FEATURED Rebyu

Eskapismo at reyalidad ng Sunday Beauty Queen


Maikling rebyu ng MMFF Best Picture na Sunday Beauty Queen, mula sa isang dokumentarista rin na si JL Burgos.

Mahirap mawalay sa pamilya at magtrabaho bilang domestic helper (DH) sa labas ng bayang sinilangan. Para maaliw at kalimutan ang lungkot, ilang DH ang sumali sa beauty pageant ng mga OFW–isang beauty pageant na inorganiza ng kababayang DH din. Pagkakaabalahan ito tuwing day off at pagtakas sa mapoot na reyalidad ng mga OFW sa Hong Kong.

Pinapakita ng Sunday Beauty Queen ang dalawang mukha ng pagharap ng mga Pilipino sa ganitong sitwasyon. Ang eskapismo at ang pagharap sa reyalidad, gaano man ito kasaya, kaginhawa, kalungkot o kahirap. Ito ang pinapakita ng unang dokyumentaryong kalahok sa kasaysayan ng Metro Manila Film Festival.

Sa dokumentaryo, mahalaga ang pagbubukas ng pagkatao ng karakter sa filmmaker. Ngunit hindi ito nangyayari sa mabilisang panahon. Nangangailangan ng tiyaga at pasensiya na mabuo ang relasyon para umabot sa malaya at kumportableng pagpapahayag ng buhay ng karakter sa director. Halata sa pelikulang Sunday Beauty Queen ang comfortability ng mga karakter sa direktor. Di ito nabubuo sa pamamagitan ng pambobola, kundi sa tagal ng panahong at sinserong pakikitungo ng direktor sa kanyang mga kinukunan. Ito ang susi ng hindi “contrived” o pineke na paglalahad ng buhay ng mga DH sa pelikulang Sunday Beauty Queen.

Makikita sa mga eksena ang natural na nuances ng mga DH. Masuwerte rin ang filmmaker sa kanyang mga karakter. Ang mga naganap pagkatapos ng beauty pageant sa mga karakter ay lalong nagpatatag sa presentasyon ng sitwasyon ng OFW sa ibang bansa.

Ang isa sa pinakatampok ng pelikula ay ang paglatag ng istorya. Di madaling mag-edit ng daan-daang oras ng footage para mabuo ang mahigit isang oras na pelikula. Mahusay ang emotional plotting ng istorya–ang pagpapatawa nito sa isang banda habang sine-set-up ka sa lungkot na haharap sa mga karakter. Kumbaga, patatawanin ka muna bago ka paiiyakin.

Pero ang kahusayan ng pelikula’y ang pagpapakita ng reyalidad ng OFW. At ang mapangahas na tahakin ang isang film festival na kadalasan ay eskapismo ang hinahain. Nangahas ang Sunday Beauty Queen at nagtagumpay ito. Ang tagumpay ng dokumentaryong ito’y sana magsilbing pinto sa iba pang mahuhusay na dokumentaryo sa Pilipinas. Nawa’y di magtapos sa MMFF ang pagtangkilik ng masang Pilipino sa mga documentary.

Ika nga ng ilang mga dokumentarista sa Pilipinas, “Reality is better than fiction”. At ang reyalidad ay tatanggapin ng masang Pilipino dahil kuwento nila ito.