FEATURED Karapatang Pantao

Libing ni Marcos Pagkatapos


Malawakan ang pagkondena sa pagkiling ni Duterte sa mga Marcos. Lalong mahihiwalay siya kung di niya pakikinggan ang mga mamamayan.

Eksakto ang salitang “panakaw” para ilarawan ang paglibing kay dating Pangulong Ferdinand Marcos sa Libingan ng mga Bayani nitong Nobyembre 18: palihim noong una, paspasang ginawa, at hindi sinasang-ayunan ng marami. Pero hindi pa rin napigilan ng ganitong paraan ang reaksyon ng marami: ang kapal ng mukha!

Bago ang araw na iyun, may mga usap-usapan nang mabilisang ililibing ang dating diktador sa LNMB. Nagising na lang ang bansa na nagkalat ang kapulisan at militar sa Kamaynilaan. At naalarma na lang ang marami nang nabalita noong umagang iyun na inililipad na ang bangkay ni Marcos mula Ilocos Norte patungong Kamaynilaan. Noong hapon, naglabasan na ang mga larawan at bidyo ng pagpaparangal at paglilibing sa bangkay ng pamilya Marcos.

Bago nito, syempre pa, nagdesisyon ang Korte Suprema noong Nobyembre 8 nang pabor sa naturang libing. Nag-apela ang mga tutol, pero inilagak na ang bangkay sa LNMB kahit wala pang desisyon sa naturang apela. Kaakibat nito ang tuluy-tuloy, walang atras, at wala sa katwiran na pagdadahilan ni Pangulong Rodrigo Duterte para sa hakbangin.

Larawan ni <b>Jo A. Santos</b>
Larawan ni Jo A. Santos

Malawak na galit at pagkondena, at malalaking protesta ang naging tugon ng sambayanan. Agad na naging malinaw na hindi lang ito isang maliit na pagkakamali ng gobyerno o presidente. Kahanay ito ng iba’t ibang isyu sa nakaraan na nagpahina, kundi man nagpatalsik, ng mga dating pangulo.

Mula nang ilibing si Marcos, agad nagkaroon ng sunud-sunod na malalaking protesta sa Kamaynilaan at buong bansa. Tumampok ang mga kabataang estudyante, ang mga “millennial” na kamakailan lang ay kinukutya ng ilan dahil raw lulong sa sariling mundo, walang pakialam sa mga isyung panlipunan. Parang anunsyo ng pagdating nila sa pulitika ang galit na wika ng kanilang mga plakard, sariwa at nakikita lang noong una sa social media.

Sa Facebook at social media, humantong ang mga trolls na maka-Marcos at maka-Duterte sa lantarang panghaharas na sekswal – sa layuning pigilan ang ispontanyong pagpapahayag ng galit at pagtutol ng mga karaniwang tao, kasama ang kababaihan. Tila karugtong ng patalastas sa midya ni Marcos noong eleksyong 1986 na pangkama at pambahay lang ang mga babae. Nitong huli, inatake na ng mga trolls ang mga personal na account ng mga tutol at tumutuligsa, tampok ang sa mamamahayag na si Inday Espina-Varona.

Sa Kamaynilaan at buong bansa, ang namumuno ng protesta ay ang pambansa-demokratikong Kaliwa. Hindi naging hadlang ang mabubuting hakbangin at pangako ni Duterte para maging napaka-kritikal nito sa libing-bayani kay Marcos, sa alyansa ni Duterte sa mga Marcos, at kay Duterte mismo; katunayan, naulapan ang naturang mga hakbangin at pangako ng kawalang-hiyaan ng libing sa LNMB. Hindi man nito pinapalusot ang pananagutan ng mga naunang rehimen, ng US at mga naghaharing uri sa muling pagpapalakas sa pamilya Marcos, na matagal nang nagaganap, malinaw ritong naging susi si Duterte sa libing-bayani kay Marcos.

Sabi ni Satur Ocampo ng Bayan Muna, kailangang “muling pag-isipan” ng pambansa-demokratikong Kaliwa ang “taktikal na alyansa” kay Duterte dahil sa nangyari, at kung magtutuluy-tuloy ang ganitong mga hakbangin. Kinwestyon ng Communist Party of the Philippines kung tunay ngang maka-Kaliwa si Duterte gaya ng sinasabi nito at binansagan itong “bulok na trapo.” Sabi naman ni Prop. Jose Maria Sison, tagapagtatag na tagapangulo ng CPP, bunsod ng libing-bayani at ng tinakbo ng mga unang buwan ng administrasyon, na magiging mas malinaw sa darating na anim na buwan ang direksyon ng gobyernong Duterte.

Ang pambansa-demokratikong Kaliwa ang namuno sa noise barrage sa iba’t ibang bahagi ng Kamaynilaan noong tanghali, at sa protesta sa Unibersidad ng Pilipinas, Miriam College, Ateneo de Manila at buong bansa noong hapon at gabi ng Nobyembre 18. Kasama rin ito sa mga namuno ng malalaking protesta sa Luneta at buong bansa noong Nobyembre 25 at sa Mendiola at buong bansa noong Nobyembre 30, Araw ni Bonifacio. Tiyak na nagpapalakas ito para sa mga susunod na labanan.

Sa kabilang banda, namumuno rin ng mga protesta ang pangkatin ni dating Pangulong Noynoy Aquino. Mula sa tuluy-tuloy na pagtuligsa kay Duterte at hindi rito pagbibigay man lang ng tsansa simula’t sapul, mas madiin na ang kanilang pagkondena ngayon, at lumalaro na sa panawagan ng pagpapatalsik. Ang akala ng mababantot na personalidad ng gobyerno ni Aquino ay bumango na sila dahil sa isyu, kaya nagpapakita na sa mga protesta.

Sila ang namuno sa protesta sa Edsa Shrine noong Nobyembre 18 at 30. Lehitimong lunsaran ng protesta ang lugar, pero kilala rin ito sa pagpapatalsik sa pangulo. Mamamayan ang bida sa protesta sa Edsa pero, sa kasaysayan, bahagi ito ng panawagan sa militar na tanggalin ang suporta sa presidenteng nakaupo. Simbolo ng paglaban sa diktadurang US-Marcos ang Edsa, pero ginagamit din ito ng mga Aquino para palakasin ang inaangkin nilang prangkisa sa naturang paglaban.

Tila sinisikap ng pangkatin ni Noynoy Aquino na makuha ang suporta ng US para sa pagpapatalsik kay Duterte, lalo na kung itutuloy nito ang pagsusulong ng “independyenteng patakarang panlabas” gaya ng ipinangako nito. Sintomas ang sagad-sagaring mga pahayag sa social media ni Leah Navarro, dating mang-aawit, pinunong troll ng mga Aquino, at anti-Kaliwa. Imbes na himukin ang paglakas ng lahat ng protesta laban sa libing-bayani kay Marcos, nanawagan siyang huwag daluhan ang mga protesta ng pambansa-demokratikong Kaliwa, dahil umano’y maka-Duterte ito.

<b>Cindy Aquino</b>
Kuha ni Cindy Aquino

Hindi nakakakumbinsi ang mga palusot ni Duterte sa libing-bayani para kay Marcos. Halatang mababaw na palusot lang ang mga ito para sikaping bigyang-matuwid ang paglilibing sa dating diktador at pampulitikang alyansa niya sa mga Marcos. Pinatampok ang naturang kababawan ng sinabi niyang walang pelikulang nagdidiin sa Batas Militar kaugnay ng mga krimeng inaakusa rito.

Ang tiyak, may utang na loob si Duterte sa mga Marcos, dahil tumulong sila sa kanyang kandidatura sa pagkapangulo, bukod sa iba pang posibleng dahilan. Tiyak na pambayad-utang niya ang libing-bayani sa dating diktador, at iba pang hakbangin marahil. May alyansa siya ngayon sa mga Marcos, kahit pa mas kailangan siya ng mga ito kaysa kailangan niya sila.

Itinulak ni Duterte ang paglilibing kay Marcos sa LNMB sa loob ng unang anim na buwan ng termino niya, habang popular pa siya at pwede pang mabawasan, sa tantya niya marahil, ng pampulitikang kapital.

Ngayon pa lang, malinaw: Talagang nababawasan ang kanyang popularidad at pampulitikang kapital dahil sa libing-bayani para kay Marcos. At magtutuluy-tuloy ito kung patuloy siyang papabor sa masasamang pangkatin sa bansa – sa mga Marcos, kay Gloria Macapagal-Arroyo, hanggang sa mga haciendero, malalaking kapitalista at sa US. Kaalinsabay, tuluy-tuloy ang mulat na pagsasamantala ng pangkating Aquino sa sitwasyon para patalsikin siya sa pwesto.

Nagpakita si Duterte ng pagiging bukas sa mga ideyang hindi pinanghahawakan ng mga dating pangulo. Kailangang niyang maunawaan na sinuportahan siya ng maraming Pilipino sa kabila ng, hindi dahil sa, alyansa niya sa masasamang pangkating ito. Kailangan niyang maunawaan na naghahanap ng tunay na pagbabago ang sambayanang Pilipino, hindi ng dating gawi pabor sa mga imahen ng tradisyunal na kalakaran ng pulitika at ekonomiya sa bansa. At ibang antas talaga ng kasalanan ang pagpabor sa mga Marcos at maging kay Arroyo.

Malinaw ang pagbasa ng Bagong Alyansang Makabayan o Bayan: para sa mga Marcos, hindi katapusan ang libing-bayani para sa dating diktador. Bahagi lang ito ng mga hakbangin para bumalik sa kapangyarihan, partikular sa Malakanyang, bago ang 2022 o sa taong ito. Bahagi ang libing-bayani ni Marcos ng pagrebisa at pagbaluktot sa kasaysayan pabor sa kanya at kanyang pamilya at sa kanilang ambisyon. At panimula pa lang ito; tiyak, sa maitim na puso nina Imelda, Bongbong, Imee, Ireene at kaanak, pumipintig ang kasabihang isinusulat ang kasaysayan ng mga nagwawagi sa labanan.

Kagyat at nag-aalab ang panawagang “Never again!” Nakatakda na ang susunod na protesta sa Disyembre 10, Pandaigdigang Araw ng Karapatang Pantao. Hindi na muli sa mga Marcos at sa Batas Militar!

04 Disyembre 2016