FEATURED

People’s Mining Bill, muling inihain sa Kongreso

Salot sa bayan at kalikasan ang malawakang komersiyal na pagmimina. Kaya naman nag-iinisyatiba na ang Makabayan na maghain ng panukalang batas para sa maka-mamamayang batas sa pagmimina.

Malinaw ang mensahe ni Pangulong Duterte sa mga minahan: Kaya ng Pilipinas umunlad kung wala ang malalaking komersiyal na mga minahang ito. Kahit pa umano ang mga sumusunod na minahan sa standard ng pagmimina, masama ang naidudulot ng mga ito sa ating bansa at sa kalikasan.

“Legal man o hindi, sisirain nito ang ating bansa,” ayon kay Duterte.

Dahil dito, inaasahang maisasabatas ang People’s Mining Bill o House Bill 2715 na muling inihain sa Kamara nila Bayan Muna Rep. Carlos Zarate at ACT Teachers Rep. France Castro. Layunin nitong palitan ang Mining Act of 1995 at baguhin ang oryentasyon ng industriya ng pagmimina patungong pambansang industrilisasyon at proteksiyon ng kapaligiran.

Napapanahon

Buo ang suporta dito ng Kalikasan People’s Network for the Environment (Kalikasan PNE). Napapanahong hindi lamang dapat suspendihin ang lumalabag na mga kumpanya ng minahan kundi magpasa ng bagong batas na magtitiyak na matitigil ang masamang kalakaran ng pandarambong sa kalikasan, pagkasira ng kapaligiran, at paghihirap ng mga mamamayan.

Sa datos ng grupo, napakaliit ng naiaambag ng industriya ng mina sa kasalukuyan sa ekonomiya na nasa 0.7 porsiyento lamang ng gross domestic product (GDP) at nasa 0.6 porsiyento lamang ang kabuuang employment rate nito.

Noong 2013, nasa P22.83 Bilyon ang nakuha ng gobyerno mula sa buwis, royalties, at mga bayarin mula sa pagmimina o katumbas lamang ng 1.33 porsiyento ng kabuuang nakolektang buwis.

Naging unang hakbang naman ni Sec. Gina Lopez ng Department of Environment and Natural Resources (DENR), ang i-audit ang lahat ng minahan sa Pilipinas. Mananagot umano ang hindi pumasasa ISO 14001 o ang responsableng pagmimina.

Naging sunud-sunod na ang pagpapasara sa mapanirang mga minahan sa bansa. Di bababa sa anim na ang napasara nitong minahan kabilang ang Benguet Corp Nickel Mines Incorporated, Eramen Minerals Incorporated, LNL Archipelago Minerals Incorporated, Zambales Diversified Metals Corporation, Berong Nickel, at Citinickel.

Idiniin ni Lopez na nakatanggap ang mga sinuspindeng kompanya ng mga reklamo hinggil sa environmental degradation, pangangamkam ng mga kabukiran, palaisdaan, coastal areas, pagkalbo sa kagubatan at kakulangan ng inilalaang mga pondo para sa progresibong rehabilitasyon.

Bukod sa pag-audit ng mga dati nang minahan, sa Memorandum Order No. 2016-01 na nilagdaan ni Lopez, iniutos niya naipagbawal ang fresh mining exploration sa bansa habang sumasailalim sa pagsusuri ang lahat ng minahan sa Pilipinas.

Para sa administrasyong Aquino, nagsisimula pa lamang sila. Nitong huli, naitalaga si Bayan Muna Rep. Zarate bilang chairperson ng House Committee on Natural Resources.

Bumisita si DENR Sec. Gina Lopez sa kampo ng mga evacuee mula sa komunidad ng Lumad sa Davao City kamakailan para bigyan-suporta ang panawagan ng mga Lumad na makabalik sa kanilang mga komunidad. Pinangunahan ng mga Lumad ang paglaban sa malalaking mapanirang pagmimina sa kanilang mga lugar. <b>Kilab Multimedia</b>
Bumisita si DENR Sec. Gina Lopez sa kampo ng mga evacuee mula sa komunidad ng Lumad sa Davao City kamakailan para bigyan-suporta ang panawagan ng mga Lumad na makabalik sa kanilang mga komunidad. Pinangunahan ng mga Lumad ang paglaban sa malalaking mapanirang pagmimina sa kanilang mga lugar. Kilab Multimedia

Higit pang magagawa

Hinahamon ng Kalikasan PNE ang administrasyong Duterte na mobilisahin ang mayoryang mambabatas sa Kongreso upang suportahan ang PMB ni Zarate.

“Hamon ito sa mga mamamayang Pilipino na patuloy na itindig ang mga barikada at samu’t sari pang mga porma ng pakikibaka laban sa dayuhan at malakihang pagmimina. Ito ang malaking maitutulong natin sa kampanya sa repormang pangkapaligiran ng administrasyon,” ayon kay Leon Dulce, campaign coordinator ng Kalikasan PNE.

Sa kabilang banda, hamon din kay Lopez at administrasyong Duterte na ipag-ibayuhin pa ang konsultasyon sa marami pang komunidad sa buong Pilipinas na apektado ng mga operasyon ng malakihang pagmimina.