FEATURED Manggagawa

Sinunog na katotohanan sa HTI


Malinaw na may itinatago ang gobyerno at mga kapitalista sa tunay na nangyari sa mga manggagawa na inabutan ng sunog sa pabrika ng HTI.

Nakakagimbal ang balita noong hapon ng Pebrero 1. Tinupok ng sunog ang pabrika ng Home Technology Industries sa Cavite Economic Zone (CEZ). Ang tumatayong teorya ng pinagmulan ng sunog: pag-init ng saw panel at nag-spark hanggang kumalat sa buong pabrika.

Tumagal nang dalawang araw ang sunog. May pag-ayon si Cavite Gov. Jesus Crispin “Boying” Remulla na ito na marahil ang isa sa pinakamalalang trahedya sa Cavite.

Ano ang nangyari sa mahigit 2,000 manggagawa na noo’y kakapasok lamang sa kanilang shift sa pagawaan nang mangyari ang sunog? Hindi agad nakapasok ang midya upang makakuha ng sapat na impormasyon ukol sa aktuwal na nangyari kasama ang maaring mga nasawi sa trahedya.

Naging kataka-taka tuloy na matapos ang tatlong araw — ibinunyag ni Remulla noong hapon ng Sabado, Pebrero 4 na nagsimula ang imbestigasyon — ay wala pa ring naiuulat na nasawi sa sunog.

(Basahin: Impiyerno sa engklabo)

Pagtatala ng pinsala

Sinaad ni Remulla noong araw na iyon na 20 porsiyento pa lamang ang nasuyod ng pinagsanib na puwersa ng Bureau of Fire Protection at Crime Lab ng Philippine National Police (PNP). Kung tutuusin, malaking bahagi na ito ng 1/5 ng gusali na nasunog. Wala pa rin anilang nakitang patay.

Sa tala ni Remulla, may 127 na ang naiulat na tumamo ng pinsala. Nakakalat ang mga nasugatan sa iba’t ibang ospital na karatig ng CEZ. Noong gabi ng Sabado, nag-anunsiyo siya na may namatay na mula sa kritikal na kondisyon sa ospital.

Pero sa mismong CEZ at sa hanay ng mga manggagawa doon, agad kumalat ang balita: Marami umano ang mga na-trap sa loob ng pabrika. Gabi ng Pebrero 1, may mga nagtaya sa midya na aabot daw ng 40 ang maaaring namatay. Ang Workers’ Assistance Center (WAC) naman na nakabase sa Cavite, tumaya ng 107. Ngunit binawi ang mga bilang dahil hindi sapat o hindi makumpirma ang impormasyon.

Naglabasan din sa social media ang testimonya ng ilang saksi: may na-trap sa loob at kinakatakutan nilang nilamon na ng apoy ang mga ito.

Hindi masabing bilang

Sa mga ulat ng Center for Trade Union and Human Rights (CTUHR) at Institute for Occupational Health and Safety for Developent (Iohsad) nang bumisita sila sa Cavite, aabot sa mahigit 2,000 ang mangagawang nagtatrabaho sa isang shift kada araw. Nagkalat sila sa tatlong palapag ng pagawaan.

Marami nang kuwento ang lumantad sa sumunod na mga araw matapos ang sunog. Ang ilan, at lalo na ilang nakapanayam ng misyon na mga manggagawa ng HTI, nagkuwento kung paano sila at ang mga kasamahan nila nakatakas sa sunog. Sa mga salaysay na iyon, sinabi nilang oo, may mga namatay nga. Ang ilan, gumapang pa raw sa mga kapwa manggagawa na palagay nila’y patay na. Anuman ang kinakakatakutan, tumanggi silang magpakilala sa publiko.

Duda ni Arnel Salvador ng Workers’ Assistance Center, na maaaring hindi naitala nang buo ang mga manggagawa sa HTI para sa araw na iyon. “Maaaring mga regular pa lang ang binibilang nila,” aniya, tinutukoy ang direktang hired na mga empleyado. Totoo nga naman, dahil kung ihahambing ang iniulat ni Remulla na mahigit 100 na naidala sa mga pagamutan, ano ang nangyari sa mahigit pang 1,000 manggagawa?

Sa tala ng WAC, may limang ahensiya ang nagsusuplay ng manggagawa sa HTI at sister companies nito. Pinangalanan nila ang apat: Extraordinaire, Helping Hand, Best One, Hikari. “Maaaring hindi kasama sa bilang ang mga kontraktuwal dito. Maniniwala tayo kung na-account na nila ang lahat ng mga manggagawa. Ngunit talagang hindi malinaw kung kasama sa headcount ang maraming bilang ng mga kontraktuwal,” dugtong ni Salvador.

Panawagan niya na ilabas ang masterlist ng lahat mga manggagawa para sa araw na iyon para maaral ang mga datos. Sa totoo kasi, walang naniniwalang walang namatay sa sunog. “Iyong mga manggagawa na ang nagsasabing imposibleng walang namatay,” ani Salvador.

Ngunit paano nga ba ilalabas ang datos, lalo na iyung tutukoy sa mga nasawi? Sa mga binitiwang salita ni Remulla ukol sa pasimulang imbestigasyon, panay pinsala na natamo ng pabrika ang kanyang ipinakita — mga larawan ng mahunang mga bahagi nito na aniya’y hindi pa puwedeng pasukin.

Sa kanyang pag-tour sa midya malapit sa pabrikang nasunog, pinagbawalan ang mga mamamahayag na bumaba sa mga sasakyan noong Pebrero 4.

Nagtipon ang mga grupong maka-manggagawa sa harap ng Cavite Economic Zone para ihayag ang panawagang hustisya para sa mga biktima ng sunog sa HTI. <b>Darius Galang</b>
Nagtipon ang mga grupong maka-manggagawa sa harap ng Cavite Economic Zone para ihayag ang panawagang hustisya para sa mga biktima ng sunog sa HTI. Darius Galang

Pagprotekta sa negosyo?

“Hindi ito kasali sa jurisidiction ko, pero ako ang pinuno ng imbestigasyon,” ani Remulla sa midya noong Pebrero 4. Kasabay noon, sinabi niyang siya ang mag-uulat sa ngalan ng HTI. “Wala silang obligasyong makipag-usap sa inyo,” paliwanag niya sa midya.

Pero paliwanag ni Salvador, may pinangangalagaang pangalan ang HTI. Mahusay aniya ang performance nito sa merkado. At kahit nga naman mga manggagawa nito ang magpapatunay na may fire drills sila, may fire exits ang gusali. Ngunit binalewala ang mga iyon sa naganap na sunog.

Duda ni Salvador, “Maaaring naabisuhan na (ang mga manggagawa) na huwag nang magsalita,” aniya. Sabi niya na nakikinig siya sa kuwentuhan ng nakaumpok na mga manggagawa, dahil nandoon siya sa CEZ noong araw na iyon.”Ngunit nung nagtanong na ako (tungkol) sa HTI, isa-isa silang nawala,” obserba niya.

Sa buong panahon ng trahedya, kagulat-gulat na walang narinig na tugon mula sa Department of Labor and Employment, kahit para sa pagkakalap ng datos ukol sa occupational safety and health (OSH). May mga polisiya ang mga ahensiya ng gobyerno na nag-uutos ng voluntary lamang na compliance sa mga istandard ng OSH.

Sakop din ito ng Philippine Economic Zone Authority (PEZA). Ang problema, hindi umano mandato ng PEZA ang pagtitiyak ng mga istandard sa OSH. Nasa ilalim ng Department of Trade and Industry ang PEZA—na nagtitiyak na makaakit ng dayuhang pamumuhunan sa bansa, hindi ng kaligtasan at karapatan ng mga manggagawa.

Para sa Iohsad, kuwestiyonable ang pagpapatupad ng ilang polisiya sa paggawa at mga patakarang eksklusibo para sa PEZA, kasama rito ang Special Economic Zone Act of 1995, at DOLE 131-B Series of 2016: (Revised Labor Laws Compliance System Ecozone-wide Assessment of Voluntary Compliance). Pinagpapatibay lang ng naturang mga batas ang interes ng malalaking dayuhang negosyante sa ecozones. Dahil sa naturang mga batas, kayang kayang balewalain ng mga kompanya ang mga patakaran ng paggawa o kahit mismo ang DOLE.

Lalo na at si Remulla na ang nagsasalita para sa kanila.

Sa National Fact-Finding Mission na pinangunahan ng Iohsad, Center for Trade Union and Human Rights (CTUHR) at iba pang grupong maka-manggagawa at nilahukan ng Pinoy Weekly, napag-alamang may lantarang tangka ang lokal na gobyerno ng Cavite, ang PEZA at ang manedsment ng HTI na itago ang tunay na bilang ng mga nasawi at posibleng paglabag sa occupational health standards at maging sa mga pamantayan sa paggawa.

Hustisya

Para kay Lito Ustarez, pangalawang tagapangulo ng Kilusang Mayo Uno (KMU) na lumahok sa misyon, may kahirapan nang makakuha ng impormasyon hinggil sa mga na-trap sa sunog na mga manggagawa.

“Sa ngayon, malamang mukhang nalinis na nila ang loob ng (nasunog na gusali ng) HTI. Kasi kahit SOCO (Scene of the Crime Operatives), hindi agad nakapasok at nagsagawa ng sarili nilang imbestigasyon,” ani Ustarez.

Sa ngayon, ang blokeng Makabayan lang ang tumugon sa mga panawagan para sa independiyenteng imbestigasyon sa nangyari sa CEZ. Nitong Lunes, pinasa nito sa Kamara ang House Resolution 747 na nananawagan ng inquiry in aid of legislation sa sanhi at kinahinatnan ng sunog sa HTI.

Samantala, pinangunahan ng KMU sa kalsada ang paghangad ng hustisya. Noong Pebrero 3, nagrali ang daan-daang manggagawa sa harap ng DOLE at Mendiola. Para sa kanila, malinaw ang koneksiyon ng trahedya sa HTI sa laganap na kontraktuwalisasyon sa bansa. Sa pagpayag rito, isinasantabi ng gobyerno ang karapatan at interes ng mga manggagawa (tulad ng karapatan sa makabuluhang dagdag-sahod, benepisyo, at kaligtasan sa trabaho) para makaakit ng dayuhang mga mamumuhunan tulad ng sa HTI.

Kung sana’y tinupad ni Pangulong Duterte ang pangako niyang wawakasan na ang kontraktuwalisasyon, napasimulan na sana ang mga kondisyon sa mga pagawaan para maiwasan ang mga trahedyang tulad ng nangyari sa HTI—at malamang na mangyayari pa rin sa hinaharap.