Rebyu

Kabilang sa mga naghahanap

April 5, 2017

Sa isang lipunang kayraming nawawala tulad ng tao, pera, pag-asa at hustisya, ang tanging hindi nawawala ay ang paghahanap.

Rebyu ng librong Kung Alam N’yo Lang: Mga Kuwentong Pambata Para sa Mga Hindi na Bata, ni Ricky Lee (2016)

Kung Alam Nyo LangANO ANG DULO NG PAGHAHANAP?

Kung may temang nagdurugtong sa maraming maikling kuwento, nobela at script na inianak ni Ricky Lee sa paglipas ng panahon, ito ay ang “paghahanap.” Sa isang lipunang kayraming nawawala tulad ng tao, pera, pag-asa at hustisya, ang tanging hindi nawawala ay ang paghahanap.

Ganito ang mahihiwatigan sa isa sa mga naunang maikling kuwento ni Lee, ang “Kabilang sa mga Nawawala“. Tungkol ito sa paghahanap sa mga desaparecido – mga biktima ng sapilitang pagkawala o pagdukot ng mga militar. Paghahanap naman sa pag-ibig sa gitna ng krisis panlipunan ang mababasa sa kanyang nobelang Para Kay B. Samantala, paghahanap naman sa sariling sekswalidad sa gitna ng lumalalang krisis pampolitika at rebisyon ng kasaysayan ang matatagpuan sa nobelang Si Amapola sa 65 na Kabanata.

Sa scriptwriting manual na Trip to Quiapo, sinabi naman ni Lee na ang nawawala sa landas o naliligaw ay mas maraming natututunan. Ang manunulat na naliligaw ay maraming nahahanap kahit hindi sinasadya, kung kaya’t mas maraming nararanasan at mas maraming naisusulat.

Sa ganitong punto maidurugtong ang Kung Alam N’yo Lang: Mga Kuwentong Pambata Para sa mga Hindi na Bata ni Lee. Binubuo ito ng apat na maikling kuwentong pinagbibidahan ng apat na bata. Apat na batang tauhang may kani-kaniyang hinahanap – ang Diyos, ang katinunan, ang nawala o binurang kasaysayan ng bayan, at ang kahulugan ng buhay at kamatayan.

ALIN ANG PAMBATA AT HINDI PAMBATA?

Gumamit si Lee ng mga nakasanayang kostumbre ng pagkukuwentong pambata – pabula, large letters o higanteng mga titik, picture book, adventure, kuwentong bayan tulad ng aswang, mito at alamat, at mga guhit. Sa katunayan, kaakibat ng bawat kuwentong pambata ang mga guhit nina Kenikenken, Diigii Daguna, Jether Amar at Ivan Reverente.

Ngunit ang mga kuwentong pambata ni Lee ay hindi naman talaga pambata kung gagamitin ang nakasanayang mga tema ng panitikang pambata. Madalas, layunin ng panitikang pambata ang magturo, maging didaktiko, at magdulot ng saya.

Ngunit sa kasaysayang ng panitikang pambata, marami ring progresibong tema na tinatalakay sa mga alternatibong kuwentong pambata – karanasan ng mga Lumad at Moro, batang may dalawang inang lesbiyana, at batang rebolusyonaryo.

Hindi nalalayo sa ganitong timpla ang reartikulasyon ng mga “kuwentong pambata para sa mga hindi na bata” ni Lee. Kung tutuusin, ano nga ba ang pambata at hindi pambata? Sa ganito tumutungo ang landasing pampilosopiya at panlipunan ng mga bagong kuwento ni Lee. Tinatanong ni Lee ang mga mambabasa kung ang mga kuwentong isinalaysay ba niya ay hindi pambata, gayong karanasan ito ng mga bata?

SAAN BA SILA NAGPUNTA?

Sa unang kuwento, “Ang Nawawalang Diyos,” na nasa porma ng pabula, ikinuwento ng titser ni Carlo na noong unang panahon ay nagpapakita raw ang Diyos sa mga piling tao lamang, sa hulas ng haligi ng apoy o malakas na tinig. Sa murang isip ni Carlo, sinubukan niyang hanapin ang Diyos kasama ang mga nagsasalitang alagang aso at pusa niya. Nilakbay nila kung saan laging tinatawag, sinusumpa o ginagamit ang pangalan ng Diyos. Nagtanong rin sila sa iba’t ibang paham, pantas at lider ng iba’t ibang relihiyon. Sa serye ng paghahanap ni Carlo, ipinapakita sa mambabasa ang iba’t ibang pilosopiya hinggil sa pag-iral at pagkawala ng Diyos.

Sa ikalawang kuwento naman, “Ang Sayaw ng mga Letra,” hinahanap ni Trevor ang kalinga ng kaniyang yumaong kuya. Sinabi ng kuya ni Trevor na ang mga salita ay salita lamang. Tila pilosopikal ang kuwento hinggil sa paggamit ng wika – sino ang nagtatakda ng salitang maaari o hindi maaaring gamitin, alin ang pambata at pangmatanda. Binabaklas ng magkapatid na tauhan ang mga hangganan at silbi ng mga salita. Sa pag-usad ng sikolohikal na kuwentong ito, lahat ng bagay ay naging malalaking titik na nagpapatakbo na sa buhay ni Trevor.

PAANONG NANGYARI IYON?

Sa ikatlong kuwento, “Si Inggo at ang Santo Kuwatro,” biktima ng bullying ang batang si Inggo. Ang bully: ang kaklase niyang si Victor na kalaunan ay nawala. Sa bayan ng Santo Kuwatro sa Bikol, maraming kuwentong bayan tungkol sa mga kapre at aswang na sa gubat ay naninirahan. Sa paghahanap sa batang si Victor, matatagpuan ni Inggo ang maraming kuwento ng kababalaghan na tao ang lumikha upang pagtakpan ang madugong kasaysayan ng Santo Kuwatro. Ang kuwentong ito ang pinaka-alegorikal sa lahat ng kuwentong pambata sa koleksyon ni Lee – mula sa pananakop ng mga Hapon hanggang sa pandarahas sa mga anak ng rebolusyon.

Gustong mamatay ni Kamatayan. Sa huling kuwento, “Nang Mapagod si Kamatayan,” nakausap ng batang si Monty si Kamatayan. Galit ang lahat ng tao kay Kamatayan dahil pumapatay ito. Ipinaliwanag ni Kamatayan na hindi siya pumapatay kundi tagasundo lamang. Sa isang napakapilosopikal na kuwento, hinahanap ng batang si Monty kung ano ang dahilan ng pag-iral ni Kamatayan. Masasagot ito nang mapagod si Kamatayan at naging imortal ang lahat ng tao. Pinaglilimi nito ang mambabasa hinggil sa halaga ng buhay, silbi ng tao, at kung bakit kailangang baguhin ang lipunan.

BAKIT PATULOY SA PAGHAHANAP?

Maraming kasabihan tungkol sa paghahanap. Halimbawa, “Hindi bibig ang pinanghahanap kundi mata.” Sa kilalang alamat ng pinya, huli na nang ma-realize ito ni Pina kaya naging prutas siya na pagkarami-raming mata. Sa pag-ibig, laging sinasabi ng matatanda, “Hindi hinahanap ang pag-ibig. Kusa itong darating.” Kaya uso ang hugot lines sa panahon ngayon. Sa pilosopiya, mayroong “Ang nawawala ay hindi mahahanap kung ayaw magpahanap.” O baka mas malaya siya kung nasaan man siya? O baka may bumabalakid sa paghahanap sa nawawala?

Ang patuloy na paghahanap ay isang diskursong progresibo. Tulad ng masisipat sa koleksiyon ni Lee, hindi man mahanap ang orihinal na hinahanap ay maraming matatagpuang sagot sa mga tao at tagpuang hindi inaasahan. Dahil sa huli, ang paghahanap ay isang makatarungang hakbang na hindi matatawaran, lalo na kung naglalayon itong matagpuan ang solusyon sa mga problema ng bayan.


 

Mykel Andrada

Mykel Andrada

Mananaliksik at korespondent ng Pinoy Weekly at PinoyMedia Center, Inc. si Mykel Andrada. Kasalukuyan rin siyang nagtuturo ng pamamahayag, midya, panitikan, kulturang popular at Philippine Studies sa University of the Philippines Diliman. Dati siyang Kultura Editor ng Philippine Collegian at Editor in Chief ng Kalasag, UP Diliman. Awtor siya ng dalawang koleksyon ng maiikling kuwento -- ang Apartment sa Dapitan at ang Sa Dulo ng mga Dalita.