FEATURED Migrante

Ang misteryosong pagkamatay ni Irma Jotojot


Patuloy ang penomenon ng misteryosong pagkamatay ng mga overseas Filipino workers tulad ni Irma Jotojot sa Saudi.

Cover ng print issue ng PW sa susunod na linggo.
Cover ng print issue ng PW sa susunod na linggo

Maraming buwan ang hinintay ni Irma Jotojot para makaalis ng Pilipinas at makapagtrabaho sa Riyadh, Saudi Arabia, kahit bilang domestic helper (DH). At para may souvenir, nakakuha pa silang mag-anak ng litrato sa airport—alaala ng mapait at matamis na pag-alis ni Irma.

Nakaakbay kay Irma ang asawang si Jonald sa tabi ng kanilang mga anak.

Matamis ang paghihiwalay na ito dahil sa wakas ay masisimulan na nila ang pangarap na hindi nila mabuo-buo sa karampot na sahod nilang mag-asawa. Bago mag-abroad, namasukan si Irma bilang housekeeper sa Makati nagtrabaho naman si Jonald sa pabrikang nagtutunaw ng bakal.

Nagyakapan ang magkakamag-anak, nagpaalam si Irma kay Jonald sa airport. Hindi nila inisip na iyon na pala ang huli nilang pagkikita.

Sampung araw mula nang sumakay si Irma sa eroplano, nakatanggap ng tawag mula sa isang Pinay na nars sa Saudi si Mayet Martinez, ang nag-iisang kapatid ni Irma.

Misteryoso

Irma Jotojot
Irma Jotojot

“Sabi nung nars ‘Ang ate mo, nandito maraming pasa, dinudugo,’” kuwento ni Jane Edloy, tiyahin ng biktima na siyang nakasagot sa tawag ni Mayet.

Ayon pa rin sa nakausap nilang nars, dalawang araw nang nasa ospital si Irma, hindi na makapagsalita, puro pasa ang katawan, at dinudugo. Dinala pa diumano si Irma ng kanyang amo sa opisina ng Alsayyar Recruitment, ang foreign recruitment agency nito sa Saudi at saka pa lang siya naisugod sa ospital.

Nakasaad sa medical report na inilabas ng King Salman Hospital, sinabi ni Irma na siya’y ginahasa.

Kalaunan, tatlong linggo lang matapos dumati sa Saudi, namatay sa ospital si Irma.

Agad na tinawagan ng pamilya ni Irma ang kompanyang nagrekluta sa kanya na Rejoice Employment International Corp. para ipaalam sa mga ito na naospital si Irma. “Pero hindi sila pinansin (nito),” kuwento ni Jane.

Kalauna’y sinadya na nila ang opisina nito sa Ermita, Maynila.

“Sabi nila (mga kinatawan ng Rejoice), gumawa na sila ng mga ulat, na para malaman na kung ano ‘yung mga karapatan ni Irma na ibibigay sa pamilya,” ani Jane.

Hindi umano nagustuhan ng pamilya ang pagtrato sa kanila ng Rejoice Agency noong araw na iyon. Sa halip na sa pamilya ipaliwanag ang papeles, sa mga kasama nilang staff ni Sen. Win Gatchalian ito nakikipag-usap. Pinakitaan pa sila ng makapal na mga papeles—patunay na inaasikaso daw nila ang kaso.

“Bakit may ganyan kayo kakapal na papel? Samantala nung mamatay na ‘yung pamangkin namin one week na naghihintay kami ng tawag niyo hindi kayo nakakatawag sa amin. Ngayon, dahil nalaman ninyo na pupunta rito ang isang (istap ni Sen.) Gatchalian at kasama namin, mayroon kayong nakahanda na mga parapernalia,” galit na buladas ng tiyahin.

Pasikat

Ang laman ng “paraphernalia” ng Rejoice Agency?

“Pagbasa ko sa unang pahina pa lang, ang agad na sabi, yung punerarya, sila raw ang kukuha. Sabi ko, hindi kayo puwedeng kumuha ng punerarya at kailangan namin magpa-autopsy. Hanggang sa pagkuha sa bangkay sa airport, pinag-aawayan namin ang pagkuha ng punerarya,” paglalahad niya.

Kahina-hinala kung bakit matindi ang kagustuhan ng Rejoice Agency na sila ang pumili ng puneraryang mag-aasikaso sa katawan ni Irma para sa autopsy at lamay.

Umabot pa sila sa diumano’y “gitgitan” sa airport sa araw ng pagdating ng mga labi ni Irma nang pilit na may pinapapirma ang mga representante ng Rejoice sa asawa ni Irma na si Jonald.

Tumigil lang ang pamimilit nang pumagitna si Labor Usec. Ciriaco Lagunzad III at sinabihan nito ang puneraryang pinili ng pamilya na huwag bubuksan ang pinaglagyan ng mga labi ni Irma hangga’t hindi dumadating ang mga kinatawan ng National Bureau of Investigation.

Sa listahan ng Philippine Overseas Employment Administration, lumalabas na suspendido ang istatus ng Rejoice Employment International Corp. na siyang nagrekluta kay Irma para pumunta ng Saudi. Pero kataka-takang nakakapagpalabas pa rin ito ng mga tao para makapagtrabaho sa ibang bansa.

Sa tala lang ng Migrante, organisasyong nagtataguyod ng kapakanan ng overseas Filipino workers o OFW, mayroon nang 20 kaso ng paglabag sa batas ang Rejoice. Sa Facebook page na lang ng Rejoice ay pinuputakti ng mga tanong ang ahensiya tungkol sa kung sinu-sinong nadeploy ng ahensiya, habang ang iba nama’y nanghihingi ng tulong. Ang masaklap, walang nakukuhang tugon ang mga tao mula sa mga ito.

Nakipag-ugnayan din ang pamilya ni Irma sa Department of Foreign Affairs para sa mga kakailanganing dokumento sa pagsasampa ng kaso at magpatulong sa pagrekober ng mga bagahe ni Irma. Umaasa kasi ang pamilya na baka raw may naiwang sulat si Irma na maglilinaw kung ano ang talagang nangyari.
Hinarap sila ng isang nagpakilalang staff ng DFA. “Tinatanong niya kung ano raw ang kailangan namin. Ang sabi ko, ‘Ma’am, hindi po benefits ang kailangan namin dito. Ang kailangan namin, detalye at instruction doon sa case ng pamangkin ko—kung anong steps ang susunod gagawin. Ang sagot niya sa amin ay hindi nila alam,” paglalahad ng tiyahin.

Habang sinusulat ang artikulong ito, wala pang ni isang kopya ng mga dokumento ang pamilya ni Irma na kakailanganin sa pagsasampa nila ng kaso. Maging ang bagahe ni Irma ay hindi pa rin narerekober ng pamilya.

Ang tanong ng pamilya: Namatayan sila ng kadugo, bakit kailangan pa sila lalong pahirapan?

Sa libing ni Irma. <b>Kontribusyon</b>
Sa libing ni Irma. Kontribusyon

Isa lang

Isa lang si Irma sa napakaraming kaso ng mysterious deaths o misteryosong pagkamatay ng mga Pilipino habang nagtatrabaho sa ibang bansa.

Isa sa bawat apat na OFW o 27.4 porsiyento ng lahat ng dokumentadong migranteng manggagawa ay nasa Saudi Arabia. Malaking bahagi nito, kababaihang DH na katulad ni Irma. Nakakabahala ito dahil sunud-sunod ang paglabag sa karapatang pantao ng mga Pilipinang DH sa Saudi kabilang na ang pisikal at seksuwal na pang-aabuso.

Sa sarbey ng Philippine Statistics Authority (PSA), nakapag-uwi ng P180.3-Bilyon ang mga OFW mula Abril hanggang Setyembre 2015. Walang duda, malaking bagay talaga ang inuuwing pera ng mga OFW sa bansa.

Ngunit ito’y isang bahagi lamang sa kuwento ng mga OFW. Ang kabilang mukha nito ay ang pagmamaltrato sa mga Pilipino sa dayuhang mga bansa na nag-eempleyo sa kanila. Tanindi ang dikriminasyon sa mga Pilipino ng mga lokal na amo o employer nila—porke “mababang” klase ng trabaho ang pinapasok nila at mahihirap sila.

Bulnerable sa seksuwal at pisikal na pang-aabuso, di-pagbibigay ng karampatang suweldo, at di-pagsunod sa napagkasunduan sa kontrata ang mga OFW. Pinakabulnerable ang kababaihang OFW tulad ni Irma.

Sa bahagi ng mga kapwa Pilipino, napagsasamantalahan din ang desperadong mga migrante. Talamak pa rin ang illegal recruitment, human trafficking, at pandaraya ng kontrata sa pribadong mga ahensiya. Masususpende kunwari ang mga ito kapag sinampahan ito ng kaso—pero mag-a-apply lang ito at magpoproseso ng mga papel, balik-operasyon na uli ito. Ang tunay na makakapal pa ang mukha ay tuluy-tuloy lang sa pagpapalipad ng mga OFW kahit paso na ang lisensiya.

Samantala, patuloy na nakasandig sa remitans ng milyun-milyong Pilipino sa ibang bansa ang ekonomiya ng Pilipinas. Ipinangako man ni Presidente Duterte na sa loob ng kanyang termino, target niyang mapawi ang dahilan kung bakit kailangan pang mangibang-bansa ang mga Pilipino—tila wala pa ring nakikitang katapusan ang pagmamaltrato sa mga Pilipino sa ibang bansa.

Pagsubok sa administrasyong Duterte ang mga kasong katulad ni Irma—ang paghangad nila ng hustisya sa ibang bayan, at sa ating bayan na rin.