FEATURED Magsasaka

Bungkalin ang lupa, buwagin ang asyenda


Ang pagpapatuloy ng paggigiit ng karapatan ng mga magsasaka sa Hacienda Luisita.

[cycloneslider id=”bungkalan-land-occupation-at-luisita”]

Ilang dekada na ring nagmistulang langaw ang pamilya Cojuangco-Aquino sa ibabaw ng mga magsasakang kayod-kalabaw na nagbubungkal ng lupa sa Hacienda Luisita. Hindi pa nakuntento ang pamilya sa ilang dekadang pagpapasasa sa katas ng tubo kapalit ng kuwarta, madaya rin nilang minaniobra ang batas para pumabor sa kanila.

Ito ang pananaw ng mga magsasaka sa asyenda.

Sa pagitan ng pagtatanim at anihan, nakahanap ng panahon para makipagtuos ang mga magsasaka sa pamilyang asyendero. Sa legal na proseso man o sa pamamagitan ng militanteng paggiit ng karapatan, malaking bahagi ng kanilang nakamit na mga tagumpay’y bunga ng pagsasakripisyo ng kanilang mga kasamahan, sukdulang mamatay pa ang ilan sa kanila.

Nitong ikalimang anibersaryo ng desisyon ng Korte Suprema na ipamahagi sa mga magsasaka ang asyenda, may bagong yugto ang pakikipaglaban ng mga magsasaka ng Luisita para sa lupa: ang pag-okupa sa ilan pa sa mga lupaing kinamkam sa kanila ng pamilyang Cojuangco-Aquino.

Pero simula pa lang ito ng laban.

Martir

Mas magaan sana sa kalooban kung binti lang ang nawala kay Erwin Laza. Pero mas masakit na kawalan ang pagkamatay ng kanyang nakatatandang kapatid na si Jesus Laza na isa sa mga namatay noong pagbabarilin silang nagwewelga sa Hacienda Luisita noong 2004.

“Binangga nila ang binti ko ng dump truck. Makailang beses din ‘yon.” ani Erwin. Napilitang putulin ang paa niya dahil sa sagasang natamo niya sa isang militanteng aksiyon na paggiit ng karapatan nila sa lupa.

“Iyang Noynoy Aquino na iyan, ‘pag nakita ko iyan pagbubugbugin ko yan kahit putol na ang binti ko,” nanginig ang boses na sabi ni Erwin. Tila sinlamig ng kanyang artipisyal na bakal na binti ang nararamdaman sa pamilyang Cojuangco- Aquino.

Ipinagpapatuloy umano niya ang pakikipaglaban ng kapatid at namayapa na ring tatay. Katunayan, sumama si Erwin sa sama-samang pagbuwag ng pader na nagkukulong sa 384-ektaryang lupain na kuwestiyonableng naisangla ng pamilyang Cojuangco- Aquino sa RCBC at Luisita Land Corp. sa ika-limang anibersaryo ng desisyon ng Korte Suprema na tuluyan nang ipamahagi ang lupa sa mga magsasaka.

Patuloy si Erwin na lalaban para sa hustisya sa mga nagbuwis ng buhay at para matagumpay na pagbuwag sa mga asyenda.

Kaputol ng pakikibaka

Tulad ni Erwin, ipinagpapatuloy rin ni Emy Ladera ang pakikibaka ng kapatid na si Abel Ladera. Ang pagpatay kay Abel noong Marso 3, 2005 ang kauna-unahang kaso ng pagpatay na naiulat matapos ang masaker sa Luisita noong 2004.

Binaril si Abel ng hindi pa nakikilalang mga suspek sa may parteng puso. Pero hinala nina Emy, may kaugnayan ang pagpatay sa kuya niya sa paglaban niya para sa lupa.

Si Emy ang tagapagsalita ngayon ng Mothers and Relatives against Tyranny and Repression o Martyr, organisasyon ng mga kaanak ng mga namatay sa madugong masaker noong 2004 sa asyenda at iba pang mga kaugnay na pagpaslang.

“Obligasyon namin na ipagpatuloy yung nasimulan ng mga martir dahil alam namin na ang ipinaglaban nila ay ang lupa at hustisya,” ani Emy.

Kalso sa tagumpay

Ayon kay Emy, ang pagsama sa mga bungkalan sa loob ng asyenda ay bahagi ng paghahanap ng hustisya para sa mga namayapa nilang mahal-sa-buhay. Iba-iba ang kuwento ng mga martir na pinaslang ng mga hindi natutuwa sa pagtutol sa mga asyendero. Pero iisa lang ang hinihingi ng mga pamilyang naiwan nila: lupa at hustisya.

Kung nanahimik lang ang magsasaka at nakuntento sa hindi makataong pagtrato sa kanila ng mga asyendero, malamang ay hindi nailabas noong Abril 24, 2012 ang desisyon ng Korte Suprema para ipamahagi ang mga lupain ng Hacienda Luisita. Sa anibersaryo nito, kasama ng mga pamilyang naiwan ng mga martir ay nagmartsa ang iba’t ibang progresibong grupo patungo sa mga binakurang sakahan sa ani at saka nila ito tulung-tulong na binuwag sa pamamagitan ng maso.

Limang taon na ang nakakaraan, nagtagumpay ang mga magsasaka nang katigan sila ng Korte Suprema. Pero bakit hanggang ngayon ay hindi pa rin sa nila nakamit ang lupa?

Hinala ng mga pamilya ng mga martir, may kinalaman sa “pagmamaniobra” ang noo’y kalihim ng Department of Agrarian Reform na si Virgilio delos Reyes at kilalang “tauhan” ng pamilya Cojuangco-Aquino.

Ayon kay Danilo “Ka Daning” Ramos ng Unyon ng Mangagawa sa Agrikultura, ang “tambiolo system” na ginamit na paraan ng administrasyong Aquino sa pamamahagi sa lupain ng asyenda ang isa sa mga kalso na pumigil sa tuluyang pagkakaroon ng lupa ng mga magsasaka. Akala mo, mga numero sa lotto ang pangalan ng mga benepisyaryo na pinapalabunutan nina delos Reyes noon. Tinawag na “idiyotiko at hindi siyentipiko” ng maka-magsasakang mga grupo ang solusyong ito.

Ipamahagi na

Sa ilalim ng administrasyong Duterte, malaking bagay ang pagkakatalaga kay Rafael “Ka Paeng” Mariano bilang kalihim ng DAR. Si Mariano’y isang aktibista at lider-magsasaka at dating kinatawan kinatawan ng Anakpawis Party-list sa Kamara.

Bagamat nagpapatupad ang DAR ng mga utos na pabor sa mga magsasaka sa pangunguna ni Mariano kabilang na ang pagbasura sa conversion order sa 384-ektaryang sakop ng RCBC at LLC, aminado ito na maraming butas ang kasalukuyang sinusunod na Comprehensive Agrarian Reform Program (CARP). Bilang alternatibo, suportado ni Mariano ang HB 555 o Genuine Agrarian Reform Bill (GARB). Sa GARB, libreng ipapamahagi ang lupa kumpara sa CARP na kailangang bayaran ng benepisyaryo ang lupa nito sa mga panginoong maylupa sa loob ng 30 taon.

Kung ang mga pamilya naman ng mga martir sa Hacienda Luisita ang tatanungin, naniniwala silang malaki ang matutulong ng Comprehensive Agreement on Socio- Economic Reforms o Caser sa kanilang ipinaglalaban. Isa sa pangunahing mga adyenda ng usapang pangkapayaan sa pagitan ng gobyerno ng Pilipinas at National Democratic Front of the Philippines (NDFP) ang Caser.

“Bilang taga-hacienda at pamilya ng martir, ang hinihiling naming tugunan na ng gobyerno [ang mga] usapin sa peace talks. Sa Caser, isa sa pangunahing pinag-uusapan ang libreng pamamahagi sa lupa at yung pagbuwag ng mga asyenda sa Pilipinas,” ani Emy.

Ilang taon na ring nagmistulang langaw ang mga asyendero sa ibabaw ng mga magsasakang kayod-kalabaw. Panahon na para buwagin ang mga asyenda at ipatupad ang tunay na repormang agraryo.


May ulat ni Abie Alino