Ang JMS People’s Academy


Mahalagang tungkulin ang magdaos ng makabayang mga samaralan at mga seminar.

kultura lfs jms people's academy

Isang mahalagang tungkulin ang magdaos ng mga samaralan at mga seminar.

Ito ang idiniin ni Prop. Jose Maria Sison (JMS), tagapangulo ng International League of Peoples’ Struggle (ILPS) at chief political consultant ng National Democratic Front of the Philippines (NDFP), sa kanyang talumpati sa mga mag-aaral at manggagawang pangkultura.

Idiniin niya ang halaga ng makabayan at anti- imperyalistang mga samaralan at seminar sa paglaban sa neoliberal na reporma sa paaralan.

Nitong Enero 31, 2017, inilunsad ng League of Filipino Students (LFS) ang JMS People’s Academy. Dinadala ang JMS People’s Academy saan mang paaralan upang puspusang itampok at ilapit sa kabataan at estudyante ang mga makabayan at anti- imperyalistang mga pag-aaral at panunuri ni Sison

Bahagi ito ng paggunita ng anti-imperyalistang organisasyong LFS sa ika-47 taong komemorasyon ng First Quarter Storm, at sa ika-40 anibersaryo ng pagkakatatag ng LFS. Naniniwala ang LFS na napapanahon ang mga sulatin, praktika at aral na naibahagi ni Sison laluna’t malalim at malawak ang pagkritika nito sa karahasang idinulot sa pulitika, ekonomiya at kultura ng imperyalismong Estados Unidos.

Lingid sa kaalaman ng marami, isang propesor at manunulat si Sison. Kilalang lider na kabataan noong 1960s at 1970s, naging malaki ang ambag at impluwensiya ni Sison sa pagpukaw, pag-organisa at pagkilos ng mga kabataan at estudyante.

Tinatalakay at sinusuri ni Sison magpahanggang ngayon ang politika, ekonomiya at kultura sa Pilipinas. Gayundin, ipinakita ni Sison ang susing papel ng kabataan para sa pagsusulong ng rebolusyonaryong pagbabago. Sa katunayan, kasama ang iba pang progresibong kabataan, itinatag noon ni JMS ang Kabataang Makabayan.