Kabataan

Libreng edukasyon

May 8, 2017

Kapos, o mapanlinlang pa nga, ang kongkretong hakbang ng rehimeng Duterte para sa libreng edukasyon. Nasa kabataan at mamamayan ngayon ang tungkuling ipaglaban ito.

Marami ang natuwa at umasa sa pangakong dala ng P8-Bilyong pondo na idinagdag para sa state universities and colleges (SUCs). Pero ang abot-kamay na libreng matrikula, mistulang naging bato. Dahil walang libreng matrikula para sa lahat ng mag-aaral na papasok sa 114 SUCs sa bansa para sa susunod na taon.

Ito’y matapos ilabas ng Commission on Higher Education (CHED) at Department of Budget and Management (DBM) ang kanilang Implementing Rules and Regulations (IRR) sa dagdag na P8-B pondo para sa SUCs, nang aralin ng Kabataan Party-list.

Ang P8-B pondong dagdag na ito ang sanang tutupad sa pangakong libreng edukasyon ng administrasyong Duterte na hindi kailanman pina-kinggan ng nagdaang mga rehimen. Pero sa pinirmahan niyang badyet sa taong 2017- 2018, tila hindi pa matutupad ang pangakong ito.

Tagumpay, panlilinlang

Masasabing tagumpay ng kilusang kabataan at mga mamamayan na maitulak ang mga mambabatas para maisulong ang libreng matrikula para sa mga mag-aaral sa SUCs.

Pero sa IRR ng Free Tuition Policy (FTP) na para sa mga nasa ilalim ng 4Ps (Pantawid Pamilyang Pilipino Program) at Student Financial Assistance Pro-grams (StuFAPs) ang libreng matrikula. Ihahanay naman ang iba pang natitirang mag-aaral batay sa kanilang katayuan sa buhay o base sa kanilang per capita household income na katulad ng socialized tuition system (STS) ng Unibersidad ng Pilipinas (UP). Ibig sabihin, sisingilin ng matrikula at iba pang bayarin ang hindi makakasama sa mga kuwalipikasyon.

“Dito, nasa mag-aaral ang bigat na patunayan na mahirap nga siya. Kailangan niyang ipamukha kung gaano sila kahirap na para bang kailangan niyang ilimos ang kaniyang karapatan sa libreng matrikula na pinondohan na,” ani Mark Vincent Lim, tagapagsalita ng National Union Students of the Philippines (NUSP).

Nagiging maskara lang ng mga pamantasan gaya ng UP ang STS para masabing hindi lahat ay maaapektuhan ng pagtaas ng matrikula. Pero sa esensiya, pagtaas pa rin ng matrikula ang nasa dulo nito. Ganito ang inaasahang gagawin ng FTP sa lahat ng mga mag-aaral ng SUCs sa bansa.

“Mapanlinlang ang FTP. Kahit ang CHED, inaming kaya lang nilang matutusan ang 85 porsiyento ng mga mag-aaral na inaasahang papasok sa susunod na taon. Maaari pang bumaba ito dahil sa napakahigpit na kakailanganin para matarget ang mahihirap,” ani Kabataan Party-list Rep. Sarah Jane Elago.

Dagdag matrikula, atbp

Sinasabing ang P8-B dagdag ay base sa inaasahang malilikom ng mga SUC sa taong 2017 mula sa matrikula. Hindi kasama dito ang iba pang bayarin o other school fees (OSF).

Nagbubukas din ang FTP ng oportunidad para magtaas ng matrikula at iba pang bayarin ang mga pamantasan, dahil inaasahang sisikapin ng mga administrador ng mga SUC na itaas ang matrikula. Titiyakin umano nito na makuha ang kabuuang budget ceiling na nakalaan sa kanila o pinakamataas na pondo na kaya nilang makuha.

“Kung ang isang mag-aaral, kailangang patunayang mahirap nga siya, sa mga SUC, kailangan ding patunayan na kailangan nila ng karagdagang pondo o mahirap din sila. Hindi pantay ang magiging tingin sa mga pamantasan kaya maaari at inaasahan na itataas ang matrikula para makuha ang budget ceiling nila,” ani Lim.

Dahil hindi rin nito sakop ang iba pang bayarin, inaasahang muling magtataas ito para magkamal ng karagdagang kita ang mga SUC. Sa taya ng DBM, nasa P4.47-B ang makukulekta mula sa OSF para sa taong 2017. Sa Politeknikong Unibersidad ng Pilipinas, halimbawa, nasa halos 90 porsiyento na binabayaran ng mag-aaral ay mga OSF.

“Dagdag pa rito, para lang sa AY 2017-2018 o isang taon lamang ang dagdag na P8-B pondong ito,” sabi pa ni Lim.

Ilan pang ‘legal’ na hakbangin

Mula nang ma-deregulate o matanggal ang kontrol ng gobyerno sa pagtaas ng matrikula sa mga pamantasan dahil sa Education Act of 1982, lubos na pinagkakitaan ng pribado at pampublikong mga pamantasan ang edukasyon sa Pilipinas.

Kasabay ng seryeng pagtaas ng matrikula at iba pang bayarin ang serye ng paglaban ng kabataan at mga mamamayan para igiit ang karapatan sa edukasyon.

Ito ang nagluwal sa FTP sa kasalukuyan para pahupain ang paglaban ng mga mamamayan pero nailalantad ang pagiging huwad nito at mas masahol na layunin.

Naipasa naman sa Senado ang Affordable Free Higher Education Act (Senate Bill 1304) na naglalayon na maglaan ng P15-B para sa full tuition subsidy ng mga mag-aaral ng SUCs. Pero tahimik ang panukalang batas hinggil sa koleksiyon ng OSF.

Pagdedebatihan naman sa Kongreso ang Universal Access to Quality Tertiary Education na pinagsanib na mga panukalang batas ng mahigit 50 mambabatas na nagtutulak ng libreng edukasyon. Kasama rito ang House Bill 4800 o Comprehensive Free Public Higher Education na naglalayong tanggalin ang pangungulektang matrikula at iba pang bayarin.

Pero pinalabnaw ng mga alyado ng palasyo ang panukalang batas ng Kabataan Party-list at isinama sa isang mapanlinlang na batas na diumano’y magbibigay ng universal access sa kolehiyo.

Mas maigting na paglaban

Marami ang natuwa at umasa sa pangako ng dalang P8-B pondo na idinagdag para sa mga pampublikong pamantasan. Subalit kasaysayan ng tunggalian ng mga uri ang nagtuturo na hindi kusang ibibigay ng gobyernong kumakatawan sa naghaharing-uri ang karapatan ng mga mamamayan tulad ng edukasyon.

At kung edukasyon sa Pilipinas ay hindi kayang papasukin ang lahat ng kabataang Pilipino, sa sarili nitong pampublikong mga pamantasan, higit na kailangan ng kabataan at mga mamamayan na igiit ang kanilang karapatan hindi lang para sa kanila kundi higit para sa bayan. Lalo’t higit sa P8-B ang karapatan ng mga mamamayang Pilipino partikular sa edukasyon.

Please follow and like us:
Facebook0
Facebook
YouTube0
YouTube
Google+197
Google+
http://pinoyweekly.org/new/2017/05/libreng-edukasyon/
Instagram0
Follow by Email
RSS
Pher Pasion

Pher Pasion

Pher Pasion finished his bachelor's degree in journalism at Manuel L. Quezon University. He is also a former national secretary-general of the College Editors Guild of the Philippines.