Rebyu

Lango sa pag-ibig


Rebyu ng I’m Drunk, I Love You, dinerehe ni JP Habac, pinrodyus ng TBA Productions.

Pitong taon nang nagmamahal si Carson (Maja Salvador). Pitong taon na niyang sinikreto ang nararamdaman sa BFF (best friends forever) na si Dio (Paolo Avelino), ang film student na musikerong malamang na nakakilala sa eksena ng mga banda sa Unibersidad ng Pilipinas. Sa huling tatlong araw bago siya gumradweyt, ramdam niyang panahon na para tuldukan ang pagkahumaling kay Dio. Ramdam niyang panahon na para gumising sa katotohanan.

Ito, sa madaling salita, ang simula ng kuwento ng pelikulang I’m Drunk, I Love You, dinirehe ni JP Habac at pinrodyus ng TBA Productions, pinagsama-samang film production outfits na nagprodyus din sa Heneral Luna ni Jerrold Tarog.

Hitik sa kulturang millennial, pero madulas at nakakaaliw din naman talaga ang lengguwahe ng I’m Drunk. Sa hiritan nina Carson at Jason Ty (Dominic Roco), hinggil sa kanilang mga love life, sa papalapit na pagbabago sa mga buhay nila, naaalala natin ang kulitan ng karaniwang kabataan ngayon, ang petiburges na estudyanteng nabentahan ng mga pausong hugot lines, gay lingo, at pop music.

Maja Salvador at Paolo Avelino.

Matagal nang napawi sa millennials ang hang-ups sa seks ng nakaraang mga henerasyon. Si Dio, mukhang marami nang naging karelasyon, pero hindi pa rin siya masaya. Lumalabas na nakukuha niya ang kaligayahan sa pakikibarkada— pero barkada lang, walang seks—kay Carson, na laging karay-karay si Jason Ty. Sadya niyang tinago ang isang nakaraang relasyon kay Pathy (“with an H”, ginanap ni Jasmine Curtis-Smith) dahil, hindi man niya aminin, alam niyang maaapektuhan nito ang pagkakaibigan kay Carson.

Dudulo ang kuwento sa kung papaano tutuldukan ng mag-BFF na sina Carson at Dio ang relasyon nila: Paano aaminin ni Carson (sa tulong, siyempre, ng sangkatutak na alak) ang pitong-taong pagmamahal kay Dio at matatanggap na hindi mutual ang pag-ibig na ito; samantala, paano matatanggap ni Dio na magbabago na ang mundo niya pagkatapos ng graduation at nasa law school na siya. Sa bahagi ni Carson, alam natin ang kahihinatnan: uuwi siyang luhaan. Sa bahagi ni Dio, may pagtanggap sa katotohanang hindi niya maaaring paglaruan at pagsamantalahan pa ang pagkahumaling sa kanya ni Carson. Dapat mag-growup na siya.

Pero ang tanong: sa dinami-rami ng pelikulang millennial ngayon, kahit sa pelikulang Pilipino, bakit may odyens pa rin ang I’m Drunk, I Love You? Dahil unibersal ang karanasan ng pag-ibig. Gayunman, masasabi nating sadyang pinakikitid ang kahulugan nito ng romcom movies tulad ng I’m Drunk, dahil isang klase ng pag-ibig lang ang pinahahalagahan. Binebenta nito ang matagal nang bumentang ideya na ang tanging pag-ibig na dapat ipaglaban ng kabataan ay seksuwal na pag-ibig. Sa madaling salita: Sa pagdyo-jowa lang maaaring lumigaya.

Kahit papaano, nakita natin sa pelikula na may buhay pa pagkatapos ng heart break. Hindi nauwi sa laslasan ng pulso o pagkalango hanggang makagawa si Carson o Dio ng mga bagay na pagsisisihan din nila — tulad ng pakikipagtalik sa isa’t isa. Pero sa panahon ngayon — panahon ng Oplan Tokhang, ng Oplan Kapayapaan, ng matinding gutom at karalitaan, ng kontraktuwalisasyon sa paggawa at dinakabubuhay na sahod, ng imperyalismo — mapanganib ang madisilusyon sa pagibig. May pag-asa pa rin sa romansa.

Pag-ibig pa rin ang magpapainog sa mundo at sa kasaysayan. Pag-ibig pa rin ang magbabago sa reyalidad. Pero hindi na ang makitid at nakakasulasok na pagibig ng dalawang tao. Lawakan lang sana nina Carson, Dio at Jason Ty ang mundo nila, makikita nilang marami pa ang dapat mahalin at ipaglaban.