Maralitang Lungsod

Pira-pirasong pangarap sa Pandi

March 20, 2017

25 taon nang bigo ang “programang pabahay” ng gobyerno na dapat para sa maralita pero ginagawang negosyo ng iilan. Sa Pandi at iba pang lugar sa Bulacan, lumalaban na ang maralita.

Kakatulog pa lang marahil noon ng tandang, alas-dos ng madaling umaga. Pero nagsimula na ang araw para sa mga residente ng Mapulang Lupa. Ang 3,981 kataong miyembro ng Kalipunan ng Damayang Mahihirap (Kadamay), sabay-sabay nang magmamartsa papunta sa mga nakatiwangwang na kabahayan sa Padre Pio ng Pandi, Bulacan.

Handa na ang mga bibitbiting walis, basahan, at timba, maging ang ihahabilin ng mga nanay sa mga kapitbahay na panandaliang pag-iiwanan ng mga anak bago umalis ng bahay. Nagtipunan ang grupo sa basketball court na liwanag lang ng buwan at maya’t mayang pagdaan ng mga sasakyan ang nagsilbing ilaw. Ilan sa mga sumama’y mag-asawa, buntis, senior citizen, kabataan, at ang iba pa nga’y may bitbit na sanggol. Pero kapansin-pansin na malaking bahagi sa kanila ang kababaihang ina.

Malubak ang daan kaya kailangang talasan ang mata, kung hindi’y puwedeng matisod sa nakausling mga bato, mahulog sa pasulputsulpot na mga kanal, o di kaya’y makatapak ng dumi ng aso. Habang nagmamartsa, may nagpapatawa, kabataang nagbibiruan sa gilid ng bulto. Kung lumabas ka sa linya (makipot ang kalsada, ang kaliwang lane ay inilaan para sa sasakyan) sasabihan ka ng nasa likod mo na gumilid at baka ka mahagip. Baka sakaling may puso pa umano para sa kanila ang mga nanunungkulan sa katauhan ng “ating Presidente Duterte,” magkakabahay na sila.

Madilim pa nang datnan ng grupo ang ilang pirasong security guard at mga bahay na malapit nang maging bahagi ng gubat sa Padre Pio. Isa lang ito sa anim na eryang may nakatiwangwang na pabahay sa Bulacan na ookupahan ng mga maralita. Aabot sa 10,000 mga sementadong bahay na ilang taon nang nakatayo pero wala pa ring nakatira.

Isang megaphone, mikropono na nakasaksak sa speaker na nasa sasakyan, at namamaos na mga boses ng mga lider lang ang ginamit nilang pangsinsin sa kanilang kasamahan. Limitado ang kanilang kagamitan kung kaya nagkaroon ng kaunting kalituhan. Parang intramurals sa hayskul, naghalu-halo na ang mga tao. Ano na ang mangyayari ngayong nandito na kami? “Magbabarikada tayo,” sagot ng may hawak ng mikropono.

Kuha ni <b>Marjo Malubay</b>

Kuha ni Marjo Malubay

Pira-pirasong pangarap

Walang anu-ano, ilang segundo lang ang itinagal mula nang dumating ang police mobile, nabuo agad ang barikada. Kaagad namang umalis ang mga pulis. Kasama sa mga bumuo ng barikada ang matandang si Lydia Acedera, 60. Nakipagsabayan sa mga kabataan ang senior citizen na si Aling Lydia sa pagbubuhat ng bakal na tubong ipanghaharang sa daan.

“Dalawang beses na kaming nademolis. ’Yung anak ko, nagkaroon ng trauma. ’Yung parang nabaliw siya. Kaya tumapang ako,” ani Aling Lydia, nang tanungin kung bakit ganoon na lang ang galit niya sa mga pulis. Ang una nilang bahay sa Letre, Malabon, dinemolis sa tulong ng mga pulis. Wala siya sa bahay nang gibain ito. Dinatnan na lang niyang tulala ang anak niyang babae sa kalsada katabi ang sira-sira nilang gamit at gibang bahay. Nademolis din ang nilipatan nila sa Sampaguita, Navotas kaya napadpad sila sa Pandi, Bulacan.

“Mahirap ’pag wala kang bahay. Mag-iisip ka ng pambayad mo ulit — tubig, ilaw. Ipinapagamot ko pa ’yung anak ko,” ani Aling Lydia. Sa isang ospital sa Mandaluyong pinagagamot ang anak dahil sinusumpong pa rin ito lalo na kung makarinig ng ingay. Masama ang loob niya sa mga taong di lang bahay ang sinira kundi pati buhay ng anak niya.

Ayaw makinig

Mapait ang buhay ng mga katulad ni Aling Lydia, sayang lang at hindi ito napakinggan ng mga kinatawan ng National Housing Authority na unang nagpunta sa lugar matapos itong maokupahan.

“Saglit lang kasi. Ayaw ninyo muna kasing makinig,” putol ng isang kinatawan ng NHA sa isang lider ng Kadamay. Nagkaroon ng tensiyon sa pagitan ng dalawang grupo matapos “sabihin ng isang kinatawan ng NHA na natatakot siya at baka mapatay pa sila sa lugar. Nagpaumanhin naman ito “sa mga nagamit na salita.”

Giit ng NHA, lahat ng tao’y may karapatan sa pabahay, pero kailangan “sumunod sa proseso.” Nagmistulang malamig na tubig ang NHA na ibinuhos sa maalab na damdamin ng maralitang sumama sa pagkilos.

Dumaan na kami sa mga proseso na iyan, nakipagdiyalogo na kami sa NHA. Unanguna, napakarami nang walang bahay dito. Dapat alam iyan ng gobyerno. Ano naman ang ginagawa ng NHA dito sa atin?” tugon ng isa pang lider ng Kadamay sa Pandi. Bahagyang naputol ang pagsasalita niya nang sumagot ang kinatawan ng NHA sa gitna ng kanyang pangungusap. Nagpatuloy ito matapos ang isang “pakinggan niyo po muna,” mula sa mga nakikinig.

“Di ba dapat binibigyan ng bahay ’yung mga walang bahay. Bakit naman nakatiwangwang ’yung mga bahay na dapat pakinabangan? Makatuwiran nga na pasukin ito ng mga mamamayan dahil pondo ng mga mamamayan ‘to,” madamdaming sinabi niya.

Hindi pa ba sapat na dahilan ang kahirapan para maging katanggap-tanggap sa batas ng ahensiya na tirhan ng mga maralita ang nakatiwangwang na mga pabahay?

Kuha ni <b>Marjo Malubay</b>

Kuha ni Marjo Malubay

Sumunod daw sa batas

“Hindi kami humahadlang. Gusto namin lahat magkaroon ng pabahay. Bakit hindi? Pero nga lang, may proseso tayo,” ayon sa kinatawan ng NHA. Bakit nga ba hindi? Dito pumapasok ang “proseso” na pananggalang ng NHA sa mga katwiran ng grupo.

Dalampu’t limang taon na ngayong Marso mula nang maisabatas ang Urban Development and Housing Act o RA 7279. Hindi ito ang tipo ng silver anniversary na ipinagdiriwang ng mga tao. Para sa mga maralitang direktang apektado ng batas na ito, nangangahulugan ito ng higit sa dalawang dekadang “pagpapahirap sa mga mamamayan.”

Sa ilalim ng UDHA, napopormal at ginagawang legal ang mga demolisyon, basta nasunod ang mga rekisito na hinihingi ng batas. Papeles lang at tamang pagsunod sa batas ang kapalit ng bahay at buhay ng mga maralita — pamilyar na kuwento para sa malaking porsiyento ng mga sumamang mag-okupa ng mga pabahay sa Pandi tulad ni Aling Lydia na dalawang beses na napalayas sa tintirhang bahay kung kaya napadpad sa Bulacan.

Tila suntok sa buwan din ang pagkakadisenyo sa UDHA. Nakapaloob dito ang Community Mortgage Program na napapahintulot sa organisasyon ng mga kapus-palad at walang tirahan na “bumili at maglinang ng lupa sa ilalim ng konseptong kolektibong pagmamay-ari.” Maganda ang konsepto ng kolektibong pagmamay-ari ng lupa para sa mga walang tirahan, ngunit malaking kontradikisyon ang paniningil ng kabayaran kapalit nito lalo pa’t kapus-palad ang siyang target ng programa.

Ayon sa Kadamay, isa ito sa resolusyon sa nakaraang diyalogo sa pagitan ng Kadamay at NHA kasama ang iba pang ahensiya gaya ng Housing and Urban Development Coordinating Council (HUDCC). Kailangan daw nilang lisanin ang inokupahang mga nakatiwangwang na yunit, hahayaan silang makapag-aplay para sa programang pabahay. Pero rekisito pa rin ang kakayahang magbayad ng amortisasyon. Ang resolusyong ito, kung tutuusi’y tila wala namang kaibahan sa kalagayan ngayon ng mga katulad ni Aling Lydia na nangungupahan lang.

Dalawang beses na sumunod si Aling Lydia sa batas na ito na tila makadalawang ulit rin siyang binigo.

Marami ring loopholes ang UDHA na maaaring magamit sa korupsiyon. May mga ulat ng pandaraya tulad ng “pagbibigay ng hanggang sa sampung yunit sa isang tao basta may kakayahang magbayad” at saka naman ito ipinarerenta sa ibang tao. Ang mga may kakayahan lang na magbayad ang makakakuha. Nagiging inutil ang batas sa pagtupad ng layuning “iangat ang kondisyon ng mga kapus-palad at walang tirahang (mga) mamamayan sa kalunsuran at resettlement sa pamamagitan ng pagbibigay sa kanila ng disente at abot-kayang pabahay, batayang serbisyo, at kabuhayan” na nakasulat sa Artikulo I Seksiyon 2 ng UDHA.

“Napakasama talaga ng loob ko hanggang ngayon…[Kahit] barilin nila ako, basta ako, lalaban. Hindi ako natatakot. Pero ang hindi nila alam, tumapang ako dahil sa kanila,” ani Aling Lydia, ang matandang umaasa na baka sa wakas, sa Pandi’y maaari na nilang mabuo ang pira-pirasong mga pangarap na ninakaw sa kanila.


 

Marjo Malubay

Marjo Malubay

Marjo Malubay is one of our younger Pinoy Weekly reporters. A former staffer of The Catalyst, Polytechnic University of the Philippines' campus paper, Marjo currently studies journalism at the same university.