pw-magahat-bagani-featured

Abusadong paramilitar, namamayagpag pa rin

Nakakaalarma ang paglaan ng malaking badyet sa 2017 sa mga grupong inaakusahang lumalabag sa mga karapatang pantao.

Noong Setyembre 1, 2015, pinaslang sina Dionel Campos, Datu Juvello Sinzo, at Emerito Samarca sa Lianga, Surigao del Sur. Ang paramilitar na grupong Magahat Bagani ang nagsagawa ng pagpaslang. Isinagawa nila ito nang may suporta ng mga tauhan ng Armed Forces of the Philippines (AFP).

Matagal nang problema ang pag-alagwa ng mga grupong paramilitar na ginagamit ng militar sa giyera kontra-insurhensiya. Laganap na lumalabag ng mga karapatang pantao ang mga grupong ito. Sa Mindanao, madalas na nabibiktima ang mga komunidad ng Lumad tulad ng sa Lianga.

Kamakaila’y iniutos ni Pangulong Duterte sa militar na kontrolin ang mga grupong paramilitar. Aniya, ang patuloy na pagpapabaya sa mga grupong ito ay hadlang sa pagkamit ng kapayapaan.

Dinagdagan pa ng badyet

Pero patuloy ang pagkanlong ng AFP sa mga grupong paramilitar.

Nitong nakaraang buwan, inihapag ng Department of National Defense (DND) ang kanilang panukalang badyet. Sa pagbubusisi ni Bayan Muna Rep. Carlos Zarate, napag-alamang may P25-Bilyon na inilaan ng DND sa modernisasyon at may hati dito ang mga grupong paramilitar.

Maglalaan pa ang AFP ng karagdagang P3-B para sa pagmamantine ng mga paramilitar.

Inulit ng AFP ang depensa nito sa malaking halaga para sa modernisasyon. Anila, hindi nanadadagdagan ang Civilian Auxiliary Force Geographical Unit (Cafgu) Active Auxiliaries (CAA). Lalansagin lang umano nila ang CAA kapag naging matagumpay na ang implementasyon ng Oplan Bayanihan, at kapag anila’y umayos na ang kalagayan ng internal na seguridad ng bansa.

May kabuuang lakas na 62,348 ang mga grupong paramilitar.

Di lulusawin

Isa pang paggigiit ng AFP: nilusaw na ang mga paramilitar sa bisa ng Executive Order (EO) 275 mula pa Hulyo 1987. Anila, ang mga CAA ay miyembro ng Cafgu bilang reserbang yunit ng AFP, na nasa ilalim ng mandato ng EO 264.

Giit nila na nirerespeto nila ang karapatan, kultura, kagawian at tradisyon ng mga katutubo. Pero iba pa rin ang ulat ng mga nasa komunidad. Hindi pa rin nabibigyan ng katarungan ang mga pinaslang at pinagmalupitan ng Mahagat-Bagani. Maaalala ang testimonya ng mga Lumad na hinayaan ng mga miyembro ng AFP, na naroon din sa lugar, ang grupo na isagawa ang pagpaslang.

Sa tala rin ng Karapatan, may 25 dokumentadong organisasyong paramilitar sa bansa, pangunahin ang Cafgu. Saad ng grupo na hindi man opisyal na kinikilala ang ilan, siguradong inaarmasan at pinopondohan ng AFP ang mga ito. Isa pa, ang ilang tulad ng Investment Defense Force and the Task Force Kitacom, ay tukoy na puwersa ng AFP at nasa ilalim ng EO 546 sa panahon pa ni dating pangulong Arroyo.

Hindi rin nasasagot ang patuloy na operasyon ng mga paramilitar hanggang sa kasalukuyan. Nito lang Hulyo 30, nagpaputok sa isang komunidad ng mga Lumad ang lider ng NIPAR na si Alder “Butsoy” Salusad, na ikinasugat ng isang buntis at lima pang kabataan sa San Fernando, Bukidnon.


Featured photo: Isang miyembro ng Magahat-Bagani sa Lianga noong nakaraang taon. Contributed Photo
Please follow and like us:
Facebook0
Facebook
YouTube0
YouTube
Google+194
Google+
http://pinoyweekly.org/new/2016/10/abusadong-paramilitar-namamayagpag-pa-rin/
Instagram0
Follow by Email
RSS
Darius Galang

Darius Galang

Darius Galang covers migrant and women's issues for Pinoy Weekly, while also working as a graphic artist and photographer. He one of PW's long-time editorial staff and was a product of Manila Collegian of the University of the Philippines-Manila campus.