FEATURED Kapirasong Kritika

Ang Tunay na Kalaban ni Duterte Ngayon


Hindi ang mga pambansang minorya o Kaliwa ang dapat tinutuligsa ng mga naniniwala sa puso at paninindigan ng pangulo, kundi ang mga kumokontra sa nagsasariling patakarang panlabas.

Oktubre 19, nagprotesta ang mga pambansang minorya – Igorot, Aeta, Lumad, Moro, at iba pa – sa US Embassy, kasama ang mga sumusuporta sa kanilang organisasyong kasapi ng Bagong Alyansang Makabayan o Bayan. Bago nito, ilang araw na sila sa Kamaynilaan, sa Unibersidad ng Pilipinas-Diliman sa partikular, para iprotesta ang patuloy na militarisasyon at operasyon ng mga minahan at plantasyon sa mga lupaing ninuno. Itinayo rin nila ang kanilang pambansang alyansa, ang Sandugo.

Sa araw na iyun, tema ng protesta ang pagsuporta sa panawagan ni Pang. Rodrigo Duterte para sa “independyenteng patakarang panlabas.” Tinuligsa ng mga pambansang minorya ang papel ng US kaugnay ng kanilang mga isyu: mga kompanyang Amerikano sa pagmimina at plantasyon, pagsasanay ng militar ng US sa mga sundalong Pilipino, paglahok ng mga sundalong Amerikano sa mga operasyong militar, at pagtutulak ng gobyerno ng US ng mga patakarang neoliberal kaugnay ng pagmimina at plantasyon.

Nasa China si Duterte habang nagaganap ang protesta. Mahalaga ang pagbisita para sa tinawag ng isang manunuring pampulitika na “Pivot to China” ng pangulo – pagbaling palayo sa US na may nauna namang patakarang “Pivot to Asia” kung saan mahalaga ang Pilipinas. Sa China, palaban, gaya ng lagi, ang mga pahayag ni Duterte: “paghiwalay” sa US hindi lang sa larangang militar, kundi sa ekonomiya; paghanay sa China at Rusya – na naggigiit ng kanilang soberanya laban sa US at may ambisyong maging imperyalista.

Pero nakakagulat, sa panahon ni Duterte kahit paano, ang naging tugon ng kapulisan. Nang patapos na ang programa ng mga nagpoprotesta, marahas na binuwag ang kanilang hanay ng mga pulis. Bukod sa pamalo at panangga, na karaniwan na, ang mga pulis ay nagpaputok ng warning shots at gumamit ng teargas, na hindi karaniwan. Tampok na imahen ng protesta ang trak ng mga pulis na umararo-sumagasa sa mga nagpoprotesta. Gayundin ang grabeng pamamalo at maramihang pag-aresto sa kanila.

Marami ang sugatan, nasaktan, at isinugod sa ospital. Totoo, nagpumilit sila, nilampasan ang humarang na hanay ng pulis, pero bahagi ito ng paggigiit ng karapatang magprotesta. Totoo, nagsulat sila ng mga islogan sa pader ng embahada, pero minsang pagpapakita lang ito ng galit sa araw-araw na krimen laban sa kanila sa kanilang mga komunidad. Hindi sila karapat-dapat sa tangkang pagpatay gamit ang trak ng pulis, na ang pag-atras-abante ay larawan ng kawalan ng pagkilala sa halaga ng buhay nila.

Isang araw bago nito, hindi gaanong tumampok sa balita, ginamitan din ng militar ng water cannon ang mga pambansang minorya sa protesta ng huli sa Camp Aguinaldo. Kinondena ng mga pambansang minorya ang militarisasyon sa kanilang komunidad, na nagpapatuloy sa kabila ng unilateral ceasefire na idineklara ng militar laban sa New People’s Army. Tinuligsa rin nila ang magkasunod na pagpaslang kina Anoy Pasaporte, kabataang aktibista, at Jimmy Saypan, lider-magsasaka, sa Compostela Valley.

Sa isang banda, nakakagulat din ang naging tugon ng mga troll na tagasuporta ni Duterte, na labas sa Kaliwa, sa social media. Ipinagtanggol nila ang pandarahas sa mga nagprotesta, dinepensahan ang kapulisan, at siniraan ang mga aktibista: kesyo hindi tunay na tagasuporta ni Duterte, mga bayaran sa pagpoprotesta, at, pinakamasahol sa lahat, kampon ng mga dilawan – ibig sabihin, bayaran ni Noynoy Aquino. “Hindi ka-DDS” o Die-hard Duterte Supporters ang sabi ng mga ito tungkol sa mga aktibista.

Demonstrador sa harap ng embahada ng US: sumusuporta sa independyanteng patakarang panlabas ni Pangulong Duterte. <b>Boy Bagwis</b>
Demonstrador sa harap ng embahada ng US: sumusuporta sa independyanteng patakarang panlabas ni Pangulong Duterte. Boy Bagwis

Kaya silang pinapalayas at dinadahas sa kanilang mga komunidad, tumungo sa Kamaynilaan para iparinig ang kanilang kalagayan at panawagan, ay dinahas at pinalayas muli. Silang humihingi ng katuparan ng mga pangako ni Duterte ay pilit pinatahimik ng pulisya at militar niya. Silang nagsusulong sa “independyenteng patakarang panlabas” ay nilusob ng mga dapat ay sumusuporta sa pangulo. At sila pa, sa dulo, ang inaakusahang kalaban ni Duterte, kakampi ng mga dating nandahas sa kanila.

Sa loob ng isang buwan pagkatapos ideklara ni Duterte ang “independyenteng patakarang panlabas,” humanay ang mga tutol rito. Sa panig ng gobyerno ng US, tila nagbabala ng pagpapatalsik si Assistant Secretary of State Daniel Russel nang sabihin nitong “seryosong pagkakamali… na maliitin ang pagiging malapit ng publiko sa US. People power iyun.” Todo agad ang banat ni dating Pang. Fidel V. Ramos, dating alyado ni Duterte, grabeng maka-US, at ngayon lang tumuligsa sa bagong-upong presidente.

Tuluy-tuloy sa pagpuna si Alberto del Rosario, dating kalihim ng Foreign Affairs ng rehimeng Noynoy Aquino, na tumawag pang “pambansang trahedya” sa mga pahayag at hakbangin ni Duterte. Si Bise-presidente Leni Robredo naman, binanggit agad ang “international aid” sa bansa – parang tinuturuan ang US kung ano ang gagawin para saktan, sa akala niya, ang gobyernong Duterte. At parang nagtatawag na ng kudeta ng militar si Sen. Antonio Trillanes IV sa pagbansag kay Duterte na “Komunista.”

Ayon sa Editorial Board ng New York Times, “liberal” na tinig ng imperyalismong US, halos araw-araw ay “nilalason” ni Duterte ang ugnayan ng US at Pilipinas. Umaasa raw ito na magbabago ang isip ng pangulo, “Pero matinding pinsala ang posibleng magawa sa kanyang bansa…” Nitong huli, sabi ni Russel, nagdudulot ang mga pahayag ni Duterte ng pagkabahala hindi lang sa gobyerno ng US, “hindi lang sa mga gobyerno, kundi maging… sa ibang komunidad,… sa mga pamunuan ng mga korporasyon.”

Kakaiba ang ganito kaaga at katalim na banat ng US at mga pulitiko sa pangulo, taliwas sa nagpapatuloy na malawak na suporta sa kanya ng mga Pilipino. Totoo ang pagsusuri ng Communist Party of the Philippines, na nagdeklara ng kahandaang magbuo ng “patriyotikong alyansa” sa pagitan nito at ng “rehimeng anti-US” ni Duterte: “Ang kanyang mga birang anti-US ay nagpapalalim sa hidwaan ng mga naghaharing uri.” Hindi na maitatago: may bigat at lalim ang mga pahayag at hakbangin ng pangulo.

May bigat at may lalim dahil posible batay sa mga materyal na kalagayan sa Pilipinas at mundo, na inihanay rin ng CPP: ang nagpapatuloy na krisis ng sistemang malakolonyal at malapyudal, pagkalantad ng kabuktutan ng mga patakarang neoliberal ng US sa mundo, pagkabanat at paghina ng US sa larangang militar, at pag-usbong ng China bilang malakas na kapitalistang bansa na dikit sa Rusya at kalaban ng US. Ilang taon nang kapansin-pansin ang pag-igting ng girian sa pagitan ng US at China-Rusya.

Sabi ng isang komentarista, lumalaganap ang impluwensya ng China sa Timog-Silangang Asya – sa Thailand, Myanmar, at Malaysia. Ayon sa isa pa, walang bansa sa rehiyon, pati na Australia, ang handang tumindig para sa US. Maaari raw ang Vietnam, pero mas malamang ay hindi. Ayon naman sa isa pa, posibleng gumaya sa Pilipinas ang ibang bansa: “Kung magmumukhang kapaki-pakinabang sa Pilipinas na maging malapit sa Beijing, magiging indikasyon iyun ng paghina ng impluwensya ng US sa Asya.”

Sa ganitong pagsusuri mainam tingnan ang pandarahas sa mga protesta ng mga pambansang minorya at tagasuporta nila, at maging ang naging reaksyon sa social media. Hindi na lang ito repleksyon ng matagal na at sistemikong “bayas (bias)” ng kapulisan at militar, maging ng mga trolls, laban sa mga pambansang minorya at maralita – bagamat tiyak na kasama ito. Maaaring galaw na ito ng mga maka-US na paksyon ng “oligarkiya,” kahit iyung nasa hanay ng mga tagasuporta ni Duterte.

Ganito ang tunguhin ng analisis ni Fidel V. Agcaoili, bagong chief peace negotiator ng National Democratic Front of the Philippines, nang sabihin niyang may mga elemento ng kapulisan at militar na gustong isabotahe ang usapang pangkapayapaan sa pamamagitan ng pinakahuling kaso ng pagdahas sa mga pambansang minorya at mga tagasuporta nila. Tiyak na hindi sila masaya sa usapang pangkapayapaan, kahit mabuti ito sa bansa, at sa pagpapalaya sa mga bilanggong pulitikal, kahit kulang pa nga.

Malaking bloke ang Kaliwa sa hanay ng mga nagsusulong ng tunay na independyenteng patakarang panlabas sa panig ng mga sumusuporta kay Duterte. Nasa interes ng mga maka-US at maka-Kanan na elemento sa bansa, maging iyung nasa hanay ng mga maka-Duterte, na kumbaga’y sagasaan at hindi pakinggan ang tinig ng Kaliwa. Kahit pa ang nasa puso at paninindigan talaga ni Duterte sa iba’t ibang pagkakataon ay mas dikit sa Kaliwa kaysa sa maka-US at maka-Kanan – lalo na sa usapin ng patakarang panlabas.

Naninindigan si Duterte para sa “independyenteng patakarang panlabas.” At sa mga pwersang pampulitika sa bansa, ang Kaliwa ang tunay at matagal nang tumitindig para rito. Ito ang makakapagbigay ng kongkretong nilalaman sa naturang islogan. Suportado nito ang panawagan ni Duterte, pero iginigiit din nito sa kanya ang mga kongkretong aksyon para rito. Mahalagang pakinggan ng gobyernong Duterte ang Kaliwa, para hindi mauwi lang ang islogan sa pampabango ng paghahari sa Pilipinas ng US man o China.

Kung susundin, samakatwid, ang “independyenteng patakarang panlabas” ni Duterte, hindi ang mga pambansang minorya o ang Kaliwa ang dapat tinutuligsa ng “mga tunay na ka-DDS” o iyung mga naniniwala sa puso at paninindigan ng pangulo. Ang dapat tinutuligsa ay ang mga kumokontra sa nagsasariling patakarang panlabas – ang US at mga paksyon ng oligarkiya na malinaw na naghahandang ibagsak si Duterte, kahit nagsisimula pa lang siya, kung hindi siya mapapasunod sa kanilang dikta.

Ang dapat, suportahan ng mga ka-DDS ang mga pambansang minorya at ang Kaliwa.

22 Oktubre 2016