FEATURED Manggagawa

Dapat, regular na empleyo


Tungkulin ng mga manggagawa at mamamayan na magkaisa para itulak ang rehimeng Duterte na wakasan na ang kontraktuwalisasyon

Kakaba-kaba ang mga manggagawang miyembro ng Samahan ng Janitors sa Politeknikong Unibersidad ng Pilipinas (SJ-PUP) sa tuwing matatapos na ang kontrata ng agency na humahawak sa kanila. Paano ba naman, kung hindi pumayag ang bagong agency na i-absorb sila, mawawalan na sila ng trabaho.

Ganoon kadali. Walang sisinuhing tao, kung ilang dekada man ang tinagal nito sa PUP, o ilang anak ang kailangang pag-aralin, o ilang mahal sa buhay ang may karamdaman na kailangang ipagamot. Ganito ang kapalaran nilang kontraktuwal na mga manggagawa sa ilalim ng mga.

“Hindi tayo tatagal dito kung hindi tayo organisado. Nililinaw natin na (ang pag-unyon ay) bahagi talaga ng karapatan ng mga manggagawa,” ani Rey Cagomoc, ang presidente ng SJ-PUP at 34 taon nang nagtatrabaho sa PUP bilang dyanitor. Pinaglalaban nila ang kanilang mga karapatan, sa kabila ng kanilang istatus bilang kontraktuwal na mga manggagawa.

Kinakatawan nila ang kalagayan ng milyun-milyong kontraktuwal na mga manggagawa ngayon — silang umaasa sana sa pangako ni Pangulong Duterte na wawakasan na ang praktikang ito na lantarang yumuyurak sa kanilang mga karapatan.

Tutol sa DO 174

cogamo PUP
Rey Cagomoc ng SJ-PUP

Tulad ni Cagomoc, marami sa mga dyanitor ng SJ-PUP ang tumagal na nang ilang dekada sa pamantasan sa kabila ng kanilang pagiging kontraktuwal na manggagawa sa mga agency.

Ang sikreto? Una, organisado silang nagwewelga kung kinakailangan. Nagagawa nilang aktibong depensahan ang kanilang mga karapatan dahil nagkakaisa sila. Pangalawa, nauunawaan nila ang kaugnayan ng kalagayan nila sa kalagayan ng kapwa mga obrero sa buong bansa. Kung kaya, nakikiisa sila sa pagpresyur sa mismong gobyerno na wakasan na ang kontraktuwalisasyon.

Kaya may masasabi sila sa mismong “win-win solution” diumano ng Department of Labor and Employment (DOLE) sa problema ng kontraktuwalisasyon: ang Department Order 174.

“Hindi ikinatuwa namin ito,” ani Cagomoc.

Kasi naman, naranasan ng mismong mga dyanitor ng SJ-PUP kung gaano kadali lagutin ng iskemang contracting at subcontracting sa pamamagitan ng mga labor agency ang buhay ng isang manggagawa. Sa iskemang ito, magkakaroon ng third party service provider tulad ng mga employment agency (sa kaso ng SJ-PUP) na siyang magsusuplay ng kakailanganing mga manggagawa ng prinsipal na employer tulad ng PUP.

Sabi ng DOLE, magiging regular naman ang mga manggagawa sa mga agency na kinabibilangan nila. Makakatanggap naman daw ang tulad ng mga dyanitor ng PUP ng karampatang benepisyong naaayon sa batas. Ang hindi malinaw ay kung ano ang mangyayari sa mga manggagawa kung sakaling magpasya ang prinsipal na employer na tapusin ang kanyang kontrata sa agency.

Paliwanag ng mga grupong maka-manggagawa tulad ng Kilusang Mayo Uno (KMU), ang sahod ng mga manggagawa ay nagmumula sa prinsipal na employer. Kung kaya ikinakatakot ng mga unyon at iba pang samahan ng mga manggagawa tulad ng SJ-PUP na wala silang kaseguruhan sa trabaho. Napakadali umanong wakasan ang kontrata sa pagitan ng prinsipal na employer at agency kung gugustuhin nito.

Isa pa, masisikil umano ang karapatan sa pag-uunyon ng mga manggagawa. Hindi pirmido ang magiging trabaho ng mga manggagawa kung mapasailalim sila ng mga agency na maaaring magpalipat-lipat.

“Sa apat na bagay: franchise, construction, janitorial services, pati mga guwardiya, sinasabi niya sa DO 174 na magiging regular kami sa agency. Sinasabi ni (Labor Sec. Silvestre) Bello na regular (kami). Pero regular kami saan?” tanong ni Cagomoc.

Panukalang batas

Samantala, ginagawa naman ng progresibong mga mambabatas ang magagawa nito para tulungan ang kampanya ng mga manggagawa para sa regular na empleyo.

Sa mismong araw ng inagurasyon ni Duterte bilang pangulo noong Hunyo 30, 2016, inihain ng Blokeng Makabayan sa Kamara ang House Bill 556 o Regular Employment Bill (REB). Layunin nitong wakasan ang kontraktuwalisasyon at itaguyod ang regularisasyon ng mga manggagawa.

Bagamat hindi makatao ito, nakahanap ng legal na batayan ang kontraktuwalisasyon sa pamamagitan ng Artikulo 106-109 ng Presidential Decree No. 442 o Labor Code. Laman ng mga artikulong ito pagkakaroon ng tinatawag na mga contractor o subcontractor na siyang pangunahing pananagutan sa mga manggagawa at magiging indirect employer na lang ang prinsipal na mga employer. Sekondarya lang ang pananagutan sa relasyong ito. Ibig sabihin, ang Labor Code pa mismo ang nambabarat sa karapatan ng mga manggagawa.

Bilang solusyon umano, aalisin ng REB ang Art. 107 ng Labor Code na naglelegalisa ng pagkakaroon ng indirect employer. Ituturing din na empleyado ng prinsipal na employer ang mga manggagawang nagmula sa mga labor agency. Sa ganitong paraan, mapipigilan ang hindi makataong pagkulong sa mga manggagawa sa status na kontraktuwal sa loob ng mahabang panahon. Kung maisabatas ang REB, ang mga manggagawa sa loob ng SJ-PUP ay maaari nang maging regular sa ilalim ng employer na PUP.

Tulad ng naging tugon ng DOLE sa paglalabas ng DO 174, hindi sapat ang pagkakaroon lang ng istriktong mga patakaran sa pagpapatupad nito. Kung tutuusin, may kakayahan naman ang sekretaryo ng DOLE na ipagbawal ang kontraktuwalisasyon bilang isang labor practice na malinaw na nakasaad sa Artikulo 106 ng Labor Code.

Nagmarkang maigi ang noo’y kandidato sa pagkapangulong si Duterte dahil sa mabibigat nitong pahayag na pabor sa mahihirap. Noong nakaraang taon din lang, isa siya sa mga pulitikong pinakamaingay bumanat sa kontraktuwalisasyon. Kung manalo man daw ito bilang presidente, hindi siya bukas makipagkompromiso pagdating sa usaping ito. Pupuksain niya ang kontraktuwalisasyon dahil ito’y kontra-mamamayan.

Isang taon mahigit mula nang manalo si Duterte, tila buhay na buhay pa rin ang gawaing ito sa empleyo. Sa opisyal na datos ng gobyerno, 44 porsiyento ng mga manggagawang may trabaho sa iba’t ibang industriya ang hindi regular at patuloy pang tumataas ang bilang na ito.

Kung totoo ang administrasyon sa sinasabi nitong malasakit para sa mga manggagawa, wawakasan nito ng tuluyan ang kontraktuwalisasyon ng walang paliguy-ligoy. Sa ganitong biglang kambiyo ng pangulo sa usapin ng kontraktuwalisasyon, hindi sambayanan ang nakikinabang kundi malalaking negosyong gustong makatipid sa pagbabayad ng mga benepisyo ng kanilang mga manggagawa.

Isa sa maraming rali ng KMU sa harap ng DOLE para iprotesta ang pananatili ng kontraktuwalisasyon ngayon. <b>Kontribusyon/KMU</b>
Isa sa maraming rali ng KMU sa harap ng DOLE para iprotesta ang pananatili ng kontraktuwalisasyon ngayon. Kontribusyon/KMU

Kilos na, manggagawa

Sa kabila nito, hindi napaghihinaan ng loob ang mga manggagawa ng SJ-PUP. Nakikita nila itong isang oportunidad para ipagpatuloy pa ang pag-oorganisa ng kanilang kasamahan.

Naging inspirasyon para sa ibang mga unyon ang pagkakapanalo ng SJ-PUP sa huli nilang welga noong 2012 na umabot nang pitong buwan. Kasabay ng laban nila sa legal na arena, nagwelga ang grupo sa loob mismo ng PUP sa tulong ng mga makabayang estudyante, guro, at iba pang kawani.

“Yung mga anak ng mga kasamahan namin, hindi na makapag-aral. Inalisan na ng mga tirahan dahil hindi na makabayad sa upa, tubig, kuryente dahil wala nang trabaho,” ani Cagomoc. Matapos ang pitong buwan, napilitang umalis ang agency at na-absorb sila ng naging kapalit nito.

Ayon sa grupo, ito na raw ang tamang panahon para kumilos na ang manggagawa at imulat ang mga mamamayan sa tunay na ugat ng kahirapan. Ang karanasan ng kanilang organisasyon ay naglantad sa madayang sistema ng labor agency, ngunit napagtagumpayan nila ito.

“Kailangan nating imulat ang sambayanan sa kontraktuwalisasyon. Ang sistema ng kahirapan, pag-graduate ng anak mo, ano ang pupuntahan? Endo (end of contract) o 5-5-5 (lima-limang buwan ng kontrata). Sinasabi ng iba na mababang uri ng trabaho ang pagdidyanitor. Pero itong mga kasama sa SJ-PUP, tumutulong na nagmumulat ng mga mamamayan at naglilingkod,” pagtatapos ni Cagomoc.