FEATURED

Tagumpay ng mga guro ng bayan


Dahil sa epektibong pamumuno ng ACT sa lokal at pambansang mga kampanya, lalong lumalakas ang boses ng mga guro. Simula pa lang ng laban.

pw-14-34-p01-small
PW print issue ngayong linggo

Ang itak ng mga bayaning katipunero’y katumbas ng chalk nina ma’m at sir na mga guro ng bayan: parehong matalim na sandata para sa pagkamit ng pagbabagong kapakinabangan ng susunod na henerasyon. Ika nga ni Gregoria de Jesus ng Katipunan, guro ang nagtitiyak ng pagkatao ng kabataan.

Pero tulad ng iba pang mardyinalisadong sektor, patuloy na pinagkakaitan sila ng nararapat na suweldo, benepisyo at karapatan. Silang itinuturing na mga bayani ng kabataan ang binabansagan pa ngayong “ambisyoso” ni Budget Sec. Benjamin Diokno.

Mabuti na lang at tuluyan ding lumalakas ang organisadong hanay ng mga guro. Nagawa ng ACT Teachers’ Party-list na makapagpanalo ng dalawang kinatawan sa Kamara, sina Reps. Antonio Tinio at France Castro. Pero higit dito, sa paglawak ng Alliance of Concerned Teachers (ACT), lumalakas din ang boses ng mga guro sa paggiit para sa kanilang demokratikong mga karapatan.

Pasado

Mula 400,000 na boto noong 2013, nakakuha ng higit sa isang milyong boto ang ACT Teachers PL nitong nakaraang eleksiyon — sapat upang makakuha ito ng dalawang puwesto sa Kamara.

“Mas malakas na ang boses natin sa Kongreso katulong si Rep. Antonio Tinio para makuha ang makabuluhang pagbabago at benepisyo para sa ating kaguruan,” ani ACT Teachers Rep. France Castro, sa kanyang talumpati sa pagdiriwang ng World Teachers’ Day sa Cuneta Astrodome, Pasay City noong Setyembre 30.

Higit pa sa tagumpay ng ACT Teachers sa halalan, ipinagmamalaki ng ACT ang paglawak ng kasapian ng kanilang organisasyon. Mula 30,000 miyembro noong 2010, naging mahigit 135,000 na ang kasapian nila ngayon.

Ang susi? Epektibong pamumuno sa paglaban para sa demokratikong mga karapatan ng mga guro. Sa pamamagitan ng plataporma ng ACT Teachers sa Kamara, naitutulak ng mga guro ang panawagan para sa minimum na sahod ng mga kawani ng gobyerno (P16,000 sa kawani sa pinakamamabang saray), gayundin sa mga guro sa pampublikong eskuwelahan (P25,000) at mga instruktor sa kolehiyo (P27,000).

Ipinaglalaban din ng ACT Teachers ang augmented na Personnel Economic Relief Allowance na P5,000 kada buwan.

Pero balewala ang pag-iingay nina Reps. Castro at Tinio kung walang malakas na kampanya ang masang kaguruan para ipalaganap ang kanilang panawagan at palakasin pa ang organisasyong ACT.

Produkto ng matagumpay na pag-oorganisa sa hanay ng mga guro mismong si Rep. Castro. Isang kontraktuwal na guro sa loob ng apat na taon, naging lider-guro si Castro sa Quezon City Public School Teachers Association (QCPSTA).

“Sa ating pamumuno sa QCPSTA, nakamtan natin sa sama-samang pagkilos at sa aktibong pakikiisa ng mga guro ang allowance at rice subsidy na P 1,200 kada quarter. Nakamtan din natin ang institutionalization ng QCPSTA sa badyet ng local school board. Ang local school board ay nagbibigay na ng mahigit na P1 Milyon na pondo para sa QCPSTA para sa operasyon ng organisasyon at benepisyo,” ani Castro.

Nang dahil sa institusyonalisasyon na nakamit ng QCPSTA, nakakatanggap ng libreng serbisyong pangkalusugan ang mga miyembro nito sa Quezon City tulad ng urinalysis, xray, at iba pa.

Rali ng mga guro sa ilalim ng Alliance of Concerned Teachers noong unang State of the Nation Address ni Pangulong Duterte. <b>Kontribusyon</b>
Rali ng mga guro sa ilalim ng Alliance of Concerned Teachers noong unang State of the Nation Address ni Pangulong Duterte. Kontribusyon

Higit sa sahod

Sa pagtitipon sa Astrodome, ipinakita ng mga guro ang kanilang lakas. May temang “Guro, Kabalikat sa Pagbabago”, dinaluhan din ito ng mga kinatawan ng Department of Education (DepEd), mga guro mula sa iba’t ibang dibisyon sa National Capital Region (NCR), at ilang mga pulitiko mula sa Pasay City.

Nagtalumpati rin dito ang kalihim ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) na si Judy Taguiwalo na 20 taon ding naging guro sa Unibersidad ng Pilipinas.

“Ang pagbabago’y di lang para sa parte natin, guro din tayo ng bayan,” ani Taguiwalo. Naniniwala ang kalihim na ang pagbabago, katulad ng isinasaad ng tema ng selebrasyon, ay makakamtan sa tulong ng mga guro na “makakasama sa pagpapaliwanag kung bakit hindi solusyon ang militarisasyon sa armed conflict ng bayan.”

Para naman kay Castro, makakamit ang hinahangad na pagbabago para sa mga guro sa pamamagitan ng pakikiisa rin sa pakikibaka ng iba’t ibang inaaping sektor ng bansa. Ayon sa kanya, kailangang magkaroon ng lupang sakahan ng mga mgasasaka, matigil ang kontraktuwalisasyon sa manggagawa, magkaroon ng abot-kayang edukasyon at serbisyo publiko, at magkaroon din ng nakabubuhay na sahod ang mga manggagawa para makamit ang tunay na pagbabago.

Isang pamamaraan ng pakikiisa ang pagtulong ng ACT sa pagtataguyod ng alternatibong mga paaralan para sa mga katutubo sa Mindanao. Nakikipagtulungan ito sa mga guro ng Alternative Learning Center for Agricultural and Livelihood Development (Alcadev) sa Mindanao para bumuo ng isang alternatibong kurikulum na magagamit ng mga kabataang Lumad kapalit ng programang K-to-12.

“Kumbaga exchange gift, tuturuan natin yung mga teacher ng Lumad, tuturuan nila kami para matiyak natin na ang sistema ng edukasyon ay makamasa, makabayan at siyentipiko,” ani Benjamin Valbuena, pambansang tagapangulo ng ACT.

Nagsalita si ACT Chair Benjie Valbuena sa libu-libong guro na nagsipagdalo sa pagdiriwang ng World Teachers' Day sa Cuneta Astrodome noong Setyembre 30. <b>Marjo Malubay</b>
Nagsalita si ACT Chair Benjie Valbuena sa libu-libong guro na nagsipagdalo sa pagdiriwang ng World Teachers’ Day sa Cuneta Astrodome noong Setyembre 30. Marjo Malubay

Pag-uunyon

Sinusugan ni Taguiwalo na nakakamit ng inaaping mga sektor ang tagumpay sa pamamagitan ng sama-sama nitong pagkilos.

“Naghintay lang ba tayo ng grasya para tumaas ang chalk allowance natin? Naghintay lang ba tayo ng grasya para tumaas ang ating clothing allowance? Naghintay lang ba tayo para tumaas ang sahod natin,” tanong ni Taguiwalo. Ang sagot, siyempre, ay hindi.

Sa pangunguna ng ACT sa paglaban para sa demokratikong mga karapatan ng mga guro mula lokal na mga isyu hanggang sa pambansa, nakapagpalaki ito ng kasapian. Susi rin umano sa paglakas nito ang pag-uugnay ng mga isyu ng mga guro sa mga isyung pambayan.

Bagamat masaya si Valbuena sa magarbong pagdiriwang ng World Teachers’ Day ngayong taon, kaharap pa rin umano ng mga guro “ang walang katapusang isyu at walang katapusang problema” tulad ng mababang sahod at mataas na buwis, programang K-to-12, at militarisasyon na kinakaharap ng mga guro sa Pilipinas kung kaya sinisikap ng ACT na lumawak at lumakas pa ang pag-uunyon ng mga guro.

“Ang pag-uunyo’y mataas na antas ng pagkakaisa. Sa usaping legal, kinikilala sa batas ang kasunduan na nabubuo dito. Kaya puwede nating singilin ang gobyerno kapag hindi ito sumunod sa napag-usapan,” ani Valbuena.

Ayon pa kay Valbuena, sa pamamagitan ng pag-uunyon, napipigilan ang basta-bastang pagpapatupad ng DepEd ng mga polisiya nang hindi isinasangguni sa mga guro.

Malaking tagumpay sa araw ng mga guro ang patuloy na lumalaking bilang ng mga aktibong nakikilahok sa pagtalakay ng mga isyung panlipunan.

Sabi ng pambansang bayani, si Jose Rizal: “Ang kabataan ang pag-asa ng bayan”. Pero bago pa man mangyari iyon, kailangan nila ng mga gurong magtitiyak ng pagkatao at gagabay sa pag-asang ito patungo sa tamang landas—at iyan ang landas ng pagbabago.