FEATURED Pambansang Isyu

 ‘Di pa napapantayang’ peace talks


 Limang dahilan kung bakit wala pang kaparis sa inabot na pagkakaisa ang kasalukuyang usapang pangkapayapaan.

Natapos na ang “mahirap pero matagumpay” na ikaapat na round ng negosasyong pangkapayapaan sa pagitan ng gobyerno ng Pilipinas at National Democratic Front of the Philippines (NDFP) sa Noordwijk, the Netherlands.

Isa sa mga tagumpay ang pagkakaisa sa isang interim joint ceasefire, na ipapatupad sa oras na malagdaan ang Comprehensive Agreement on Socio-Economic Reforms (Caser). Sa Mayo ang susunod na round — isang buwang mapapaaga.

Patunay sa komitment ng dalawang panig ang inabot at nasustineng momentum sa usapan sa kabila ng mga balakid. Mula nang muling buhayin ng gobyernong Duterte ang negosasyon noong nakaraang taon, naharap na ito sa maraming balakid na, ayon sa NDFP, gawa ng mga “mananabotahe” sa loob ng administrasyong Duterte.

Sa kabila nito, wala pang kaparis ang inabante ng usapan, at hindi inasahan ng mismong dalawang panig ang bilis ng inuusad nito. Naging posible ito dahil muling pinagtibay ng dalawang pnig ang komitment sa pagrespeto sa framework ng usapan (The Hague Joint Declaration) at iba pang naunang kasunduan.

May iba pang dahilan kung bakit masasabing di pa napapantayan ang kasalukuyang usapan. Ito ang lima sa mga dahilan:

  1. Pagkakaisa, sa prinsipyo, sa libreng pamamahagi ng lupa

Isa sa pangunahing mga pinag-usapan sa madla ang isyu ng ceasefire sa ikatlo at ikaapat na round. Pero tila natabunan ang importanteng mga pag-usad sa negosasyon sa repormang sosyo-ekonomiko. Pinakamahalaga sa negosasyong ito na nagkaisa ang magkabilang panig sa prinsipyo ng libreng pamamahagi ng lupa. Para sa NDFP, nasa puso ng epektibong programa para sa repormang agraryo ang libreng pamamahagi ng lupa sa mga magsasaka at manggagawang bukid. Naniniwala ang NDFP na tutugunan ng tunay na reporma sa lupa ang isyu ng monopolyo sa lupa at mabubuwag ang malalaking konsentrasyon ng mga lupa mula sa kamay ng iilang panginoong maylupa.

Sabi nga ng konsultant pangkapayapaan ng NDFP na si Wilma Tiamzon: “Hindi pa nakakamit ang kasunduan para sa libreng pamamahagi ng lupa sa nakaraang mga administrasyon. Malinaw na ang isyung ito ay para pundamental na mga pagbabago sa sitwasyon ng mga magsasaka na matagal nang nagdurusa sa mabagal na pag-usad ng pekeng repormang programa sa matagal na panahon.”

Ang mahalagang tung-kulin ngayon, ayon kay Tiamzon, ay organisahin ng mga magsasaka ang sarili at palakasin ang sariling kilusan para masusugan ang inisyal na mga tagumpay na ito.

Prop. Jose Maria Sison (kaliwa) ng NDFP at Elisabeth Slattum ng gobyerno ng Norway. <b>Jon Bustamante</b>
Prop. Jose Maria Sison (kaliwa) ng NDFP at Elisabeth Slattum ng gobyerno ng Norway. Jon Bustamante
  1. Pagpapabilis ng pagbuo ng borador at pagkamit ng maraming pagkakaisa sa Caser

Mahirap umanong trabaho ng dalawang panig sa ikaapat na round ang pagkakaisa ng dalawang borador hinggil sa Caser. Pero ayon kay Randall Echanis ng NDFP Reciprocal Working Committee on Caser, marami na ang pinagkakaisahan ng mga borador ng gobyerno ng Pilipinas (GRP) at NDFP. “Hindi malalaki ang pagkakaiba, in general,” sabi ni Echanis. “Puwede sabihing nagkaroon ng commonalities.”

Layunin ng mga talakayan sa Caser — na itinuturing ng dalawang panig bilang “puso” ng negosasyon — na makahanap ng mga solusyon sa pagkaatrasado, pagiging mahirap at kawalan ng pag-unlad ng bansa. Sa pagresolba nito, natutugunan ang ugat ng armadong tunggalian.

Kinikilala ng adyenda sa Caser na bigo ang kasalukuyang modelong neoliberal sa ekonomiya na iangat ang kabuhayan ng mga Pilipino, at nagmumungkahi ng mga paraan para sa kaunlaran na katulad ng ginawa ng mayayamang bansa — tulad ng repormang agraryo, pagtatag ng lokal na mga industriya, pagprotekta sa mga magsasaka at manggagawa, at pagsasabansa ng estratehikong mga industriya.

Pero kahit may mga konsensus na, sinabi ni Echanis na may mga probisyon na kailangan pa ng mas masinsing talakayan at resolusyon sa negosasyon. Magiging pangunahing adyenda pa rin ang Caser sa susunod na mga round at bilateral meetings. Inaasahang magiging mahirap pa rin ang mga talakayan sa iba pang mahalagang bahagi ng reporma sa lupa at indus-triyalisasyon. Umaasa ang GRP at NDFP na malagdaan ang Caser sa taong ito.

  1. Pagkakasundo na buhayin ang Joint Monitoring Committee sa pagmonitor ng mga paglabag sa karapatang pantao ng dalawang panig

Sa ikatlong round ng usapan noong Enero, nagkasundo ang dalawang panel na ilunsad ang buong operasyon ng Joint Monitoring Committee (JMC). Ano ang JMC? Ito ang mekanismo na inilunsad noong 2004 para siguruhing tinutupad ng GRP at NDFP ang tungkuling nitong respetuhin ang karapatang pantao at sundin ang mga batas ng digma sa kondukta ng armadong tunggalian. Nakasaad ang mga obligasyong ito sa Comprehensive Agreement on Respect for Human Rights and International Humanitarian Law (Carhrihl) na nilagdaan ng dalawang panig noong 1998.

Samantalang libu-libo ang natanggap ng JMC, sa pamamagitan ng Joint Secretariat nito, na reklamo ng mga paglabag kapwa ng GRP at NDFP, hindi ito naglunsad ng pinag-isang mga imbestigasyon sa mga reklamo. Sa pagkakataong ito, maaari nang maimbestigahan ng dalawang panig ang mga reklamo at magbigay ng mga rekomendasyon sa pagtupad sa Carhrihl.

Ang positibo pa sa operational na JMC, ayon sa NDFP, ay makakapag-usap ang dalawang panig sa mahalagang mga adyenda nang hindi nababagahe ng mga akusasyon ng paglabag ng karapatang pantao. Nakakatulong ito sa pagpapabilis ng mga negosasyon, sabi pa ng NDFP.

  1. Pagkakasundo na muling ibalik ang Jasig holders list

Nang magkaroon ng backchannel talks noong Marso, nagkasundo ang GRP at NDFP na ideposito at itago ang muling-binuong listahan at larawan ng mga negosyador pangkapayapaan na prokektado ng Joint Agreement on Safety and Immunity Guarantees (Jasig).

Nilagdaan noong 1995, ginagarantiya ng Jasig ang kaligtasan at immunity mula sa pagkakaaresto ng mga konsultant, istap, seguridad at iba pang tauhan na sangkot sa negosasyon. Hindi maaaring tiktikan, harasin, arestuhin, kulungin o usigin ang mga nasa Jasig list.

Hindi na mabuksan ang orihinal na listahan dahil nawawala ang pass keys nang ma-corrupt ang digital files nito. Nangyari ito matapos ireyd ng pulisyang Dutch ang opisina ng NDFP sa Utrecht noong 2007 at kinumpiska ang kanilang files at kompiyuter.

Tumanggi ang nakaraang rehimeng Aquino na muling buuin ang Jasig list. Sa ilalim ni Duterte — matapos ang maikling patlang sa negosasyon noong Pebrero — muling kinilala ng GRP ang Jasig at iniskedyul ang pagdeposito at pagtago ng muling pagbuo ng lista ng mayhawak ng NDFP Documents of Identification. Nabuo ang joint resolution ng dalawang panig noong back channel talks noong Marso.

Ilan sa mga miyembro ng negotiating panel ng NDFP. <b>Jon Bustamante</b>
Ilan sa mga miyembro ng negotiating panel ng NDFP. Jon Bustamante
  1. Pag-abante sa borador sa mga repormang pulitikal at konstitusyonal

Kaalinsunod sa borador ng usapan, magsisimula nang pag-usapan ng dalawang panig ang hinggil sa mga repormang pulitikal at konstitusyonal (PCR) matapos mapirmahan ang Caser. Sa ikatlong round ng usapan noong Enero, nagpalitan na ng borador ang GRP at NDFP at nagkaroon na ng inisyal na mga usapan hinggil sa pansamantalang kasunduan. Pagdating ng ikaapat na round, sinimulan na ng mga komite ng dalawang panig ang pagkakaisa ng dalawang borador.

Ayon sa NDFP, pangunahing interes ng kasunduan sa PCR ang pagtaguyod ng pambansang soberanya. Samantala, naging bukas ito sa pagsuporta ng pagpihit sa sistemang pederal ng paggogobyerno na itinutulak ni Duterte. Nagkasundo rin ang NDFP na magkaroon ng kasunduan sa Konstitusyon basta’t kasama sa mga aamyendahan ang pagprotekta sa bansa laban sa dayuhang monopolyo kapitalista, warlordism, dinastiya at korupsiyon.

Kahit noong unang round ng usapan, nagkasundo na ang dalawang panig na pabilisin ang negosasyon. Ibig sabihin, habang pinag-uusapan ang Caser, puwede na ring pag-usapan ang susunod na mga substantive agenda (PCR at End of Hostilities and Redisposition of Armed Forces). Sa paraang ito, mas maagang mapipirmahan ang susing mga kasunduan para may sapat na panahong mapatupad ito bago ang pagkakaroon ng Final Peace Agreement.

Sa kabila ng maraming balakid na nakaharap ng dalawang panig, nakamit ang milestones na ito. Nagbabala ang mga tagapagtaguyod ng kapayapaan hinggil sa mga “mananabotahe” at militaristang mga elemento sa gobyerno na maaaring makahadlang sa mga tagumpay ng usapan. Pero may komitment ang dalawang panig na mareresolba ang mga paghihirap na ito at maiaabante ang negosasyon.

Mainam na isinalarawan ng Third Party Facilitator ng gobyernong Norwegian na si Elisabeth Slattum ang positibong tindig ng dalawang panig sa kabila ng mga balakid: “Nagsumikap ang dalawang panig sa kabila ng mahirap na krisis, at nagpakita sila ng tiyaga, katapangan at komitment na makamit ang kapayapaan na pakikinabangan ng mga mamamayang Pilipino.”