FEATURED Rebyu

Seklusyon mula sa mga kaugalian


Panimulang pagbabasag sa mga kaugalian at simbolo ng status quo ang Seklusyon.

Kung ihahanay ang Seklusyon ni Eric Matti sa naunang horror flicks ng Metro Manila Film Festival, kakaiba ang pelikula — hindi spoon-feeding sa manonood ang pakay nito.

Maaaring nagpapakita ng pagbasag sa pangkaraniwang mga praktika ang pelikula. Hindi hayagan ang pagtalakay sa seven deadly sins — makikita lang ito sa katakawan ng isang karakter, sa pagnanasa lalo na sa musmos na mga bata ng isa pa, at iba pa. Kung hayagan man ang pagbasag ni Miguel (Ronnie Alonte) sa santa bilang pagsisimbolo ng iconoclasm — dahil pagbasag sa mga rebuto ay pagbasag na rin sa kaugalian ng relihiyong kinagisnan — binubuksan lamang nito ang pinto upang sabihin na marami pang bagay sa loob ng kuwento na hindi ibibigay nang direkta ni Matti, bagkus ay hamon na rin na mag-isip ang manonood.

Kung baga, bahala ang manonood sa pagtahi ng kuwento ng isang pari (Neil Ryn Sese) na nagsasaliksik sa nakaraan, at sa isang deakuno (si Miguel) na kasalukuyang nasa seklusyon, at kung paanong uminog nang tahimik sa buong istorya ang sentral na tema, sa karakter ng isang batang manggagamot/miracle healer (Rhed Bustamante).

Tanggapin natin: hindi pa sanay ang Pilipino sa isang anti-hero, sa gawing pagpatay ni Miguel sa batang manggagamot, umastang “sheep in wolf clothing” ang demonyo sa istorya, kung baga. Ngunit kiliti na rin ito sa mga manonood at isang hamon kung paano nila tinitignan ang isang bayani. Hanggang kailan nga ba ang paghihintay upang hawakan ang patalim, o ikasa at iputok ang gatilyo sa mga tinitignan na naghaharing uri, tulad na lamang ng ginawang pagbaril ni Sandoval (Lou Veloso) sa obispo.

Trademark na rin ni Matti ang kanyang open-ended/di-tiyak o obvious na pagtatapos ng kanyang mga obra. Maaaring huminga na ang manonood sa pagtatapos ng pelikula, ngunit hindi niya binibigyan ng pagkakataon na basta na lang makuntento sa iisang linear dimensionang manonood sa huli. Bagkus, pinag-iisip pa niya ito kung ano ang nasa dulo — kung nagtapos na nga ba ang daloy ng istorya, o may karugtong pa.

Maaari, iconoclastic ang Seklusyon. At maaring paunang pagbasag pa lang ito sa mga nakaugalian, at kaugalian, ng (manonood na pelikula na mga) Pilipino.