FEATURED Manggagawa

Kung pagod at puyat ka na, o bayan ko


Sa unang tingin, pabor sa manggagawa ang panukalang 4-araw na trabaho. Pero tunay na pabor
lang ito sa mga employer.

Posibleng hinahati ng isang pangkaraniwang manggagawa ang kanyang 24 oras sa sumusunod: Magsisimula sa umaga ng isang oras na preparasyon bago umalis ng bahay, dalawang oras na biyaheng natrapik, siyam na oras sa trabaho at dalawang oras ng biyaheng natrapik pauwi.

Masuwerte kung may uuwiang nakahapag na hapunan sa mesa dahil kung wala ay isang oras pa ang gugugulin sa pagluluto.

Kulang

Suma total, humigitkumulang 16 oras ang ginugugol ng isang manggagawa sa maghapong 8-hour work shift. Walong oras na lang ang natitira sa 24 oras ng pangkaraniwang manggagawa. Kulang ang 24 oras para magkaroon ng balanseng pamumuhay. Kung maaari lang banatin pa ang 24 oras sa isang araw ay malamang nagawa na nila.

Upang magkaroon umano ng “work-life balance,” ipinanukala ni Baguio Rep. Mark Go ang House Bill 5068 o ang iskemang “compressed work week.” Sa panukalang ito, magiging apat hanggang limang araw na lang kada linggo ang pasok ng mga manggagawa. Pero kailangan nilang magtrabaho nang hanggang sa 12 oras kada araw.

Para kanino

Ang HB 5068 na ba ang babalanse sa tagibang na kaayusang ito sa empleyo?

Kaakit-akit ang iskemang ito sa mga manggagawang anim na araw nagtatrabaho sa isang linggo dahil madadagdagan nga naman ang araw ng pahinga nila. Magkakaroon sila ng dalawa o tatlong sobrang araw na maaaring gugulin sa ibang bagay.

Pero magmimistulang nakalibre ang mga employer sa obligasyon nitong magbayad ng overtime pay sa mga manggagawa dahil mas humaba na ang oras ng pagtatrabaho nito. Pabor na pabor para sa mga katulad ng naglalakihang mall chain na nagpapa-forced overtime pa tuwing holiday sa mga kontraktuwal nitong manggagawang anim na araw pumapasok kapalit ng maliit na suweldo.

Kung sa walong oras na pagtatrabaho ay nahihirapan na ang mga manggagawa, paano nito itatawid ang 12 oras ng pagtatrabaho sa isang araw?

Tulad ng oras, nauubos din ang lakas ng isang manggagawa. Hindi makatuwiran na pagtrabahuhin siya ng hanggang 12 oras sa isang araw ng parang isang makina na basta nalangisan ay ayos na. Sa inilabas na pag-aaral ng Philippine Statistics Authority (PSA), lumalabas na 8.105 milyong Pilipino ang overworked o labis ang pagtatrabaho na maaaring magdulot ng sakit sa puso at iba pang malalang sakit.

Tila hindi isinasaalangalang ng batas na ito ang kalusugan ng mga manggagawa lalo pa’t karamihan sa kanila’y hindi nakakatanggap ng benepisyong pangkalusugan dahil nananatili silang kontraktuwal.

Kung magkagayon ay hindi oras ng trabaho ang pinapaiksi ng HB 5068 kundi buhay ng mga manggagawa.

Mas malakas na unyonismo

Sa implementasyon naman, hangga’t hindi pa nagiging batas ang HB 5068 ay boluntaryo lang ang pagpapatupad nito at kailangang dumaan sa rebyu ng Department of Labor and Employment. Sinong magboboluntaryo? Hindi ang mga manggagawa kundi ang mga employer. Sa manggagawa ang direktang epekto pero sa employer ang desisyon. Madaya, hindi ba?

Isang epektibong paraan ng pagpawi sa mga porma ng pandaraya ng mga negosyante sa kanyang manggagawa ang pagbubuo ng mga unyon. Ang mga unyon lang ang legal na maaaring maglatag ng kanilang mga kahingian sa mga employer sa pamamagitan ng collective bargaining agreement.

Ang kasalukuyang kaayusan sa empleyo ay nagbibigay lang ng sapat na oras sa mga manggagawa para magpahinga at magkaroon ng lakas para makabalik kinabukasan. Said na said ang lakas ng mga manggagawang sadlak pa rin sa mga hindi patas na polisiya sa sitwasyon ng paggawa sa bansa gaya ng kontraktuwalisasyon.

Kung pagod at puyat ka na bayan ko, laging nariyan ang tunay na mga unyong maaasahang magtataguyod sa interes ng mga manggagawa.


Featured image: Detalye mula sa Bulong na Umaalingawngaw (1983, oil on canvas) ni Antipas Delotavo