FEATURED Karapatang Pantao

Laban ng Lumad


Isang taon matapos ang mga pamamamaslang sa Lianga, Surigao del Sur, tuloy ang pakikibaka ng mga Lumad sa lupaing ninuno at kalikasan.

Hindi na sila makapaghintay, ang mahigit 2,000 Manobong Lumad na nakakampo pa rin sa Surigao del Sur Sports Complex sa Tandag City. Binansagan na ngayong “Barangay Oval,” isang taon na silang naghihintay sa militar na lumayas sa kanilang mga komunidad at paaralan sa Lianga, Surigao del Sur. Isang taon na silang naghahangad ng hustisya.

Excited na excited na kaming makauwi,” sabi ni Michelle Campos, 18, isa sa mga taga-Lianga na nasa Tandag ngayon. “Pero, ‘yun nga, may mga naririnig pa rin kami na may mga militar pa rin daw doon.”

Habang sinusulat ang artikulong ito, kinukumpirma pa lang ng mga grupong pangkarapatang pantao sa rehiyon ng Caraga kung nakaalis na nga ang mga militar sa Sityo Han-ayan, Brgy. Diatagon sa Lianga, at sa iba pang karatig na komunidad.

May dahilan sila para maging excited. Nitong Agosto 21 kasi, nagdeklara kapwa ang rehimeng Duterte at rebolusyonaryong kilusan ng tigil-putukan. Kung magiging matapat lang ang Armed Forces of the Philippines (AFP) sa deklarasyong ito, aalisin nito ang mga sundalong isang taon na ring nakakampo sa mga komunidad ng Lumad sa Lianga. Kung tapat lang ito, ititigil nito ang mga operasyong militar na siyang dahilan ng paglikas ng 2,000 Lumad.

Kung makukumpirmang wala nang banta sa kanila, ani Michelle, plano nilang bumalik sa Lianga sa Setyembre 2 – isang taon at isang araw matapos angmalagim na pangyayari na di niya malilimutan kailanman.

Michelle Campos: Naghahangad pa rin ng hustisya para sa kanyang ama at lahat ng Lumad ng Mindanao. KR Guda/PW File Photo
Michelle Campos: Naghahangad pa rin ng hustisya para sa kanyang ama at lahat ng Lumad ng Mindanao. KR Guda/PW File Photo

Lagim ng militar

Setyembre 1 noong nakaraang taon, madaling araw, nang paslangin ng grupong paramilitar na Magahat-Bagani ang tatlong lider ng mga komunidad ng Lumad sa Diatagon.

Isa na roon ang dating guro ni Michelle na si Emerito “Tay Emok” Samarca, 54, na siyang executive director ng Alternative Learning Center for Agricultural and Livelihood Development (Alcadev) na alternatibong eskuwelahan ng mga Lumad sa Han-ayan. Pinaslang din ng mga paramilitar si Juvello Sinzo, miyembro ng Malahutayong Pakigbisog Alang sa Sumusunod (Mapasu), organisasyong masa ng mga Lumad sa Lianga.

At, sa harap ng mismong mga kaeskuwela ni Michelle sa Alcadev noong araw na iyon, walang-awang pinatay rin ng mga grupong paramilitar ng AFP si Dionel Campos, tatay ni Michelle.

“Dismayadong dismayado ako kasi hanggang ngayon, kung sino pa ang mga pumatay, sila pa ang malayang nakakalakad (sa Lianga). Samantalang kami, laging nangangamba sa seguridad namin,” kuwento niya.

Tinutukoy na salarin sa mga pamamaslang sina Bobby Tejero at Loloy Tejero, kapwa miyembro ng Magahat-Bagani na siyang nasa ilalim ng 36th Infantry Battalion, 75th IB at Special Forces ng Philippine Army sa pamumuno nina Lt.Col. Aaron Akas at Lt. Col. Randolph Roxas.

Nag-aaral na sa kolehiyo sa isang pamantasan sa Tandag si Michelle. Pero hanggang ngayon, sariwa pa rin ang lagim ng araw na iyon. Hanggang ngayon, hindi pa rin siya tumitigil sa paghangad ng hustisya. Nakarating pa siya sa iba’t ibang bansa para manawagan ng suporta para sa kanyang tatay at sa lahat ng Lumad.

Para sa hustisya

Dalawang beses na naglakbay ang libu-libong Lumad, hindi lang mula sa Lianga kundi mula sa iba’t ibang bahagi ng Mindanao, patungong Maynila noong nakaraang taon hanggang noong State of the Nation Address ni Pangulong Duterte.

Ang panawagan ng mga Lumad sa Lianga: Una, ang itigil na ang mga operasyong militar; pangalawa, ang isuko at mapasailalim sa hustisya ang mga suspek ng mga pamamaslang; at pangatlo, ang tanggalin na rin ang mga sundalong nagkakampo sa komunidad at eskuwelahan ng mga Lumad sa Lianga, lalo na sa alternatibong mga paaralan ng Alcadev at Tribal Filipino Program of Surigao del Sur (Trifpss).

Nang iproklama siya sa Malakanyang noong Hunyo 30, at pagkatapos ng SONA niya, nakausap si Duterte ng ilang lider-Lumad. Sa mga pulong na ito, siniguro ng Pangulo na gagawin niya ang makakaya para mapaalis ang mga militar sa mga komunidad ng Lumad, nang makauwi na sila.

Pero sa kabila nito, at sa kabila ng naunang deklarasyon para sa tigil-putukan ng rehimeng Duterte noong SONA, hindi gumalaw ang mga nakakampong sundalo sa Lianga. Kinumpirma ito ng maraming grupong pangkarapatang pantao, kabilang ang International Committee of the Red Cross.

Umaasa sila na sa pangalawang deklarasyon ng tigil-putukan ng rehimeng Duterte habang nagaganap ang pormal na usapang pangkapayapaan sa pagitan ng gobyerno at National Democratic Front of the Philippines sa Oslo, Norway, aalis na ang militar sa Lianga.

Sentro ng evacuation site sa Tandag. JL Burgos/PMC File Photo
Sentro ng evacuation site sa Tandag. JL Burgos/PMC File Photo

Buong Mindanao

Dahil sa pag-usad ng usapang pangkapayapaan sa pagitan ng gobyerno at rebolusyonaryong kilusan, nahihikayat ngayon ang organisadong hanay ng mga Lumad na paigtingin ang kanilang laban para sa karapatan sa lupaing ninuno.

Kamakailan, higit sa 5,000 Lumad at magsasaka ang nagkampo sa Rizal Park sa Koronodal City para iprotesta ang lumalalang pagkasira ng kapaligiran dala ng malawakang pagmimina. Nagmula ang naturang mga Lumad at magsasaka sa mga probinsiya ng South Cotabato, Sarangani, Sultan Kudarat, General Santos City, North Cotabato, at Davao del Sur.

Kasama sa mga tribong lumahok sa protesta ang Dulangan Manobo, B’laan, T’Boli, Teruray, Klagan, Kaolo, Bagobo at may ilang mamamayang Moro.

Nanawagan ang grupo sa pangunguna ng Kilusang Magbubukid ng Pilipinas (KMP) sa mga negosyador ng gobyerno at NDFP na isama sa pagkakasunduan ang pangangalaga ng kanilang mga lupaing ninuno. “Umaasa kami sa isang makabuluhang negosasyon sa pagitan ng gobyerno ng Pilipinas (GPH) at NDFP sa usapin ng Comprehensive Agreement on Socio-Economic Reforms (CASER),” ani Antonio Flores, pangkalahatang kalihim ng KMP.

Sa Sultan Kudarat at karatig na mga probinsiya, di-bababa sa 102,954 ektarya na karamiha’y lupaing ninuno ng mga Dulangan Manobo ang sakop ng operasyong pagtotroso ng pamilyang Consunji. Samantala, ang tri-boundary ng mga lupaing ninuno ng B’laan sa South Cotabato, Sultan Kudarat, Sarangani at Davao del Sur, target na maging lugar ng pinakamalaking operasyon ng pagmimina sa bansa bilang Tampakan Mining Project sa ilalim ng Sagittarius Mines Inc. (SMI). Sakop din ng Financial and Technical Assistance Agreement (FTAA) Permit ng Indophil ng pamilyang Alcantara ang mahigit 99,000 ektarya ng pagmimina.

Kontra-pasismo

Kinikilala ng mga grupong pangkarapatang pantao na konektado ang presensiya ng militar sa mga planong pandarambong sa likas-yaman ng mga lupaing ninuno ng mga Lumad.

“Para bigyan-daan ang pagpasok ng mga proyektong ito, kasabwat ng nakaraang administrasyon ang dayuhan at lokal na mga kompanya para ipasok ang militar (sa mga lupain ng mga Lumad) sa ilalim ng programang kontra-insurhensiya na Oplan Bayanihan,” sabi ng Kahugpongan sa mga Lumad sa Halayong Habagatang Mindanao (Kaluhhamin).

Kung saan may mga planong proyekto, doon laganap ang pananalakay ng militar sa mga komunidad ng Lumad, ayon sa mga grupong pangkarapatang pantao. Sa mga lugar na ito, laganap din ang pamamaslang sa mga lider-Lumad at iba pang lumalaban sa panghihimasok ng militar at malawakang pagmimina.

Sa posibleng pagbabalik nina Michelle sa Lianga, ipinapangako nilang patuloy nilang ipaglalaban ang karapatan sa lupaing ninuno. Malaking bagay kung mapagkakasunduan sa usapang pangkapayapaan ang pangangalaga sa kalikasan.

Pero anu’t anuman, nasa  kanilang kamay at sa pagkakaisa ng mga mamamayang api at pinagsasamantalahan ang kapangyarihan para mapigil ang pandarambong ng kalikasan na pinakikinabangan ng iilang mayayaman.

May ulat ni Marjo Malubay

Featured photo: Larawan ni Raymond Panaligan/AlterMidya sa Tandag, Surigao del Sur