11139429_932670220117864_5975592592791658480_n

Magsasaka

Libreng pamamahagi ng lupa

April 11, 2017

Pagkakataon ang peace talks para mapalakas ang kilusang masa na gumigiit ng tunay na reporma sa lupa.

S

inong magsasaka ang tututol sa libreng pamamahagi ng lupa?

Sa pagtatapos ng ikaapat na round ng usapang pangkapayapaan sa pagitan ng gobyernong Duterte at National Democratic Front of the Philippines (NDFP), tampok sa adyenda ang mga panukala para sa mga repormang sosyoekonomiko, o ang mga burador para sa Comprehensive Agreement on Social and Economic Reforms (Caser). Nitong Enero, sa ikatlong round ng usapan, isa sa mga napagkaisahan ng dalawang panig ang gawing bahagi ng Caser ang libreng pamamahagi ng lupa sa pagpapatupad ng tunay na repormang agraryo.

Mahalaga ang pagkakasundong ito. Nasa antas-prinsipyo pa lang ang pagkakasundo, at wala pang pinag-uusapan hinggil sa detalye ng libreng pamamahagi ng lupa o kung papaano ito ipapatupad kung sakali. Gayunman, pagkakataon ito para muling itambol ang matagal nang panawagan ng mga magsasakang Pilipino para sa tunay na reporma sa lupa.

Ano nga ba ang kalagayan ng mga magsasaka at ng sektor ng agrikultura sa bansa? Makikita sa datos ng gobyerno at iba pang sumusuri sa kalagayan ng agrikultura sa bansa: nananatili ang monopolyong kontrol ng iilang pamilya at korporasyong agroindustriyal sa pinakamalalaking lupaing agrikultural sa bansa. Ayon sa Agriculture and Fisheries Philippine Yearbook ng Philippine Statistics Authority (PSA) noong 2013, umaabot sa 32 porsiyento ng kabuuang 30 milyong land area ng Pilipinas, o 13.34 milyong ektarya, ang lupaing agrikultural. Pero isang porsiyento (1%) lang ng kabuuang populasyon ang nagmamay-ari sa mga lupaing may mahigit 50 ektarya pataas — o 20 porsiyento ng kabuuang lupaing agrikultural.

Mga magsasaka sa Hacienda Luisita. <b>PW File Photo</b>

Mga magsasaka sa Hacienda Luisita. PW File Photo

Nananatili ang malalaking mga asyenda sa bansa. Itinatag pa ang sistemang asyenda noong ika-18 siglo, panahon ng kolonyalismong Espanyol, at hanggang ngayo’y hindi pa nabubuwag ang mga ito at napapamahagi sa mga magsasakang nagpapayaman sa naturang lupain. Pinakamainam na halimbawa na nito ang Hacienda Luisita, na pag-aari ng mga Cojuangco-Aquino. Binigyan ng royal grant ang Tabacalera Company sa asyenda noong 1880 pa, hanggang napasakamay ng mga Cojuangco.

Sa iba’t ibang bahagi ng bansa pero partikular sa Mindanao, laganap din ang monopolyo ng malalaking multinasyunal na mga korporasyong agribusiness sa mga lupaing ginawang plantasyon. Nariyan ang mga plantasyon ng niyog, tabako, abaka, goma, palm oil, tubo, mangga, pinya, saging at iba pa, na pawang pangeksport. Kabilang sa mga kompanyang multinasyunal ang Dole Corp., Del Monte-Philippine Packing Corp., Tagum Development Corp., United Brands, Sumitomo, at marami pang iba.

Hindi sikreto sa madla ang pangalan ng mga pamilyang may malalaking pag-aari ng lupaing agrikultural. Bukod sa Luisita na pag-aari ng mga Cojuangco-Aquino, nariyan ang 30,000 ektaryang lupain sa Negros, Isabela, Cagayan, Palawan, Davao del Sur, at Cotabato na pag-aari ni Eduardo “Danding” Cojuangco Jr. (tiyuhin ni dating Pang. Benigno Aquino III). May 13,000 ektarya naman sa Ilagan, Isabela ang pinaghahatian nina Cojuangco, Faustino Dy, at Juan Ponce Enrile. Nariyan din ang 12,000 ektaryang pag-aari ng mga Ayala-Zobel sa Calatagan, Batangas, at 11,000 ektaryang pag-aari ng mga Floirendo sa Davao.

Ayon sa progresibong mga tagasuri, dahil sa konsentrasyong ito ng pinakamalalaking bloke ng lupaing pang-agrikultura nananatili ang pagsasamantalang piyudal at malapiyudal sa mga magsasaka. Kahit mga magsasaka at manggagawang bukid ang pangunahing nagtatrabaho sa mga bukid at plantasyon, hindi sila ang nakakatamasa ng yamang nalilikha nila.

Makikita ang pagsasamantala sa pagpapataw ng mga panginoong maylupa ng napakataas na mga buwis o upa sa lupa na binabalikat ng mga magsasaka. Nagpapataw rin ang mga panginoong maylupa ng di-pantay na hatian sa ani.

Plantasyon ng palm oil ng A. Brown sa Brgy. Tingalan, Opol (Ilang-Ilang Quijano)

Plantasyon ng palm oil sa Mindanao. PW File Photo

Sa mga pag-aaral ng Kilusang Magbubukid sa Pilipinas (KMP) sa Timog Katagalugan, umaabot ang hatian ng ani sa 70-30 o 60-40 — pabor siyempre sa panginoong maylupa. Samantala, pinapasan pa ng mga magsasaka ang mga gastos sa produksiyon. Sa mga niyugan sa naturang rehiyon, karaniwan pa umanong praktika ang pagkaltas ng 15 porsiyento o 15 kilo sa bawat 100 kilong kopra. Karaniwang praktika pa ang pagbagsak ng presyo ng kopra na binibili sa mga magsasaka (umaabot sa pagitan ng P11 hanggang P18 kada kilo).

Sinabi pa ng KMP, batay sa pag-aaral din ng Philippine Farmers’ Advisory Board, na sa bawat isang ektarya ng bukirin ng palay, umaabot ang gastos ng magsasaka sa P9,400 sa paghahanda (paglilinis ng dike, pagbubungkal, paglilinis ng mga kanal, pag-aayos ng irigasyon, atbp.). Umaabot naman ng P6,200 ang gastos sa pagtatanim, P22,130 sa pagmamantine ng mga taniman at P29,782 sa mag-aani. Dahil sa mga gastusing ito, kadalasang nababaon sa utang ang mga magsasaka.

Sa kalagayang ito, malinaw na naging bigo ang 11 nakaraang repormang agraryo ng gobyerno. Ang pinakahuli, at pinakamatagal, siyempre, ang Comprehensive Agrarian Reform Program (CARP). Unang ipinatupad ng rehimeng Corazon Aquino noong 1987, napakaraming probisyon sa Republic Act 6657 o CARP na ginagamit ng mga panginoong maylupa para makalusot sa implementasyong ng repormang agraryo ang kanilang mga lupain.

Tampok sa mga butas sa CARP ang probisyon hinggil sa stock distribution option, o ang opsiyon sa mga panginoong lupa na gawing “stockholders” ang mga magsasaka. Pero tulad ng karanasan sa Hacienda Luisita, walang halaga ang stocks na napapamahagi sa mga magsasaka dahil nananatili sa mga panginoong maylupa ang majority stocks ng “korporasyong” nagmamay-ari sa mga lupain.

Hindi rin libre ang pamamahagi ng lupa sa mga magsasaka; batay sa Section 17 ng CARP Extension with Reforms o Carper, pinagbabayad ang mga “benepisyaryo” ng certificate of land ownership award (CLOA) ng amortisasyon sa loob ng 30 taon, kasama ang 6 porsiyentong taunang interes. Dahil sa mabigat na amortisasyon ng mga magsasaka (na hindi nila mabayaran dahil baon na nga sa utang bunsod ng gastos sa produksiyon), madalas na nareremata ang mga lupaing nakapailalim na sa CARP at Carper. Dahil dito, at sa maraming butas sa batas, kaya nanatili at lumakas pa ang monopolyong kontrol ng iilan sa mga lupaing agrikultural.

Tumindi pa ang monopolyong kontrol sa lupa dahil sa land-use conversion o ang pagkumbert sa gamit ng mga lupaing agrikultural mula sa produksiyon ng lokal na pagkain tungo sa iba pang gamit (tulad ng pag-eksport). May direktang kamay ang pandaigdigang mga institusyong pampinansiya na kontrolado ng US sa land-use conversion: Pinondohan ng World Bank ang pagpapatupad ng tinatawag na market-assisted land reform sa ilalim ng Carper na nagtitiyak na tutugon sa pangangailangan ng “pandaigdigang merkado” ang mga lupaing agrikultural sa bansa. Ang resulta: malawakang pagkumbert ng mga lupain tungo sa mga plantasyong nagpoprodyus ng mga produktong pang-eksport tulad ng mga plantasyon ng tubo sa Negros, kopra sa Timog Katagalugan at Silangang Visayas, abaka sa Bikol, rubber, pinya, saging, mangga (atbp.) sa Mindanao, at iba pa.

Presscon ng Unyon ng mga Manggagawa sa Agrikultura hinggil sa panawagan para palayasin ang Lapanday sa mga lupaing sakahan. <b>PW File Photo</b>

Presscon ng Unyon ng mga Manggagawa sa Agrikultura hinggil sa panawagan para palayasin ang Lapanday sa mga lupaing sakahan. PW File Photo

Lalong nagpahirap sa mga magsasaka ang pagsunod ng nakaraan at kasalukuyang mga rehimen sa neoliberal na mga polisiya sa agrikultura, tulad ng pagprayoritisa sa pag-eksport ng mga produktong agrikultural sa halip na magprodyus pangunahin para sa lokal na populasyon. Samantala, iniaasa naman ng gobyerno sa importasyon ang malaking bahagi ng pangangailangan ng mga Pilipino sa pagkain. Halimbawa, noong 2007, sa ilalim ng rehimen ni Benigno Aquino III itinaas ang imporasyon ng bigas sa 1.8 milyong metriko tonelada (MT). Pagdating ng 2014, umabot na sa 2.85 milyong MT ng bigas ang inangkat ng gobyerno.

Sa kalagayang ito, malinaw na makatarungan ang matagal nang ipinaglalaban ng mga magsasaka na tunay na reporma sa lupa. Isa sa susing sangkap nito ang libreng pamamahagi sa lupa.

Kaya pagkakataon ang usapang pangkapayapaan para palakasin ang suporta ng madla sa panawagan para sa tunay na reporma sa lupa, kasama ang libreng pamamahagi sa lupa at suportang pinansiyal at materyal sa mga magsasaka.

Nakita sa ilang tampok na isyu katulad ng kampanyang okupasyon ng mga maralitang lungsod sa nakatiwangwang na mga pabahay ng gobyerno na kapag malakas ang kilusang masa, natutulak din ang rehimeng Duterte na kumilos pabor dito.

Matatandaang pinanghawakan ng kilusang masa ang pangako ng rehimen na magpapatupad ito ng isang nagsasariling polisiyang panlabas (independent foreign policy). Tiyak, panghahawakan din ng KMP at iba pang organisasyong masa ang deklarasyong sang-ayon ang rehimen sa ilang aspekto ng panukala ng NDFP para sa mga repormang sosyo-ekonomiko. Pagkakataon ito para mapagkaisa ang malawak na bilang ng mga magsasaka— silang hinding hindi tututol sa libreng pamamahagi ng lupa.


Featured image: Detalye mula sa “Katas” ni Antipas Delotavo
Please follow and like us:
Facebook0
Facebook
YouTube0
YouTube
Google+195
Google+
http://pinoyweekly.org/new/2017/04/libreng-pamamahagi-ng-lupa/
Instagram0
Follow by Email
RSS
Kenneth Roland A. Guda

Kenneth Roland A. Guda

Kenneth Roland A. Guda is Pinoy Weekly's editor-in-chief and a board member of PinoyMedia Center, Inc.