FEATURED Komentaryo

Duterte sa China, Japan: Mga panganib at pagkakataon


 Positibong hakbang para sa pagkawala ng bansa sa kontrol ng US ang pagtatag ni Duterte ng matibay na relasyon sa China at Japan. Pero bakit tila kapos sa mga hakbang niya?

Cover ng print edition ng Pinoy Weekly ngayong linggo.
Cover ng print edition ng Pinoy Weekly ngayong linggo.

Hindi dapat mamili na lang tayo sa pagitan ng Maling at Spam. O kahit isama mo pa ang kung ano pa mang bersiyon ng luncheon meat mayroon ang bansang Japan.

Ang punto ng nagsasariling polisiyang panlabas o independent foreign policy, paliwanag ni Pangulong Duterte pero mas artikulanteng ipinaliwanag ng mga progresibo, ay ang paggiit ng bansa ng kakayahang tumindig sa sarili sa larangan ng ekonomiya, pulitika at kultura. Sa pagbisita ni Duterte sa China, at noong nakaraang linggo, sa Japan, inaksiyunan niya ang dati’y mga pahayag lang ng pagbabanta na kumalas sa impluwensiya at presyur ng gobyerno ng Estados Unidos (US). Pinakita ng Pangulo na malayang makipagkaibigan ang Pilipinas sa sinumang bansa, kahit pa sa China na itinuturing ng US na karibal sa dominasyon ng Asya-Pasipiko.

Kahit ang mga komunista, tinitingnan ang bisita ni Duterte sa China bilang mas positibo at makakaambag sa makabayang hangaring kumalas na mula sa US.

“Sa pangkalahata’y positibo ang deklarasyong ito sa polisiya dahil iginigiit nito ang pambansang soberanya at independensiya ng bansa mula sa mga dikta at imposisyon ng US at nagbubukas sa mga potensiyal para sa mahahalagang sosyo-ekonomikong pagbabago at kaunlaran. Itinutulak ng deklarasyong ito ang pakikibaka ng sambayanang Pilipino para sa pambansang kalayaan mula sa imperyalismong US,” ayon sa Communist Party of the Philippines (CPP), sa pahayag nito noong Oktubre 26 (Pinoy Weekly ang nagsalin mula sa Ingles).

Pero sinasabi rin ng CPP at ibang progresibong puwersa sa bansa na kailangan ding maging mapagbantay sa negatibong mga aspekto ng pakikitungo sa China. Kailangan ding suriin at punahin ang klase o uri ng relasyon na pinalalalakas sa Japan ng rehimeng Duterte.

Duterte (kanan): Red carpet welcome ni Chinese Pres. Xi Jinping sa Beijing. <b>Presidential Communications</b>
Duterte (kanan): Red carpet welcome ni Chinese Pres. Xi Jinping sa Beijing. Presidential Communications

Tagumpay sa China

“Produktibo” at “makasaysayan” ang pagsasalarawan ni mismong Duterte sa bisita niya sa China mula Oktubre 18 hanggang 21.

Pinakakagyat na nakamit umano ng bisita niya ay ang kasunduang panatilihing bukas ang South China Sea para sa mas malayang pangangalakal. Pinakaramdam ito ng mga mangingisda sa Scarborough Shoal. Noong nakaraang linggo sinabi nilang hindi na sila hinaharangan ng mga barkong pandigma ng China para makapagpalaot sa naturang lugar na mayaman sa isda.

Matapos ang biyahe, iniulat ni Department of Trade and Industry (DTI) Sec. Ramon Lopez na nasa $24-Bilyon na pangakong investments at pautang ang ipinangako ng iba’t ibang negosyanteng Tsino at ng gobyerno ng China.

Kalaunan, isiniwalat sa midya na isa sa mga kompanyang Tsino, ang China Road and Bridge Corp., na lumagda sa memorandum of understanding para sa feasibility studies sa pagtatayo ng Bonifacio Global City-Ninoy Aquino International Airport segment ng Metro Manila Bus Rapid Transit-Edsa project ay dati nang na-ban ng World Bank dahil sa mga reclamation activities sa South China Sea. Sangkot din sa reklamasyon sa South China Sea ang kompanyang Tsino na CC Dredging Co., kumuha ng kontrata sa paggawa ng Cebu International and Bulk Terminal project.

Wala pang isang linggo ang nakararaan matapos ang bisita sa China, muling bumiyahe si Duterte patungong Japan.

Dahil malapit na alyado ng US ang Japan, inasahan ng marami, lalo na sa Kanluraning midya, na bahagyang babalik ang Pilipinas sa impluwensiya ng US. Pati si Prime Minister Shinzo Abe ng Japan, sinabi bago ang aktuwal na bisita ng Pilipinong pangulo na kakausapin niya si Duterte para hilutin ang relasyon nito sa US.

Pero sa mismong biyahe sa Japan, iginiit ni Duterte ang kanyang planong palayasin ang lahat ng dayuhang sundalo, lalo na ang mga Amerikano, sa loob ng dalawang taon. Nagbanta muli siyang ibasura ang Enhanced Defense Cooperation Agreement o EDCA na kasunduan sa pagitan ng Pilipinas at US para makapagbase-militar ang mga Kano sa ating bansa.

Tulad ng biyahe sa China, ipinagmalaki ni Lopez ng DTI ang nalikom na pangakong investments at pautang ng bansang Japan at mga kompanya nito na nagkakahalagang $19-B.

Malugod ang pagtanggap ni Japanese Ambassador to the Philippines Kazuhide Ishikawa kay Pangulong Duterte sa pagbisita ng huli sa Japan noong nakaraang linggo. <b>Presidential Communications</b>
Malugod ang pagtanggap ni Japanese Ambassador to the Philippines Kazuhide Ishikawa kay Pangulong Duterte sa pagbisita ng huli sa Japan noong nakaraang linggo. Presidential Communications

Dayuhang pamumuhunan

Bahagi pa rin ba ang pagbisita sa Japan sa pagkalas ng Pilipinas sa impluwensiya at kontrol ng US? Posible, ayon sa mga progresibong tagasuri.

Bagamat malapit na alyado ng US ang Japan, malinaw na hindi iginiit ng Japan ang “pakikipagkasundo” ni Duterte sa mga Amerikano bago mangako ng investments at pautang. Bagamat siguradong binanggit ni Abe kay Duterte ang tungkol sa “pag-aalala” (“concern”) umano nila sa sumasamang relasyong Pilipinas at US, hindi ito naging hadlang sa maayos na pagtanggap ni Abe kay Duterte sa bisita ng huli.

Gayunman, malinaw din sa katangian ng pangakong investments na nakuha ni Duterte sa Japan (at kahit na sa China) na hindi pa ito ang sinasabi ng CPP na dapat sana’y makuhang “komitment” mula sa industriyalisadong mga bansa tulad ng dalawa na tulungan ang Pilipinas sa industriyalisasyon nito.

Silipin na lang ang klase ng pangakong investments ng mga kompanyang Hapon. Nariyan ang pangako ng Toyota Motor Corp. at Mitsubishi Motors na magtayo ng mga pabrika sa mga probinsiya ng Pilipinas para sa paggawa ng kanilang mga kotseng Vios at Mirage. Nagkakahalagang $1.85-B ang pangakong ito. Sabi pa ni Lopez, makakatulong daw ito sa pagbangon sa industriya ng automotive sa bansa.

Ipinagmalaki ni Lopez na sa kabuuan, aabot ng 250,000 trabaho ang inaasahang malikha ng naturang investments. Pero ano’ng klaseng trabaho? May mahabang rekord ang Toyota at Mitsubishi, gayundin ang iba pang automotive companies ng Japan, ng paglabag sa karapatan ng mga manggagawa nito.

Noong 2014, dati nang nagbanta ang Toyota at Mitsubishi na tuluyang ilipat ang mga operasyon nito sa Pilipinas patungo sa ibang bansa “na mas mura ang gastos ng operasyon.” Pinresyur noon ng naturang mga kompanya ang administrasyong Aquino na aprubahan ang planong bigyan pa ng karagdagang insentibo sa buwis (ibig sabihin, mas kaunti o halos walang buwis silang babayaran) silang nagmamantine ng mga planta ng sasakyan sa Pilipinas.

Malinaw na walang pagkakaiba ang klase ng pangakong investments ng mga kompanyang Hapon at Tsino sa dati nang investments na nakukuha ng nakaraang mga administrasyon matapos ang pagbisita sa ibang bansa.

Ang ibig sabihin lang nito’y kapos pa rin ang pagpapakahulugan ni Duterte sa kanyang independent foreign policy. Sa larangan ng pulitika at militar, malaking bagay na ang pinasimulan niyang pagkalas (o bantang pagkalas) sa kontrol at impluwensiya ng isang imperyalistang bansa tulad ng US.

Pero sa larangan ng ekonomiya — ang larangang pinakamahalaga at pinakaramdam ng ordinaryong mga mamamayan — tila ipinagpapatuloy lang niya ang ideolohiya ng neoliberal na economics na nagsasabing sa pamamagitan lang ng dayuhang pamumuhunan (direct foreign investment) makakamit ng bansa ang kaunlaran. Napatunayan ng karanasan ng lahat ng mahihirap na bansa sa mundo na pinuwersang magpatupad ng ganitong klase ng “kaunlaran” na lalo lang silang natatali sa kontrol at impluwensiya ng mga imperyalistang bansa.

Para sa CPP, may paraan naman para makatulong ang China at Japan sa industriyalisasyon ng Pilipinas. Pero kailangang igiit ito ng administrasyong Duterte: kailangan umanong masiguro na may technology transfer o mailipat sa lokal na mga kompanya at manufacturer ang teknolohiyang ginagamit ng dayuhang mga kompanyang may planta sa Pilipinas.

Kaya’t hangga’t hindi tayo makalikha ng sariling lata para sa sariling luncheon meat na tatangkilikin ng kapwa Pilipino, mananatiling limitado ang pagpipilian natin sa pagitan ng mga Maling at Spam.

Mabuti pa, sabi nga raw, piliin na lang ang adobo.