Paglaban at pag-ibig, sa gitna ng gera kontra droga

Hindi na tayo nabubuhay sa pamamagitan ng pagpaslang, kundi sa pamamagitan ng pagmamahal, ayon kay Fr. Ben Alforque.

Si Fr. Ben (gitna), noong Disyembre 10, Pandaigdigang Araw ng Karapatang Pantao. <b>Darius Galang</b>

Si Fr. Ben (gitna), noong Disyembre 10, Pandaigdigang Araw ng Karapatang Pantao. Darius Galang

Ilang buwan pa lang ang nakalilipas pagpasok ni Pangulong Duterte sa kapangyarihan, mataas na ang bilang ng mga naging biktima ng kanyang giyera kontra-droga.

Tignan ang estadistika: aabot sa 6,000 na diumano ang napaslang sa ilalim ng Oplan Tokhang. Maraming nakakulong, marami nang pinaslang (marami umano’y nanlaban). Sa tantiya ng kapulisan, higit sa may dalawang libo na ang napaslang nila sa ilalim ng Oplan.

Tila malamig na estadistika na lang ang mga naging biktima. Mas lalo pa, malamig rin ang pagtanggap ng mga tao sa mga ito. Tila tanggap nang patayan ang solusyon sa problema sa droga.

Hindi na tama ito, sabi ni Fr. Ben Alforque, convenor ng Rise Up, koalisyong kasama ang mga miyembro ng simbahan upang iwaksi ang mga kamalian sa pagpapatupad ng Oplan Tokhang.
Kinokondisyon ng Oplan Tokhang ang isip ng mga tao, sabi ni Fr. Ben. “Fini-feed nito ang id, hindi ang ego o super-ego. Dahil ang basis ng id is survival. To survive, it’s either you love, or you kill. Sa kasalukuyan, sinasabi nila na para mabuhay ka, pumatay ka. Sa mata ng simbahang (Katoliko), napakababaw nito.”

“Sa kasalukuyan, may kampanya na sasabihin sa mga tao, ‘okey lang iyan, para tahimik.’ Hindi matatakot ang mga drayber na umalis sa kanilang mga bahay sa gabi dahil tahimik at ligtas naman ang kalye,” paliwanag ni Fr. Ben. Ngunit hindi maiwawaksi ang katotohanan na sa karimlan ng gabi, nangyayari ang karamihan sa mga operasyon ng Oplan Tokhang.

Sa gitna ng gabi, isang ginang na naman ang tatangis sa pagkawala ng asawa o ng anak, isang pamilya na naman ang tatangis.

Sangkot ang kapulisan at militar, di maitatanggi, sa gera na ito. Marami nang balita sa radyo, telebisyon at diyaryo na nagpapatibay sa mga haka-hakang sangkot ang mga unipormado maging ang matataas na miyembro ng gobyerno sa problema sa droga. “Kaya lang, hindi natin malaman kung ginamit nila ang ang kanilang uniporme sa syndicate cleansing. So it’s both extrajudicial killing and human rights violation,” dugtong pa ni Fr Ben.

Kung matatandaan, sa kasagsagan ng pagdinig ukol sa pagpaslang kay Albuera, Leyte Mayor Rolando Espinosa, galing mismo kay Pangulong Duterte na naniniwala siya sa mga pulis, at hindi papabayaang makulong ang kapulisan.

Isa pang malamig na katotohanan ang umuusbong. Ginagamit na ang Tokhang bilang pamamaraan ng pagsupil sa karapatan ng mga mamamayan na magpahayag nang malaya ukol sa iba’t ibang isyu, sa ilalim ng gera kontra droga. Batid na ng Rise Up ang umuusbong na padron na ito sa mga kasong kinasadlkan ng ilan magsasaka, maging sa pambansang minorya.

“Nakikita natin iyan sa mga magsasaka sa San Jose del Monte, Bulacan. Ang charge sa kanila ay drugs,” matawa-tawang pagbunyag ni Fr. Ben. “Ganoon din ang nakita natin sa pinaslang sa Compostela Valley sa Davao. Ginamit ang Oplan Tokhang para sila’y patayin. Sa mga Lumad, sa kabundukan, inookupa nila (ng militar) ang mga bahay. Sasabihin nilang naghahanap sila ng droga.”

Pero alam na ang katotohanan: naghahanap sila kung sino man ang hinihinala nilang miyembro ng New People’s Army. Nakatago na ang kontra-insurhensiya sa ilalim ng Oplan Tokhang.

May mga paraan pa naman upang makatulong, sabi ni Fr. Ben. Ibinubukas niya ang panukala na maging rehabilitation centers ang mga simbahan. Ngunit mahalaga, aniya, na magkaroon ng pagbabago sa kaisipan ng mga tao. “Itaas natin muli ang consciousness ng mga tao, na we are more than just animals but we are human beings. Kailangang itatak sa mga tao na maging sensitive sila sa human rights violations, sa Oplan Tokhang man iyan o dumudulo na sa counter-insurgency operations.

Ang mahalaga, aniya, na maghari ang pagmamalasakit. “Kailangang ipakita sa mga tao na ito ay animal instinct ang hinihimok sa atin (sa ilalim ng Oplan Tokhang). Kailagan balikan natin ang heart, the compassionate sense o being human, na hindi tayo nagsu-survive by killing, rather we survive by loving. In that sense, mas malalim na usapin ito dahil ang human right violation is a case of injustice. Itong kaso ng pagtanggap ng mga pagpatay, sa pagkondisyon sa id, is dehumanization. Malaking kasalanan iyon. We are told not to be human, but to be instinctly animals.”

“Malaking bakahin ito ng simbahan na ipakita sa mga tao na we are human creations of God, rather than animal creations,” pagtatapos ni Fr. Ben.

Totoong malaki ang problema ng bansa sa ilegal na droga. Ngunit hindi dapat manaig ang pananakot, ang panlilinlang sa mga tao, at ang pagtanggap na lang na natural at tama ang dumaraming bilang ng mga nagiging biktima ng karahasan. Bagkus, respeto sa karapatan at mismong buhay ng tao ang dapat manaig.

Sa huli nga naman, pag-ibig pa rin ang dapat manaig.


 

Please follow and like us:
Facebook0
Facebook
YouTube0
YouTube
Google+196
Google+
http://pinoyweekly.org/new/2016/12/paglaban-at-pag-ibig-sa-gitna-ng-gera-kontra-droga/
Instagram0
Follow by Email
RSS
Darius Galang

Darius Galang

Darius Galang covers migrant and women's issues for Pinoy Weekly, while also working as a graphic artist and photographer. He one of PW's long-time editorial staff and was a product of Manila Collegian of the University of the Philippines-Manila campus.