FEATURED Karapatang Pantao Pambansang Isyu

 Sinsero ba talaga ang gobyerno?


 Sa kinikilos ng militar at di-pagpapalaya sa mga bilanggong pulitikal, dumarami ang nagdududa sa sinseridad ng rehimeng Duterte na makamit ang kapayapaang batay sa hustisya. 

Ano’ng nangyari sa mga ipinangako ni Pangulong Duterte na palalayain ang lahat ng bilanggong pulitikal?

Ito ang tanong ng mga grupong pangkarapatang pantao, limang buwan matapos maupo sa poder si Duterte sa pangako ng “pagdating ng pagbabago”. Bago pa nga makaupo ng Malakanyang, sinabi na niyang plano niyang magdeklara ng general amnesty sa lahat ng bilanggong pulitikal sa bansa, kasabay ng pagpapatuloy ng usapang pangkapayapaan sa pagitan ng gobyerno at mga nagsusulong ng rebolusyon sa bansa.

Pero matapos ang kondisyonal na pagpapalaya sa 19 konsultant ng National Democratic Front of the Philippines (NDFP) noong Agosto, tila wala nang nangyari sa pangako. Nitong Martes, Dis. 6, sinabi pa ng Pangulo na palalayain niya ang 130 bilanggong pulitikal–iyung maysakit at nakakatanda–kung pipirmahan lang ng NDFP ang isang kasunduang bilateral ceasefire. Siyempre, hindi ito ikinatuwa ng NDFP at ng mga progresibong tagamasid sa usapang pangkapayapaan–bukod sa obligasyon ng gobyerno ang pagpapalaya sa mga bilanggo na sinampahan ng gawa-gawang mga kaso, ipinangako nga ni Duterte ang amnestiya sa kanila bago pa man maluklok sa Palasyo.

At noong nakaraang linggo nga, namatay ang isang bilanggong pulitikal na matagal nang ikinakampanya ng mga grupong pangkarapatang pantao na palayain.

“Patay na si Bernabe Ocasla. Nasa coma siya matapos atakihin sa puso o ma-stroke noong Biyernes (Nob. 25) sa kulungan,” sinulat ni Edre Olalia, abogado ng mga bilanggong pulitikal, sa kanyang Facebook account. “Kasama siya sa mga detinidong pulitikal na maysakit na dapat na pinalaya na sa batayang makatao, at alinsunod ng napagkasunduan noong negosasyong pangkapayapaan at matagal nang ipinangako ng gobyerno.”

Isa lang si Ocasla sa mga bilanggong pulitikal na namatay habang nasa kulungan, bagamat siya ang una sa panahon ni Duterte. Sa ilalim ng administrasyong Aquino, namatay na dahil sa kawalan atensiyong medikal at di-makataong kondisyon sa kulungan sina Romeo San Andres, Menchor Renomeron, Renato Abadiano, Nenino Cabarles, Alison Alcantara, Willy Geocado, Gildo Gonzales, Benny Barid, Ester Montes, Crisanto Fat, Jose Andaya at Eduardo Serrano.

“Nasa gobyerno ng Republika ng Pilipinas ang pananagutan sa pagkamatay ng bilanggong pulitikal na si Bernabe Ocasla,” deklara ni Cristina Palabay, pangkalahatang kalihim ng Karapatan. Sa pagkakasulat ng artikulong ito, may dalawa pang bilanggong pulitikal na nasa ospital dahil sa mga karamdaman: sina Apolonio Barado, na nasa Philippine Heart Center ngayon dahil sa sakit sa puso, at Amelia “Amy” Pond na nasa Southern PH Medical Hospital matapos ang operasyon sa lumbar spine.

pw-ailing-political-prisoners-01
Mga bilanggong pulitikal na nasa ospital ngayon dahil sa mga sakit: sina Amy Pond (kaliwa) at Apolonio Barado.

Nabubulok sa kulungan

Umabot na sa 401 ang bilanggong pulitikal sa iba’t ibang kulungan ng bansa.

Nitong nakaraang mga buwan, panay ang anunsiyo ni Labor Sec. at pinuno ng negotiating panel ng gobyerno, Silvestre Bello III, na nakatakda na raw ang pagpapalaya sa mga bilanggong pulitikal na aabot sa 70. Para sa grupong pangkarapatang pantao na Karapatan, ni hindi malinaw kung ano ang batayan kung bakit 70 ang sinasabing palalayain. Pero sa kabila ng mga pahayag, wala pa ring indikasyon na may palalayain na nga ang gobyernong Duterte.

“Katulad sitwasyon sa ibang bahagi ng bansa, nag-ambag sa kondisyong medikal ni Ocasla ang marahas na kondisyon sa kulungan sa Manila City Jail kung saan siya nakulong,” sabi ni Palabay. “Di bababa sa 130 bilanggong pulitikal ang dumaranas ng iba’t ibang sakit, marami ang banta-sa-buhay tulad ng kondisyon ni Ocasla. Ito ang dahilan kung bakit mahalaga ang agarang pagpapalaya sa kanila, para makakuha sila ng mas maayos na pagpapagamot sa labas ng kulungan.”

Sabi pa ni Palabay, magugunita rin ang pagkamatay ni Diona Andrea, bagong-silang na sanggol ng dating bilanggong pulitikal na si Andrea Rosal. Dahil sa masamang kondisyon sa kulungan at di-sapat na serbisyong pangbuntis, namatay ang sanggol na si Diona dalawang araw matapos ipanganak sa Philippine General Hospital.

Hindi malinaw kung bakit hindi pa rin nagagawang palayain ng administrasyong Duterte ang mga bilanggong pulitikal tulad ng ipinangako nito. May mga nagsasabing baka may humaharang sa pagpapalaya sa hanay ng militar at pulisya.

Pero sa pagpapalaya noong Agosto ni Duterte sa 19 konsultant ng NDFP, napakita niyang kung gugustuhin niya, talagang may paraan.

Ano’ng tigil-putukan?

Hindi kondisyon sa pagpapatuloy ng usapang pangkapayapaan ang pagpapalaya sa mga bilanggong pulitikal.

Gayunman, sa press conference ni Bello sa Malakanyang dalawang linggo na ang nakakaraan, sinabi mismo niyang confidence-building measure ito sa usapan—ibig sabihi’y pagpapatibay ng kumpiyansa ng NDFP at GRP (Gobyerno ng Republika ng Pilipinas) na ipagpatuloy ang negosasyon.

Sa naturang presscon, sinabi rin ni Bello na binabalak sana ng gobyerno na matuloy na ang deklarasyon ng bilateral ceasefire, o napagkasunduang tigil-putukan ng gobyerno at NDFP. “Para mapanatag ang publiko,” sabi niya. Pero iginigiit ng NDFP na hindi prayoridad ang deklarasyong ganito, dahil kailangang unahin muna ang pagpapalaya sa mga bilanggong pulitikal. Tutal, nakatindig pa naman ang unilateral ceasefire na dineklara ng parehong panig bago ang pormal na negosasyon noong Agosto.

Isa pa, ayon sa NDFP at kumpirmado ng mga grupong pangkarapatang pantao, kahit ang unilateral ceasefire ay tila hindi nasusunod ng GRP—o, mas tiyak, ang Armed Forces of the Philippines (AFP).

Ang Karapatan, nakatala ng maraming paglabag ng AFP sa tigil-putukan, mula sa pag-ookupa ng mga sibilyang lugar tulad ng health centers, barangay halls at kabahayan ng mga residente sa mga komunidad sa probinsiya, hanggang panggugulo sa pang-araw-araw na buhay, kabuhayan at pag-eskuwela ng mga residente. Naiulat ito sa Ragay at Del Gallego sa Camarines Sur, gayundin sa Palimbang sa Sultan Kudarat. Samantala, sa rehiyon ng Caraga, naiulat ang pagpuwersa ng mga sundalo ng Philippine Army sa mga residente na “sumuko” na sa kanila—lalo na iyung mga miyembro ng mga organisasyong masa.

Sa probinsiya ng Masbate, inimbestigahan ng Karapatan-Bicol ang anila’y ‘bagong mga atake” sa mga sibilyan sa mga barangay na Cawayan at Dimasalang sa naturang probinsiya. Itinuturong sangkot dito ang 9th at 2nd Infantry Battalion ng Army na nagkokondukta ng mga aktibidad sa ilalim ng programang kontra-insurhensiya na Oplan Bayanihan.

Ginagawang dahilan

Lumalabas na sa halip na tapat na sundin ng AFP ang tigil-putukan at maglikha ng kondisyon para maging posible ang mas pangmatagalang kapayapaan, tila ginagamit nitong pagkakataon ang unilateral ceasefire para ipagpatuloy ang giyera kontra-insurhensiya nito—sa layuning mapupuksa pa rin nito sa pamamagitan ng puwersa ang armadong rebolusyon.

“Sa ilalim ng unilateral ceasefire, natatratong suspetsadong mga rebelde ang mga sibilyan at napapasailalim sa mga interogasyon, banta at panghaharas,” ani Palabay. “Sa pagkakaabala sa pang-araw-araw na buhay nila at pag-aaral ng kanilang mga anak, at sa tuluy-tuloy na pagpapatrulya ng mga sundalo sa mga bahay tuwing gabi, bigo ang unilateral ceasefire na maglikha ng kondisyon kung saan malayang nakakakilos, nakakapagsalita at nakakapagtalakay ng mga reporma ang mga tao kaalinsabay ng usapang pangkapayapaan ng gobyerno at NDFP.”

Tanong tuloy ng progresibong mga tagamasid: Kung unilateral ceasefire o tigil-putukan na sila mismo ang nagdeklara, nagagawa nang labagin ng militar, papaano pa kaya ang isang bilateral ceasefire?

Nakukuwestiyon tuloy ngayon ang sinseridad ng mismong administrasyong Duterte: pangmatagalang kapayapaan ba talaga ang gusto nito, o isang pagpapanggap lamang na may kapayapaan na sa porma ng mga deklarasyong tigil-putukan na di naman sinusunod ng militar?