FEATURED Rebyu

Ilang punto sa pelikulang ‘Ang Babaeng Humayo’


Hinggil sa bagong pelikula ni Lav Diaz.

Una, kailangang handa para sa panonood ng Lav film — di puyat at pagod, walang hangover, walang iniinda, emotionally prepared, at pati na rin well-stocked sa fudams, sapat-na-oras na pelikula (sa standard ni Lav, short film pa nga ito);

Ikalawa, daming hugot ni Lav ng realismo, mula sa mga nobela ni Rizal at kakontemporaryo nito sa Russia, siksikang komunidad ng mga taong disenfranchised, lahat may pangarap para sa magandang buhay, at meditasyon sa pilosopiya ng buhay, diyos, pangarap, at iba pa;

Ikatlo, may gad, circus lang ang moda ng mga naisantabi: presong babae na napalaya sa pagkakasalang di naman niya ginawa, best friend sa preso na siya palang salarin sa krimen, transwoman na gustong mamatay sa isla, kubang magbabalot na duwag sa nang-aapi’t ang fokus ng buhay ay makapaghiganti sa pagkapatay ng ama, kuwala o town fool na tumpak ang pagtukoy ng mga demonyo sa isla, katiwala sa karinderya na buntis at may pilay maglakad, at iba pa;

pw-humayo-charo-01

Ikaapat, ang level-up sa pelikulang ito ni Lav ay ang pagpasok ng estilong avant garde (o makabagong estilo) sa huling 10 minuto (bakit nagkukwento ng kanyang ikinukwento ang karakter ni Charo Santos sa mga dinemolis na komunidad, paano naging performance art ang paghahanap nito ng panganay na lalaki sa Quiapo area, ang socio-realismo na pag-capture ni Lav, at ang paikot-ikot na huling eksena sa mga nakakalat na xerox ng kanyang anak na nawawala’t di mahahanap);

Ikalima, dahil mas may suporta ito ng studio (Star Cinema), di ko pa mawari kung avant garde rin ang MMK (Maalaala Mo Kaya) mode ng voice-over ni Charo sa mga kwentong isinusulat ng kanyang karakter, pati na rin ang cute na dance/entertainment scene niya kasama ang transwoman na karakter ni John Lloyd Cruz, star-system lang ba ito?!;

Ikaanim, may gad, fantastiko ang pagtatanghal ng mga aktor: Charo, Nonie Buencamino, John Lloyd Cruz, Michael De Mesa, yung gumanap na town’s fool, at iba pa, pati na rin ang editing, sound, at siempre, ang script at direction;

Ikapito, sunggaban itong maningning na panahon sa pelikulang Pilipino, isang taon na nanalo ang mga Pinoy na pelikula sa top three film festivals sa mundo — Venice, Berlin at Cannes! Mahirap nang mangyari pa muli ito.