FEATURED Rebyu

Itim at puting obra ng pakikibaka


Dalawang kulay lang ang kinailangan para ilarawan ang lipunang mahahati sa dalawa: ang pinagsasamantalahan at nagsasamantala.

Nagsasalu-salo ang isang pamilya sa mangilan-ngilang kutsara ng kanin, isang mangkok ng sabaw at toyo’t asin para sa kanilang ulam habang pinapasuso ng nangangayayat nilang ina ang bunso nilang sanggol pa lamang. Sa likuran nila, makikita ang karaniwang eksena sa isang mamahaling putahan na nag-uumapaw sa dami ng pagkain at sa dami ng nakangising parokyanong nakabarong at naglalakihan ang mga tiyan—isang masaklap na kabalintunaan ng lipunan. Ito’y isa lamang sa mga larawang ipinipinta ni Leonilo “Neil” Doloricon, isang bihasang pintor at artista na naglunsad ng “Bihag ng Gutom,” ang kanyang art exhibit nitong Marso sa National Commission for Culture and Arts (NCCA).

Karamihan sa mga likhang sining na ipinipinta ni Doloricon ang kawalan ng hustisyang panlipunan ng Pilipinas, lalo na ang karahasan at reyalidad na parehong ugat at resulta ng mga ito. Puti at itim lang ang tanging kulay na makikita sa mga obra ni Ginoong Neil, salungat sa mga katabing makukulay na pinta ng mga estudyanteng nakisabay sa art exhibit. Dahil dito’y nagmistulang sampal sa kamalayan ang mga likha ni Doloricon kumpara sa mga larawang nais ipinta ng kabataan ngayon.

Samakatwid, isa sa mga adhikain ng exhibit ang muling buksan ang mata ng bagong henerasyon sa mga pakikibaka sa lipunan, di lamang ngayon kundi sa kasaysayan. Kabilang sa mga isinasalarawan ni Doloricon ang pagmamaliit sa buhay ng mga manggagawa’t magsasaka, panggagahasa sa kababaihan di lang ng mga banyagang puwersa kundi pati na rin ng sariling kababayan, at ang pang-aapi ng naghaharing uri—marahil mga konseptong hindi lubos na nauunawaan ng marami sa bagong henerasyon dahil sa pagkalulong nito sa iba’t ibang porma ng makukulay na libangan, pahiwatig ng mga tagapagsalita sa mismong exhibit.

PW-doloricon-01

Hindi rin maikakaila ang kaibahan ng pokus ng sining ni Doloricon sa makukulay at abalang pinta, sa bawat puti o itim na linya’y bakas ang paghihirap ng kanyang mga paksa, magsasaka man ito o empleyado sa opisina. Tila walang masayang kulay ang inihahalo sa pagsasamantala bukod sa absolutong kalikasan ng itim o puti. Dahil dito’y dalawa lamang ang maaaring paliwanag o mensahe sa mga obra ni Doloricon: May nang-aapi, at may inaapi, itim, at puti. At nararapat lamang na wakasan ang ganitong uri ng puti at itim na lipunan upang magbigay daan sa iba pang kulay.

Ito marahil ang nais iparating ni Doloricon sa bagong henerasyon: ang magkaroon ng tapang na isalarawan ang kapangitan na nangyayari sa ating bayan at huwag magpalinlang sa panandaliang aliw na handog ng mga naghaharing uri na nagpapatakbo nito.

(Bukas hanggang katapusan ng Marso ang art exhibit ni Leonilo Doloricon sa NCCA, Intramuros, Maynila. Libre ito sa lahat upang makita.)