyera) matatagpuan ang malaking isyu hinggil sa pambansang minorya. Buhay na isyu ang isyu ng mga karapatan natin sa lupaing ninuno at likas-na-yaman; ang isyu ng pagiging buhay ng mga katutubong sistemang sosyo-ekonomiko na nakaugat sa buhay-komunidad ng mga Igorot; ang isyu ng pagpapabaya ng gobyerno; ang komersalisasyon ng kultura; at sobinismo (chauvinism) ng mga Kristiyano ay historikal na manipestasyon ng pambansang opresyon. Nandiyan din ang pandarambong sa mga likas-na-yaman natin.

Tumitindi ang pagmimina at agribusiness sa rehiyon ng Kordilyera. Ano ang mga polisiya ng CPDF kaugnay nito? Paano naman pinakikitunguhan ng CPDF ang kalagayang pinagkukunan ito ng kabuhayan ng mga karaniwang mamamayan, laluna ang small-scale mining?

Ang polisiya ng CPDF sa large scale mining ay total stoppage. Kaya hangga’t kakayanin ng rebolusyonaryong puwersa at mga mamamayan ay hindi magpapapasok ng ano mang bagong mining company. Ganon din sa mga nakapasok at operational na, ang policy sa mga ito ay stoppage. Kung sa mga small scale mining, ang polisiya ay regulation and community control. Agrikultura ang pangunahin sa pagkukunan ng kabuhayan, sekundaryo ang small-scale mining. Kaya, ang agrikultura muna ang bigyang pokus at i-regulate ang small-scale mining. (Layunin nating) gawing cooperatives itong (mga kalahok sa) small-scale mining.

Ka Filiw: Pagkakataon para lalong magpalakas ang kilusan ng mga mamamayan sa ilalim ng bagong rehimen. <b>KR Guda</b>
Ka Filiw: Pagkakataon para lalong magpalakas ang kilusan ng mga mamamayan sa ilalim ng bagong rehimen. KR Guda

Gaano na katindi ang pasok ng mining and logging operations sa Cordillera sa panahon ng Aquino government? Ano-ano ang malalaking korporasyon na involved dito?

Walang tigil ang pagpasok ng large-scale mining sa rehiyon mula nang ma-update ang Mining Act of 1902 sa New Mining Act of 1995 sa panahon ng rehimeng US-Ramos at napabilis ang pagproseso nito sa pamamagitan ng EO 79 sa panahon ng rehimeng US-Arroyo. Umarangkada ang mining companies sa panahon ng US-Aquino II regime.

Umaabot nang 61 hanggang 80 porsiyento ng kalupaan ng rehiyon ng Kordilyera ang saklaw ng mga aplikasyon sa pagmimina. (Halimbawa nito) ang paglawak ng operasyon ng Lepanto Consolidated Mining Company kasosyo ang Goldfields sa Mankayan sa kabila ng sustenidong pagtutol ng mga mamamayan doon; ang mabilisang pagpapalawak ng operasyon ng Cordillera Exploration Company Incorporated (CEXI)-Nickel Asia Company-Sumitomo Metals Incorporated mula Apayao, Kalinga, Mt. Province at sa karating na probinsiya ng Ilocos Norte; ang pagpasok ng Grand Total and Exploration Mining Corporation sa Abra kahit walang FPIC (free, prior and informed consent) na sasaklaw sa 12,000 ektarya; ang pagpasok ng Carasscal Nickel Company at patuloy na paglawak ng Freeport McMoran (dating Phelps Dodge) – Makilala Mining Company sa Kalinga at hangganan ng Mt. Province at Ilocos Sur; at ng pagbukas ulit ng operasyon ng Philex Mining Company na ipinasara matapos matuklasan na nagdump ito ng 20 tonelada ng mining waste sa Bolog River.

Ano ang relasyon ng CPDF sa NPA? May sarili din bang armadong grupo ang CPDF tulad ng MNLF at MILF?

Dalawa ang katangian ng CPDF: tumatayong rehiyunal na NDFP-Cordillera at rebolusyonaryong organisasyong masa ng mga nasa pambansang minorya ng Cordillera. Tumatayo ang NPA kabalikat ng ibang rehiyon na nakatayo sa Kordilyera. Walang sariling armadong grupo ang CPDF; NPA pa rin ang armadong grupo nito.

Apat na dekada na ang armadong rebolusyon sa Pilipinas at patuloy pa rin kayong nakikibaka hanggang ngayon, gayundin ang maraming iba pa. Bakit nananatili pa rin ito sa Cordillera at sa ibang bahagi ng Pilipinas. Naniniwala ba talaga kayo sa kapayapaan?

Ang hangad natin mula’t sapol ay ipagtagumpay ang dalawang Pilipino — ang pambansa demokratikong rebolusyon at sosyalistang konstruksiyon .

Hindi nagbago ang tatsulok ng lipunang Pilipino. Lumala pa ang kalagayan ng mayorya ng mga Pilipino ngayon. Ang pinagsasamantalan at inaabusong mga Pilipino na ang naghahangad ng pagbabago – ng rebolusyonaryong pagbabago.

Partikular na dinaranas ng Partido ang problema ng pambansang panunupil na nararanasan ng mga pambansang minorya ng Kordilyera. Lumala pa ito sa antas-etnosidyo (ethnocidal). (Ang masama pa) nagiging iskuwater sa sarili nating mga lupaing ninuno ang malalaking mapanirang negosyo ng mga imperyalista at lokal nitong mga partner. Pinalala pa ito ng militarisasyon sa mga komunidad ng mga taga-Kordilyera.

Hanggang may materyal na batayan ng paglulunsad ng rebolusyon na di nareresolba, magpapatuloy ang rebolusyonaryong mga puwersa na mamukaw, mag-organisa at magpakilos ng libu-libong mga Igorot.