Eyewitness FEATURED

Bahay at babae


Ilang nasaksihan sa pag-okupa ng kababaihan at iba pang maralita sa nakatiwangwang na mga bahay sa Bulacan.

[cycloneslider id=”lucan-occupy-bulacan”]

I. Desperasyon

Gabi, libong bituin ang nagsabi sa aking wala na ako sa Kamaynilaan. Pagkatapos ng mahigit kumulang na dalawang oras na biyahe, narating namin ang isa sa mga pabahay sa Pandi, Bulacan, na kung tawagin nila’y Padre Pio ng Pandi. Dito rin mangyayari ang tipunan ng mga maralitang tagalungsod sa ilalim ng Kalipunan ng Damayang Mahihirap (Kadamay) upang okupahan ang mga proyektong pabahay ng gobyerno na anila’y inabandona at hindi napakikinabangan ng mga mamamayan.

Karamiha’y babae, may bitbit na bata, thermos, walis, at pag-aalangan–pag-aalangan na kung sila ba’y mabibiyayaan ng bahay sa kanilang pupuntahan. Sa isang rotunda kung saan sila nagtipon, sinabi sa akin ni Nanay Rose na siya’y taga-Valenzuela. Nangungupahan daw ang kanyang pamilya ng P1,500 kada buwan para sa kapirasong kuwartong sa tootoo lang ay dalawang tao lang ang kasya. Tatlo ang kanyang anak. Hirap na raw silang makasabay sa mga bayarin at sa araw-araw na gastusin kaya’t siya’y nagpasya na sumama sa Occupy, umaasang mabibigyan ng bahay para masilungan ng kanyang pamilya. Desperasyon ang nagtulak sa kanyang bumiyahe mula sa inuupahang bahay papunta sa isa sa pinakamalalaking pabahay sa Bulacan. Pilit niya itong ikublili ng mga ngiti at minsanang pagkurot sa pisngi ng bitbit niyang bata, “Oh ismayl ka oh, may kamera.”

II. Occupy Bulacan

Nagsimula ang martsa mula tagpuan nang pasado alas-dos ng madaling araw. Bitbit ang kanilang thermos at alinlangan, sumabak ang mga maralitang tagalungsod sa mahigit isang oras na lakaran papunta sa isa pang pabahay sa Bulacan, kung saan nila ookupahan ang mga bakanteng pabahay ng gobyerno. Habang naglalakad, pinasan muna ng mga tatay ang kanilang mga anak sa balikat. May pagtataka sa mga mata ng mga musmos—siguro’y hindi alam kung saan sila pupunta, at kung bakit nila kailangan magmartsa ng dis-oras ng gabi. “Para magkabahay!” sagot sa akin ng isang kababaihang nagmamartsa nung tanungin ko siya kung bakit siya nandodoon. Taga-Caloocan daw siya, at katulad ni Nanay Rose, nangungupahan ang kanyang pamilya at hirap na ring makasabay sa mga gastusin. Iba-iba man ang kanilang pinanggalingan—may taga-Tondo, -Montalban, at mayroon ding taga-Novaliches—iisa ang kanilang kuwento, at iisa din ang kanilang pupuntahan: sa Villa Ellise.

Pagdating sa Villa Ellise, kung saan naroon ang ookupahan nilang mga yunit, tinipon muna ng Kadamay ang mga tao at binigyan ng ilang paalala, at tagubilin: kung bakit sila nandoon at kung bakit makatarungan ang gagawin nilang pag-okupa sa mga bahay, na anila’y hindi naman napakikinabangan ng mga mamamayan. Kahit puyat at gutom, itinayo ng mga maralita ang kanilang barikada upang magsilbing hudyat na nandirito na sila na ookupa sa mga hindi napakikinabangang kabahayan sa Villa Ellise. Habang itinatayo nila ang barikada gamit ang mga ligaw ng bakal at drum na kanilang nakita sa site ay mayroong dumating na mobile ng pulisya. Humimpil nang sandali ang mobile na tila nanonood sa pagtatayo sa barikada, pero nang napansin na ito ng mga maralita ay inulan ito ng mga sigaw na siya naming nagtaboy sa mga pulis.

Sigaw din ang kanilang naging tugon ng magpasyang umalis ang mobile ng pulisya—sigaw ng magkahalong tuwa at pangambang ngayong alam na ito ng mga kapulisan ay babalikan sila nito anumang panahon.

Lumipas ang oras at mag-uumaga na, kasabay ng pagsikat ng araw ang liwanag na tila gumuguhit ng pag-asa sa mga mukha ng libu-libong mamamayang lumahok sa Occupy Bulacan.

III. Pagkatapos ng Occupy?

“Paano kami magiging ilaw ng tahanan kung wala naman kaming bahay?” tanong ng isang nanay na aming nakausap.

Marso a-otso, kasabay ng pag-sikat ng araw na unti-unting tumanglaw sa mga mukha ng kababaihang lumahok sa Occupy Bulacan, naalala ko, pandaigdigang araw pala ng kababaihan ngayon.

Araw pala ng ating mga Nanay, Ate at Tita, araw pala ng mga tagapagbigay buhay sa mundo.

Mas maraming tanong ang sumulpot sa aking isip pagkatapos kong masaksihan ang kababaihang nangangalit. Pero nagtitimpi sila, nahihirapan pero lumalaban, pilit ibinabaon ng sistema pero pilit pa ring umaahon. Hindi natatapos ang usapin ng kababaihan sa pabahay. Hindi lang bahay ang kailangang ipaglaban ng ating kababaihan, pero kung ito pa lang nga ay kailangan na nilang ipaglaban at sa proseso’y ilagay sa peligro ang kanilang mga sariling buhay at buhay ng kanilang mga anak, paano pa kaya sa ibang usapin ng kababaihan?