Reporma sa pagbubuwis, di pabor sa mahihirap?

September 3, 2016

Gusto ng rehimeng Duterte na bawasan ang buwis sa sahod ng mahihirap. Pero nais naman nitong taasan ang buwis sa langis—na mahihirap din ang papasan.

Nahihirapan ka ba sa pagbabayad ng buwis – sa sahod mo man (kung manggagawa ka) o sa binibiling mga produkto at binabayarang serbisyo (na pawang may value-added at excise taxes)? Ang nais ng administrasyong Duterte, mabawasan diumano ang pinapasang buwis ng mahihirap.

Pero kung susuriin ang ilang panukala ng nakaraang administrasyon na ipinapanukala rin ng economic team ni Pangulong Duterte, mukhang lalong pahihirapan lang ang dati nang mahihirap.

Ganito ang nakita ng Bayan Muna Party-list sa panukala ng dating kinatawan ng Department of Finance (DOF) na si Cesar Purisima na ipinasa sa kasalukuyang DOF ni Sec. Carlos Dominguez III. Sa panukala, balak ng DOF itaas ang buwis sa langis na magreresulta sa P178- Bilyong kita. Pampuno ito sa mawawalang kita ng gobyerno mula sa pagpapababa ng income tax.

“Kontra-mamamayan ang panukalang ito at siguradong may masamang epekto sa mga konsiyumer,” ani Bayan Muna Rep. Carlos Zarate. “Magkakaroon ng domino effect ang mas mataas na buwis sa langis na magdudulot ng taas-presyo ng batayang mga bilihin at serbisyo tulad ng tubig at kuryente.”

Isipin na lang kung ano ang magiging epekto sa presyo ng bigas, isda at karne ng P10 taas-presyo sa gasolina at P6 taas-presyo sa krudo.

Bawi, dagdag

Simula’t sapul, inilatag na sa 10-puntong adyenda ng economic team ni Duterte ang pagreporma sa sistema ng pagbubuwis.

Ani Dominguez, plano ng rehimen na isaayos ang personal income tax brackets upang maibaba ang income tax sa maximum rate nito na 25 porsiyento mula sa 32 porsiyentong antas nito ngayon. Plano rin nitong ibaba ang corporate tax ng mga kompanya.

Papaano nito babawiin ang mawawalang kita mula sa pinababang buwis sa sahod? Balak nga ito kunin sa dagdag na buwis sa mga produktong petrolyo.

Pero maraming paraan para mabawi ng gobyerno ang income na ito nang di maaapektuhan ang mahihirap. Ani Zarate, maaaring repasuhin ang pambansang badyet para tanggalin ang mga item na di na kailangan o natutugunan na ng ibang item. Kabilang dito ang Risk Management Fund na may P30-B, ang Comprehensive Automotive Resurgence Strategy na may P28.2-B o ang Industry Competitive Fund na may P5-B.

Samantala, hinikayat ni Zarate ang rehimen na ibasura ang value-added tax o VAT sa batayang mga serbisyo tulad ng kuryente, tubig, langis at kahit na system loss sa kuryente.

Tungo sa pagbabago

Anu’t anuman, desidido umano ang administrasyong Duterte sa mga reporma sa pagbubuwis, lalo kung paniniwalaang malakas ang suporta ng publiko — batay sa mga sarbey.

Sa mga pahayag ni Dominguez, lumalabas na pinaniniwalaan pa rin ng economic team ng administrasyon ang dati-nang-bigong paniniwala sa pagpapatakbo ng ekonomiya ng nakaraang rehimen – na kung lumaki lang ang kita ng mga negosyante, papatak din ang yamang ito sa mahihirap. Magiging “inclusive” daw ang kaunlaran.

Pansin ito sa sinabi niyang para sa mas madaling pagnenegosyo ang planong gawing simple sa pagbubuwis at mga regulasyon sa negosyo.

Pero kailan pa kaya “pumatak” sa mayoryang mahihirap ang lumalaking kita ng iilang mayayaman?