Pinoy Showbiz

Kathryn Bernardo at Daniel Padilla, namamayagpag pa rin sa takilya

May 24, 2017

Kailangan umano ng Pilipinas ang isang ahensiya para sa pagtataya ng mga wagas o opisyal na resulta sa takilya ng mga pelikula—lokal man o banyaga.

Sa aming pagbabalik sa kolum na ito, may kuwento kami tungkol kalahagahan ng resulta sa takilya ng mga pelikula, lokal man o banyaga at sa pamamayagpag sa takilya nina Kathryn Bernardo at Daniel Padilla sa buhay nating mga Filipino.

Simulan natin ang istorya sa pagtatalaga sa amin ng 21st Bucheon International Fantastic Film Festival ng Bucheon City sa South Korea para sulatin ang Industry Report ng Philippine Cinema sa 2016. Inatasan kami ng isa sa mga programmer ng 2017 BIFFF o BiFan na si Thomas Jongsuk Nam na salansanin ang mga detalye ng kaganapan sa industriya ng pelikulang Pilipino noong isang taon para sa programang “Made in Asia” ng pista na gaganapin mula sa Hulyo 13-23, 2017 sa Bucheon.

Kaya nagsaliksik kami sa mga nangungunang pelikulang Pinoy at dayuhan at dahil salat sa mga impormasyon tungkol sa box-office results ng mga ito, binigyan kami ni Nonoy Lauzon, aktibong kasapi ng Young Critics Circle at staff ng UP Film Center, ng tao na makapagbibigay sa amin ng mga gabay sa mga pangunahing pelikula na itinanghal at itinatanghal sa Pilipinas—si Alan Gaw na bihasang mananaliksik, analyst at archivist ng box-office film results.

***

Kahit ang mga organisasyon ng mga lokal na prodyuser ng pelikula, ang kampo ni Orly Ilacad ng OctoArts Films, ayon sa upisina nito ay hindi nakakapagbigay ng box-office results. Walang makapagbigay, samakatuwid ng opisyal na resulta. Ayon nga sa Italyanong manunulat at isa sa mga programmer ng Venice International Film Festival na si Paolo Bertolin, mabuti pa sa Malaysia at iba pang bansa sa Asya na may nakalaang stats o info ng mga pelikulang ipinalalabas sa mga sinehan ng mga ito.
Gayunman, sa internet ay may karampatang detalye ng local and foreign box-office results sa pamamagitan ng Box-Office Mojo at The Numbers pero may matalas ding paghihimay at iba pang sanligan at sandigan si Alan sa mga ito.

Sa kasalukuyan, ayon kay Gaw, ang nangunguna mula May 10 hanggang May 14, 2017 sa Philippine Box-Office ay ang mga sumusunod: 1. Guardians of the Galaxy Vol. Two – P28.68 (Total Cume: P291.67M in 3rd weekend) 2.) Alien: Covenant – P26.87M in 5 days in 214 cinemas. (New Entry) 3.) Fast & Furious 8 – P6M in 63 cinemas (Total Cume: P380.48M in 5th weekend.) 4. Can’t Help Falling in Love – P2M (Total Cume: P238M in 5th weekend). P.S.-No Figures for Regal Multimedia “OUR MIGHTY YAYA,” we all know the reason why..as usual.

Namamayagpag pa rin ang pelikula nina Kathryn Bernardo at Daniel Padilla at ang mapantasyang mga produkto ng Hollywood at ibang bansa. Kaya hindi totoo ang bali-balitang mahina ang obra nina Kathryn at Daniel sa direksiyon ni Czarina Mae Cruz-Alviar. Para rin noong una ang pasubali sa pinagtambalan nila noong 2016 na Barcelona: A Love Untold sa direkisyon ni Olivia Lamasan—bahagyang mahina o taliwas sa inaasahan ang resulta sa unang araw ng pagsisimula ng pagtatanghal pero habang lumalaon ang pagpapalabas ay bumabawi at tumataas ang dami ng tiket para kina Bernardo at Padilla.

***

Anu-ano ang mga implikasyon ng paghahari ng mga pantastikong panoorin mula sa ibayong-dagat at sa mga romance drama mula sa mga kababayan nating prodyuser?

Sa pangkalahatan, aliw at dibersiyon pa rin ang oryentasyon ng mga tao sa panonood ng pelikula at ang paglulumunoy sa ispektakular na spectacle na nakagawian nang sikolohiya ng bawat isa—pinagkakakulumpunganan ang bago, kaiba, mabuburloloy at makukulay na panoorin. Nais nating masaksihan ang pag-igpaw sa kabila pa ng kung ano totoo—kahit hindi na kapani-paniwala. Ito ang dulot ng kolonyal na kaisipan—pag-iwas sa mararahas na katotohanan o eskapismo.

Kabataan ang laging sangkalan ng istorya ng pag-ibig na nakamulatan na natin kaya uso at mabili ng young love team na sumasalamin sa pag-aaksaya ng mga batang henerasyon sa buhay para lang sa maikling kabanata ng pagliliwaliw bagamat nakatago sa naratibo ng mukhang seryoso.

Sa ngayon at sa mas mahabang panahon ng pagpapalabas ng mga pelikula ng Star Cinema noong isang, lagi na itong nangunguna at pinapakain na talaga ng alikabok ang mga kalaban tulad ng GMA Films o kahit pinagsama pa ito at ang APT Entertainment, M-Zet Production o OctoArts Films.

May imahen ng higante at natatangi ang mga artista ng Star Cinema dahil napapanday at nahuhulma ang mga ito ng TV ng ABS-CBN sa pinakarurok. May malaking magnitude ang kompanya ng mga Lopez at nakakaungos ito sa teknolohiya, halimbawa’y sa paggamit ng internasyunal na telekomunikasyon na bagamat meron din ang GMA Films sa pamamagitan ng GMA Network ay una pa rin ang The Filipino Channel o TFC na nakakapagkampanya nang matindi sa pagpapalabas ng mga pelikula nito sa ibang bansa. Sa sariling bakuran dito sa Pilipinas ay di-hamak na sopistikado ang sa ABS-CBN bagamat umaarangkada rin ang kakompitensiya kahit talo nito sa ratings ang ibang programa o proyekto ng nauna.

May tinatayang monopolyo ang ABS-CBN sa teknolohiya at dahil malaya ang konsyumerismo at ang siste ay matira ang mas matibay sa labanan sa negosyo ng komunikasyon.

Sa kabila nito ay hindi naman masasabing kahit nangunguna ang isang bagay ay hindi naman garantisado na maganda o malusog para sa buhay ng mga tagatangkilik o kustomer o konsyumer ang mga produkto.

***

Mahalaga ang pagsisiwalat sa publiko ng mga resulta sa takilya dahil nagpapahiwatig o nagpapaliwanag ito sa antas ng buhay ng mga tao sa iba’t ibang larangan tulad ng panlipunan, takbo ng isip, pangkabuhayang kondisyon ng buhay, kultural na pamamayani, paniniwalang pulitikal na siyang kumikipil kadalasan ng mga sitwasyon kahit sa pagkapa o persepsyon lang muna sa mga paimbabaw na kaganapan.

Ayon kay Nonoy, ang kailangan ng Pilipinas ay ang pagkakaroon ng isang ahensiya para sa pagtataya ng mga wagas o opisyal na resulta sa takilya ng mga pelikula—lokal man o banyaga. “Parang Social Weather Station ng pelikula. ‘Yan ang isa sa mga dapat asikasuhin o atupagin ng Film Development Council of the Philippines (FDCP),” pahayag ni Lauzon.

Isa itong magandang panukala na maaari at dapat halawin at isakatuparan ng pamahalaan o anumang pribadong organisasyon.

Ayon kay Lauzon, sa kaso ng Box-Office Mojo na naglalathala ng mga resulta sa box-office ng mga pelikula, may mga reklamo laban rito o sumasabotahe sa paglalabas nito ng mga pananaliksik sa tamang kita ng pelikula. Saan at kanino kaya nanggagaling ang pakikialam ng sarbey na ito para sa tunay na box-office results na makakatulong sa pananaliksik hindi lang para sa paaralan kundi sa pambansang kamalayan ng implikasyon ng kita sa takilya buhay ng mga Pinoy at sa mga apektadong partido ng resulta—hit man o hindi, malakas man o mahina?


 

Please follow and like us:
Facebook0
Facebook
YouTube0
YouTube
Google+196
Google+
http://pinoyweekly.org/new/2017/05/kathryn-bernardo-at-daniel-padilla-namamayagpag-pa-rin-sa-takilya/
Instagram0
Follow by Email
RSS