Photo Gallery

#SONAniDu30 | ‘Narito na, narito na, ang sambayanan!’

July 26, 2016

Teksto at mga larawan hinggil sa makasaysayang rali ng mahigit 40,000 katao sa unang State of the Nation Address ni Pangulong Duterte.

Tila bukambibig ngayon ng mga aktibista ang salitang ito: makasaysayan. Naging makasaysayan ang pagkilos ng progresibong mga organisasyon sa proklamasyon ni Pangulong Duterte noong Hunyo 30. Kahapon, makasaysayan din ang pagkilos para sa State of the Nation Address (SONA) ng pangulo.

Totoo naman.

Makasaysayan: Tinatayang mahigit 40,000 ang nagmartsa mula Commonwealth Avenue (sa tapat ng Toyota). Makasaysayan: Naglakbayan ang mga miyembro ng iba’t ibang organisasyon ng mga mamamayan mula iba’t ibang probinsiya ng Mindanao, gayundin mula sa Hilaga, Gitna at Timog Luzon, para makiisa sa paggiit ng tunay na pagbabago sa bagong rehimen.

Makasaysayan: Hindi hinarang ng laksa-laksang pulis ang martsa, na dumulo pa–sa unang pagkakataon sa loob ng 10 taon–malapit sa Batasan Pambansa. Makasaysayan: Sa harap ng mga kapwa-pulitiko, mga kinatawan ng naghaharing mga uri, dineklara ni Duterte ang isang interim ceasefire ng gobyerno sa rebolusyonaryong kilusan.

At makasaysayan din: Matapos ang SONA ng Pangulo, nakipag-usap siya sa lider ng progresibong mga grupo, gayundin ang mga lider ng lakbayan mula sa Mindanao.

Pero hindi sa walang napuna silang dati nang kritikal na sumusuri sa nakaraang mga pamunuan. Marami umano ang nakaligtaang banggitin. Walang binanggit ang Pangulo sa tunay na reporma sa lupa. Kapos sa detalye kung papaano ipapatupad ang umano’y industriyalisasyon sa bansa. Walang banggit sa pagwawakas sa kontraktuwalisasyon, o makabuluhang dagdag-sahod man lang sa mga manggagawa. Walang salita hinggil sa salot na Labor Export Policy. Nakababahala rin ang di-tuwirang pagsuporta pa rin sa neoliberal na mga polisiya sa ekonomiya na matagal nang nakasisira sa kabuhayan at buhay ng mga maralita.

Gayunman, may mapagsisimulan. Silang 40,000 na nagmartsa mula sa kung saan-saang sulok ng bansa’y may pinanghahawakang pag-asa para sa pagbabago. At ang pagbabagong ito, makakamit, di lang ng isang rehimeng pinamumunuan ng isang Pangulong itinuturing nilang kasangga sa maraming isyu, kundi sa kanilang lakas mismo.


Ilang larawan ng makasaysayang martsa sa unang SONA ni Duterte:

slide
Sa halip na effigy, dala ng mga nagprotesta ang anim na mural paintings na naglalaman ng 15-puntong People's Agenda na inihahain ng mga progresibo kay Pangulong Duterte. Macky Macaspac
slide
Ilan sa mga tinaguriang "Haran 15"--mga aktibista sa Davao City at Maynila na sumuporta sa panawagan ng mga Lumad na nakabakwit sa UCCP Haran para makauwi sa kanilang mga komunidad nang malaya sa militarisasyon. Ibinasura kamakailan ng mga tagausig ng gobyerno ang kaso laban sa kanila. Pher Pasion
slide
slide
Manggagawa, muling inihayag ang panawagang ibasura ang kontraktuwalisasyon. Pher Pasion
slide
Iba pang miyembro ng tinaguriang "Haran 15". Pher Pasion
slide
Kuha ni Pher Pasion
slide
Mga balatengga sa Commonwealth Avenue. Annalyn Rebecca Eisma-Andres
slide
Tulad ng inaasahan, kalahok sa rali ang mga miyembro ng gabinete tulad ni Agrarian Reform Sec. Rafael Mariano na bahagi rin ng kilusang masa. Annalyn Rebecca Eisma-Andres
slide
Nagbigay ng mensahe ang mga mambabatas na miyembro ng blokeng Makabayan bago pumasok ng Batasan Pambansa para sa SONA ni Duterte. Annalyn Rebecca Eisma-Andres
slide
Mang-aawit na si Aiza Seguerra. Jaze Muring Marco
slide
Tableu ng mga aktor na nagpapakita ng paglaban ng uring manggagawa. Jaze Muring Marco
slide
Partikular na ipinanawagan ng mga magsasaka ng Kilusang Magbubukid ng Pilipinas o KMP ang agarang pamamahagi ng lupaing agrikultural na pag-aari ng pamilyang Roxas-Araneta (pamilya ni dating DILG Sec. Mar Roxas). Annalyn Rebecca Eisma-Andres
slide
Kapayapaan sa hanay ng mga pulis, sa ngayon. Macky Macaspac
slide
Tableau ng mga manggagawa. Jaze Marco
slide
Kalahok ang di-bababa sa 7,000 katao mula sa Mindanao, Bikol at Timog Katagalugan sa rali sa SONA. Pher Pasion
slide
PrevNext

Mga larawan nina Pher Pasion, Macky Macaspac, Jaze Muring Marco at Annalyn Rebecca Eisma-Andres

Pinoy Weekly

Pinoy Weekly

This is a product of collaboration between writers, photographers and/or artists of Pinoy Weekly.