FEATURED Manggagawa

Sigaw ng obrero mula sa abo

Mga manggagawa ng HTI sa Cavite Economic Zone, inalay sa altar ng malaking negosyo.

1,328. Ito ang tinatayang bilang ng mga manggagawa na hanggang ngayo’y hindi matunton – “unaccounted for”– tatlong linggo matapos ang sunog sa pabrika ng House Technology Industries Pte Ltd. (HTI).

Pinangangambahan ng maraming grupong maka-manggagawa na kasama sila sa mga nasawi sa sunog. Sa kabila ito ng paulit-ulit na pahayag ni Cavite Gov. Jesus Crispin “Boying” Remulla na sinabi diumano ng HTI management na “accounted for” na lahat ng manggagawa ng HTI na pumasok noong panahong nasunog ang pabrika.

Kinumpirma ito ng timeline ng mga pangyayari na nasa preliminary report ng Department of Labor and Employment (DOLE) hinggil sa insidente. Nakakuha ng kopya ng naturang ulat ang Pinoy Weekly.

During headcount, the HTI found that a total of 3,189 employees were employed in the affected building. Of the 3,189 employees, 1,861 have time-in and time-out records, 582 have no log-in records, and 746 have log-in records only,” ayon sa Chronology of Events ng DOLE report.

At bagamat sa naturang timeline, sinabi ng HTI noong Pebrero 4 na “accounted for” na ang lahat ng manggagawa nito, marami ang indikasyong hindi ito totoo. Walang maipakitang listahan sa publiko ang HTI at ang mga agency na nagkontrata (labor only contracting) ng 582 manggagawa.

Ayon pa sa National Fact-Finding Mission (NFFM), isang independiyenteng inisyatiba ng mga grupong maka-manggagawa tulad ng Kilusang Mayo Uno (KMU), Ecumenical Institute for Labor Education and Research (Eiler), Center for Trade Union and Human Rights (CTUHR) at Institute for Occupational Health and Safety for Development (Iohsad), may mga manggagawa ng HTI sila na nakapanayam na hindi pa nagrereport sa manedsment.

Kaya papaanong “accounted for” na lahat ng manggagawa?

Pagtatago

Katunayan, ayon sa mga miyembro ng NFFM, pinagtibay lang ng ulat ng DOLE ang sinabi ng ilan sa 31 manggagawa (tumangging magpakilala sa madla pero pumayag sa panayam kasama ang Pinoy Weekly): may mga naiwang kapwa nila manggagawa sa loob ng nasusunog na bilding ng HTI noong gabi ng Pebrero 1.

Ibinunyag ni Daisy Arago, executive director ng CTUHR at pinuno ng misyon, na malinaw na pinipigilan ng HTI manedsment (kasabwat ang lokal na gobyerno ng Cavite at Philippine Economic Zone Authority o PEZA) na lumabas ang katotohanan hinggil sa bilang ng mga namatay. Hindi pinahihintulutan ng kompanya at ng lokal na gobyerno na makipag-usap ang mga manggagawa sa mga miyembro ng NFFM at mga alagad ng midya ukol sa sunog.

Dagdag pa na may accounts na nakuha ang NFFM ukol sa mga posibleng naiwang patay o namamatay na sa loob ng nasusunog na gusali: mga kuwentong “ginapangangan (nila) ang mga kapwa manggagawa na patay” bago makalabas ng nasusunog na gusali.

Ayon sa NFFM, nagsimula ang sunog sa ikalawang palapag ng production area, at mabilis na kumalat sa buong bilding dahil sa sentralisadong vacuum.

“Noong araw ng sunog, papalipat ng shift at may pulong ang mga empleyado. Napansin nilang may usok at sunog na nagmumula sa vacuum outlet. Nagsigawan ang mga empleyado at tumakbo patungo sa hagdan. Sabi ng mga survivor, nagsimula ang sunog alas-sais ng gabi, nang makalos ng panel saw ang bakal na nakadikit sa kahoy na pinuputol,” ayon sa ulat ng NFFM.

Lumiyab umano ang saw dusts at nagsimula ang sunog. Hinigop naman ng sentralisadong vacuum na malapit sa makina ang apoy—doon kumalat agad ang sunog.

“Pinaypayan ng umaandar na orbit fans (ceiling fan) ang apoy kaya lalong kumalat ito. Nakulapulan ang buong bilding ng makapal na itim na usok at sa ilang minuto’y nagtakbuhan ang mga manggagawa palabas ng gusali,” ayon pa sa ulat.

Sabi pa ng isang saksi, umaabot lang sa pagitan ng dalawa hanggang limang minuto bago sumunod sa sunog ang mga pagputok at nilamon na ng sunog ang buong HTI main building.

“Nagkaroon ng stampede sa mga hagdan at marami na sa mga manggagawa ang nasusunog,” ayon pa sa ulat.

Pakikipagdiyalogo ng NFFM kay Labor Usec. Joel Maglunsod. <b>Contributed Photo</b>
Pakikipagdiyalogo ng NFFM kay Labor Usec. Joel Maglunsod. Contributed Photo

Labag sa mga istandard

Walang nakanayam ang misyon na manggagawa na nagsabing nakalabas sila gamit ang fire exit ng bilding. “Dalawang survivor ang nagsabing naka-lock ang fire exit at mahigpit na naka-screw ang mga bintana. Kinailangan nilang basagin ang mga bintana para makalabas. Ayon pa kay Mario (hindi totoong ngalan) na nagtrabaho sa kabilang gusali ng HTI, nakita niyang tumatalon ang mga manggagawa mula sa bintana, karamihan sa mga ito’y babae,” sabi pa ng NFFM report.

Nadiskubre rin ng misyon na hindi sapat ang laki ng mga daanan palabas, lalo na ang main passageway, para makadaan ang di-bababa sa 3,000 nagtatakbuhang manggagawa.

“Sinabi ng mga manggagawa na tinatayang may 6-feet ang lapat ng main entrance door ng HTI panel building. Tinatayang aabot sa 60 feet ang layo ng main stairs papunta sa ikalawang palapag, canteen at ikatlong palapag. Tinatayang 5 feet ang lapad ng main stairs,” ayon pa sa ulat.

May ibininunyag din ng Iohsad ukol sa posibleng mga paglabag ng HTI sa fire safety standards. Anila, may apat na fire exits kada 1,000 katao sa isang gusali. Kung may mahigit 3,000 na manggagawa ang nasunog na gusali ng HTI, dapat anila na may 12 fire exits ang gusali. Wala pang 12 ang lagusan sa naturang bilding, ayon sa Iohsad.

Halos lahat umano ng nakapanayam ng NFFM ang naniniwalang maraming manggagawa ang naiwan sa nasusunog na bilding. Sinabi ng naturang mga saksi na dahil sa bilis at laki ng sunog, mabilis na nasunog ang mga hagdan at imposibleng makatakbo ang mga manggagawa para makalabas mula rito. Sinabi ni Alex (di tunay na ngalan), na papalabas mula sa canteen, may nakita na siyang mga manggagawa na walang-malay. May nakita rin umano siyang dalawang tao na tumungo sa kubeta—naniniwala siyang walang tsansa na makalabas ito.

Isang 22-anyos na manggagawa ang nagsabing nahirapan siyang makalabas matapos makarinig ng pagsabog at binalutan ng itim na usok ang lugar.

“Ang nakikita ko na lang (noon) ay makapal na usok, (habang) ang ibang manggagawa nakahiga na at walang malay. Gusto kong kunin at hatakin ang mga kasamahan ko pero hindi ko na kinaya. Sinundan ko na lang ang liwanag na nakita ko at nakalabas naman ako. Ang tiyak ko’y maraming naiwan sa loob,” ayon sa manggagawa.

Marami pang kuwentong katulad nito.

Sinumite ng NFFM sa blokeng Makabayan sa Kamara ang kanilang ulat hinggil sa sunog sa HTI. Itinutulak ng Makabayan ang imbestigasyon sa Kamara hinggil sa trahedya. <b>Lukan Villanueva</b>
Sinumite ng NFFM sa blokeng Makabayan sa Kamara ang kanilang ulat hinggil sa sunog sa HTI. Itinutulak ng Makabayan ang imbestigasyon sa Kamara hinggil sa trahedya. Lukan Villanueva

Kontra-obrero

Para sa NFFM, malinaw na may paglabag sa safety standards ang HTI.

Kabilang dito ang di-sapat na bilang ng fire exits. Kasama rin ang puntong hindi nakadiretso palabas ng kalsada ang naturang fire exits. Nilabag umano ng HTI ang National Building Code, Fire Code of the Philippines at mga probisyon ng Fire Protection and Control sa Occupational Safety and Health Standards of 1989.

“Isa pa, walang awtomatikong sprinklers, hagdan na patungo sa bubong o fire enclosures katulad ng nakamandato sa batas, lalo na sa mga istruktura na mayroong materyales na madaling umapoy (tulad ng sa HTI),” ayon pa sa ulat ng NFFM.

Samantala, sinabi ng misyon na nagbibigay naman ng minimum na sahod na P356 kada araw sa 8-oras na trabaho ang HTI. Pero inoobliga nito ang kontraktuwal na mga manggagawa na magtrabaho nang overtime kada araw.

Sinabi ng mga manggagawa na nakakatanggap sila ng P50 kada araw sa overtime—mas mababa nang 25 porsiyento na overtime pay kada araw sa regular na araw. Siyempre, pinagbabawalan ang mga manggagawa na sumali sa mga unyon o mag-organisa sa isa’t isa.

Sa mga panayam, napag-alaman ng misyon na libu-libong manggagawa ang agency-hired o labor-only contractuals. Ayon sa mga nakapanayam, may anim na manpower agencies na nagsusuplay ng mga empleyado: Helping Hand Development Cooperative, Best One, Extraordinaire Janitorial and Manpower Services, Inc., HRTM, Hikari, Human Resources And Contracting Corporation, at Alkabest.

Para kay Elmer “Ka Bong” Labog, tagapangulo ng KMU, nakukuwestiyon ng trahedya sa HTI ang isa sa pangunahing mga polisiyang pang-ekonomiya ng administrasyong Duterte. Noong panahon ng kampanya, sinabi na ng ngayo’y Pangulong Duterte na plano niyang magtatag ng mas maraming special economic zones para makaakit ng dayuhang mammumuhunan at maglikha ng ilusyon ng pag-unlad ng ekonomiya.

“Binibigyan-diin ng trahedya sa HTI ang lumalalang kalagayan ng mga manggagawa sa ilalim ng polisiya ng gobyerno na ialok ang mura, kontraktuwal, maamo at kawalang-seguridad na paggawa para umakit ng dayuhang mga mamumuhunan. Dapat nang itigil ang polisiyang ito na pag-alay ng buhay ng mga manggagawa sa altar ng malalaking negosyo,” pagtatapos ni Labog.