FEATURED Karapatang Pantao Pambansang Isyu

Sandugo: Matibay na pagkakaisa ng mga katutubo’t Moro


Iba’t iba man ang tribu at pinagmulan, iisa ang dugo at boses ng mga katutubo’t Moro: Kilalanin ang kanilang karapatan sa sariling pagpapasya.

Kinakatawan nila ang isa sa bawat sampung Pilipino. Isinasabuhay nila ang mga tradisyon, sining, at siyensiya na ipinasa sa kanila mula sa kanilang mga ninuno. Tagapagbantay sila ng kalikasan, dahil dito sila nabubuhay, kumukuha ng lakas.

May kakayahan at karapatan sila sa sariling pagpapasya bilang isang lahi.

Sila ang mga mamamayan ng iba’t ibang etno-lingguwistikong grupo sa bansa na bumubuo sa tinatawag na pambansang minorya. Sa pagkakasulat ng artikulong ito, nasa Kamaynilaan ang mahigit 3,000 sa kanila para magprotesta, magpahayag at magpakilala.

Narito rin sila para bumuo ng isang pambansang alyansa.

Martsa ng mga lider at kinatawan ng iba't ibang grupo ng pambansang minorya sa bansa. <b>Raymond Panaligan</b>
Martsa ng mga lider at kinatawan ng iba’t ibang grupo ng pambansang minorya sa bansa. Raymond Panaligan

Isang dugo

Tinawag nila itong “Sandugo: Kilusan ng Moro at Katutubong Mamamayan para sa Sariling Pagpapasya”. Isinagawa ang unang asembleya ng Sandugo sa GT Toyota Asian Center, Unibersidad ng Pilipinas- Diliman noong Oktubre 15 at 16. Bahagi ang pagbubuo ng Sandugo ng Lakbayan ng Pambansang Minorya na dinaluhan ng mga kinatawan at lider ng katutubo at Moro mula sa iba’t ibang panig ng bansa.

Ang pangalan ng binuong alyansa’y halaw sa salitang “sandugo” o ang katutubong ritwal ng pagpapatak ng dugo sa tubig o alak at saka iinumin bilang simbolo ng pagkakaisa sa panahon ng digma o pagdedeklara ng kapayapaan.

Sa pangunguna ng Kalipunan ng Katutubong Mamamayan ng Pilipinas (Katribu) at Suara Bangsamoro, nabuo ang Sandugo na naglalayong mas patatagin ang dati nang umiigting na laban ng pambansang minorya.

Pangunahin sa komon na laban ng mga katutubo ang pagtutol sa malalaking dayuhang kompanya na nanghihimasok sa kanilang mga lupaing ninuno para magtayo ng mapanirang mga istruktura gaya ng minahan, plantasyon, dam, at iba pang mga porma ng development aggression.

Development aggression ang terminong ginagamit patungkol sa mga proyektong lumalabag sa kanilang mga karapatan sa lupaing ninuno sa ngalan daw ng kaunlaran.

Kaugnay ng pang-aagaw sa kanilang mga lupaing ninuno, itinutulak ng Sandugo na kilalanin ang kanilang karapatan sa sariling pagpapasya. Ani Joanna Cariño ng Cordillera People’s Alliance, isa pang “mapinestayon ng pambansang pang-aapi ay ang ‘di pagkilala at paglapastangan sa mga katutubong istrukturang sosyo-pulitikal at ang misrepresentasyon” ng mga katutubo.

“Sinasagaan, minamanipula, binabaluktot ng reaksiyunaryong estado ang katutubong sosyo-pulitikal na istruktura depende sa interes nito. Halimbawa (nito ang ginagawa ng) NCIP na kung militante ‘yung datu (sa isang tribu), mamimili (ang NCIP) ng sarili nilang datu. May malaking mirepresentasyon sa mga katutubo at sa pambansang minorya,” ani Cariño.

Ang NCIP o National Commission on Indigenous People ay dati nang inirereklamo ng mga katutubo sa paggagawa nito ng mga “bogus” na desisyong nagpapalala sa kalagayan nila. Isa pang halimbawa nito ang diumano’y panlilinlang ng ahensiya sa mga Aeta ng Tarlac para matuloy ang mga konstruksiyon sa mga lugar na kinatitirikan ng kanilang mga pamayanan.

“Ang NCIP na dapat nagtatanggol sa ating mga katutubo’y siya pang pasimuno at pumupunta sa lugar ng mga katutubo para papayagin, linlangin ang ating katutubo para matuloy ang proyekto ng nakaraang administrasyon sa Balog- Balog Dam na iyan at pati na rin sa CGC [Clark Green Project],” ani Jonny Basilio ng Aeta Tribal Association. Nagpupunta diumano ang NCIP sa kanilang mga komunidad upang magsarbey at sa panahong namimigay na ang ahensiya ng pagkai’y hihingin nila ang pirma o thumbmark ng kasamahan nila nang hindi malalim na ipinapaliwanag sa mga ito ang magiging implikasyon nito.

Nagprotesta ang kabubuo pa lamang na Sandugo sa opisina ng NCIP upang hilingin ang tuluyang pagkabuwag nito dahil sa sari-saring mga kaso at reklamo ng mga katutubo tungkol sa ahensiya.

Nitong Martes, nagprotesta ang Sandugo sa Department of National Defense dahil sa pananakop ng militar sa mga komunidad ng mga katutubo at Moro para takutin ito — at depensahan ang mga proyektong development aggression sa kanilang lupain.

Pagtatanghal ng mga Lumad sa asembleya ng Sandugo sa UP Diliman. <b>Marjo Malubay</b>
Pagtatanghal ng mga Lumad sa asembleya ng Sandugo sa UP Diliman. Marjo Malubay

Resolusyon

Dalawa ang naipasa bilang pani-mulang resolusyon ng Sandugo. Una ang pagkakaroon ng sariling sugnay para sa mga katutubo at Moro sa pagbubuo ng Comprehensive Agreement of Socio Economic Reforms o Caser ng gobyernong Duterte at National Democratic Front of the Philippines (NDFP).

Ang Caser ay isang susing adyenda sa usapang pangkapayaan na may malaking epekto sa katutubong Pilipino at Moro.

“Simula pa lang na makipag-usap ang NDFP sa gobyerno ng Pilipinas, tangan-tangan, dala-dala ng [NDFP] ang mga isyu ng ating kapatid na mga Moro… [M]arami ring kapatid nating Moro ang napalaya sa usapang pangkapayapaan. Hindi tayo iniwan ng NDFP sa usapang pangkapayapaan,” ani Amirah Ali Lidasan ng Suara Bangsamoro.

Ang ikalawang resolusyo’y patungkol sa kahilingan ng grupo sa UP upang magtayo ng isang “symbolic or non-symbolic” na kampuhan para sa pambansang minorya na may layuning itama ang maling representasyon ng pambansang minorya sa kasaysayan at maging alternatibong sentro ng edukasyon tungkol sa mga katutubo’t Moro.

Parehong tinanggap nina Kennedy Bangibang na konsultant ng NDFP para sa Kordilyera at UP Chancellor Michael Tan ang mga resolusyon ng Sandugo.

Umaasa ang iba’t ibang grupo ng iba’t ibang miyembro ng pambansang minorya na simula pa lang ito ng paghihigpit ng pagkakaisa ng mga katutubo at Moro para sa pagsusulong ng kanilang interes at interes ng sambayanang Pilipino.