FEATURED Manggagawa Pambansang Isyu

Planong pagpawi sa mga dyip sa kalsada


Target ng gobyerno na isentralisa ang operasyon ng e-jeepney at i-phaseout ang mga dyip. Hindi papayag dito ang daan-daanlibong drayber at operator.

Pinakakilala na pampublikong sasakyan ang mga dyip dito sa Pilipinas at marahil maging sa daigdig. Taglay ng dyip ang kultura ng mga Pilipino sa pagiging malikhain at mapamaraan.

Pero nagbabantang burahin ang sasakyang ito sa mga lansangan sa Pilipinas upang palitan ng mas “modernong” sasakyang pampasada. Sinimulan ng dating rehimeng Aquino sa Public Utility Jeepney Modernization Program ng Department of Transportation and Communication (DOTC), nais itong ilusot sa emergency powers ni Presidente Duterte na kasalukuyang ipinapanukala.

George San Mateo ng Piston: Pinagkakaisa ang mga tsuper at operator laban sa jeepney phaseout ng gobyerno. <b>Mayday Multimedia</b>
George San Mateo ng Piston: Pinagkakaisa ang mga tsuper at operator laban sa jeepney phaseout ng gobyerno. Mayday Multimedia

Biyaheng negosyo

Sinasabi ng DOTC na layunin nito na tiyakin ang road worthiness ng mga dyip at pagtugon sa pangangalaga sa kapaligiran dahil sa climate change.

Pero sa pagsusuri ng Pagkakaisa ng mga Samahan ng mga Tsuper at Operators Nationwide (Piston), lumalabas na malaking negosyo ito. At mabibiktima nito ang mga drayber at opereytor ng mahigit 400,000 dyip sa Pilipinas.

“Ang isang bagong dyip na sinasabi ng gobyerno ay naglalaro sa halagang P1.2- Milyon hanggang P1.6-M. Kung papalitan ang 400,000 dyip, ilang bilyong piso ang aabuting halaga nito? Sinu-sino ang kikita dito? Ang mga supplier, bangko, korap na mga nasa gobyerno,” ani George San Mateo, tagapangulo ng Piston.

Hindi katulad ng mga taxi, UV Express, at mga bus, hindi ginawa ang mga dyip sa mga pabrika, ina-assemble lang ang mga ito sa mga talyer. Kaya naman isa ito sa nakikita ng Piston kung bakit nais palitan ang mga dyip para pagkakitaan ng mga korporasyon.

Kung road worthiness lang ang pag-uusapan, maaari namang pagandahin ang mga dyip na kailangang ayusin at hindi lahat ng dyip ay kailangan palitan ng bago, dagdag ni San Mateo. “Kung tutuusin, sa sinasabi nilang road worthiness at environment concerns, puwedeng puwede ang rehabilitation imbes palitan ng bago ang mga dyip. Basta may government subsidy.”

Pigang-piga na ang sektor ng transportasyon partikular ang mga dyip sa iba’t ibang buwis. Magmula sa buwis sa langis, road users tax, franchise tax, at iba pa, “anong masama kung mag-subsidize naman? Hindi naman lahat may problema.”

Tinatayang aabot lamang umano sa 50,000 hanggang 100,000 ang mga dyip na kailangan i-rehabilitate.

Neoliberal na atake

Maliban sa pagkakitaan sa pagpapalit sa mga dyip, mas nais umanong gawing monopolyo ang operasyon ng transportasyon sa Pilipinas ng iilan partikular ang mga dyip.

“Tingin nila, hindi namamaksimisa ang tubo sa dyip kapag maliliit na operators ang nagmamay-ari. Kaya nais nila itong ipasok sa fleet management,” ani San Mateo.

Sa fleet management, magiging sentralisado ang operasyon. Malaking banta ito, dahil gagawin na lang nilang manggagawa ang mga drayber: Ipapasok sila sa sistemang kontraktuwal. Kapag nahuli ng pasok, kaltas sa sahod. Mas makapagdidikta rin umano ng mas mataas na pamasahe ang mga ito. Tiyak, tatamaan ang mga pasahero.

Sa pag-phase out ng mga dyip, hindi lamang umano lumang dyip ang pinapalitan, kundi yung katangian ng industriya. Wawalisin nito ang maliliit na operator, at kapag nawalis ang mga operator na ito at napalitan ng mga korporasyon, mawawalis na rin ang mga asosasyon.

“Parang union-busting din ang gagawin dahil matatanggal din ang mga asosasyon ng mga dyip. Hindi na poproblemahin ng gobyerno kapag makikipaglaban ang mga drayber sa taas-presyo ng langis. Isang paraan ito para mapigilan pagkilos ng mga drayber,” pagtatapos ni San Mateo.