FEATURED Pambansang Isyu

Crackdown sa malalaki’t mapanirang pagmimina


Kasabay ng pagtindig ni Gina Lopez para sa kalikasan, kailangang paigtingin ng bayan ang laban kontra sa malalaking kompanya ng mina.

Kung dati-rati sinasabing kakuntsaba ng malalaking minahan sa bansa ang gobyerno gamit ang Department of Environment and Natural Resources (DENR), ngayon sa katauhan ng Kalihim nito na si Regina “Gina” Lopez, isang malaking hadlang ang nasabing departamento sa nais ng malalaking minahan na ito.

Ipinasira ni Lopez ang may 23 mining firms at sinuspinde ang lima pa dahil sa labis na paglabag na sumisira sa kalikasan. Kabilang sa mga ipinasa ang Benguet Corp. Nickel Mines Inc., Ore Asia Mining and Development Corporation, at Benguet Corporation. Sampu ang naipasa sa Visayas at pito naman sa Mindanao. Kasunod nito, pinakansela din ni Lopez ang may 75 kontrata ng pagmimina.

Kinuwestiyon naman ito ng Chamber of Mines of the Philippines na binubuo ng mga kompanya ng minahan, at nagbanta ng malawang tanggalan sa trabaho at malaking pagkawala ng revenue.

Pinangunahan ng mga katutubong Mangyan ang paglaban sa mapanirang pagmimina sa Mindoro. <b>Raymond Panaligan</b>
Pinangunahan ng mga katutubong Mangyan ang paglaban sa mapanirang pagmimina sa Mindoro. Raymond Panaligan

Malawak na suporta

Sa kabila nito, hindi nagpatinag si Lopez. Sinabi niyang gagawin pa rin niya kung ano ang sa tinigin niya ang tama. Nagpahayag naman ng suporta ang administrasyong Duterte sa hakbang na ito ng Kalihim.

Gayundin, suportado naman siya ng iba’t ibang grupo ng makakalikasan na matagal nang nakikipaglaban upang wasakan ang dambuhala at mapangwasak na pagmimina sa bansa.

“Pinupuri namin si Secretary Lopez sa kaniyang pagtindig sa kaniyang kampanya na habulin ang mga kompanya ng mina na subok at kilala na na nagdudulot ng polusyon at pagwasak sa ating kalikasan. Bilang natatanging Kalihim ng DENR na tumindig laban sa mining mafia sa bansa, nararapat lamang siya na maging Kalihim ng departamento,” ani Clemente Bautista, national coordinator ng Kalikasan People’s Network for the Environment.

Ayon sa Ibon, institusyon ng pananaliksik, dapat lang ipasara ang dambuhala at mapanirang mga minahan sa bansa. Hindi umano totoong nakikinabang dito ang ekonomiya. Ayon sa kanila, sa kabila pinakamataas na mineral exports na US$ 3.4-Bilyon, nag-ambag lang ang pagmimina ng katiting na 0.7 porsiyento sa gross domestic product noong 2013.

Nasa 1.18 porsiyento lang din ang taunang average sa ambag sa mining revenues sa kita ng gobyerno sa 2009 hanggang 2012. Ang kontribusyon ng minahan at quarrying sector sa empleyo ay nasa 0.7 porsiyento lang ng kabuuang employment sa bansa. Mahigit naman sa 90 porsiyento ng Philippine mineral production ang iniexport sa ibang bansa. Ito’y sa kabila na isa ang Pilipinas sa nangunguna na nagpo-produce ng ginto, copper, at nickel sa daigdig, dagdag ng Ibon.

Sinabi naman ng Mines and Geosciences Bureau na nakalikha ang industriya ng P1.51-Trilyong halaga ng mineral gross production mula 1997 hanggang 2015. Pero nasa P199.03-B lang nito o 13.5 porsiyento ang naging benepisyo sa ekonomiya ng Pilipinas sa porma ng buwis, royalties, at bayarin.

Binigyan-diin din ng Ibon ang permanenteng mga pinsala na dulot ng pagmimina sa kalikasan, kabuhayan, at buhay ng mga mamamayan sa mga lugar na may minahan.

Para sa naman sa mga grupo ng katutubo na Katribu at Kalipunan ng Katutubong Mamamayan saPilipinas o KAMP, kailangan ding bigyan ng diin ng DENR ang matinding paglabag sa karapatang pantao lalo na sa kanilang katutubo. Dapat umanong tignan ng departamento ang di umano’y sabwatan ng mga kompanya ng minahan at mga militar sa mga minahang lugar. Responsable umano ang mga militar at paramilitar sa paglabag sa karapatang-tao sa mga komunidad ng mga katutubo na tumututol sa operasyon at aplikasyon ng mga minahan.

“Nakakagalit na ebidensiya ng iresponsableng pagmimina ay kung paano ang pagmimina ay nagiging ugat ng tunggalian may bilang na di bababa sa 85 na kaso ng pagmamaslang na namonitor namin mula 2001,” ayon kay Bautista.

Kaugnay naman nito, nais din ng Pambansang Lakas ng Kilusang Mamamalakaya ng Pilipinas na bigyang aksiyon ng DENR ang malawakang reclamation activities sa coastal areas na sumisira din sa kalikasan at sa marine resources ng bansa. Nasa 96 reclamation ventures ang kinilala ng Philippine Reclamation Authority at nabigyan na ng go signal ang 20 dito ng gobyerno.

Nananawagan naman ang Kalikasan PNE kay Lopez na makipagtulungan sa Kongreso para isulong ang People’s Mining Bill (House Bill 2715) upang palitan ang Mining Act of 1995 na ugat ng mga problema sa pagmimina.

Hiling din ng iba’t ibang grupo na ituloy ang usapang pangkapayapaan sa pagitan ng Gobyerno ng Pilipinas at National Democratic Front of the Philippines para maisulong ang Socio-Economic Reforms at bigyang direksiyon ang sektor ng pagmimina na tunay na makikinabang ang mamamayang Pilipino.

Nagpakita rin ng suporta ang kababaihan ng Gabriela kay DENR Sec. Lopez. <b>Marjo Malubay</b>
Nagpakita rin ng suporta ang kababaihan ng Gabriela kay DENR Sec. Lopez. Marjo Malubay

Matagal pang laban

Isang positibong hakbang ang pagpapasara at suspensiyon sa mga minahan para kalikasan ng Pilipinas at pagsisiguro na pakikinabangan ng mga Pilipino ang likas-yaman ng bansa. Pero simula pa lamang ito ng masalimuot na laban.

Katunayan, pinipigilan si Lopez sa Commission on Appointments para hindi maupong Kalihim ng DENR. Nagpapakalat din ng sariling propaganda ang mga may-ari ng mga minahan para ipakitang hindi masama ang pagmimina.

Pero nakahandang suportahan ng mga mamamayan ang mga mapangahas na hakbang na ito ni Lopez. Nakahanda umano sila na maglunsad ng mga protesta para iprotesta ang malalaking dayuhang kompanyang nais pagkakitaan ang kalikasan at sumusupil sa lumalabang mga mamamayan.


Featured Photo: Si DENR Sec. Regina “Gina” Lopez, nagsalita sa pagtitipon ng mga mamamayan ng Mindoro na nagpapahayag ng pagtutol sa malawakang komersiyal na pagmimina sa lugar. (Raymond Panaligan)