ATTACKKK!

Sa Panahon ni Duterte

May 7, 2017

Hinggil sa RESBAK, isang inisyatiba ng mga artista na kontra sa penomenon ng extra-judicial killings sa ngalan ng gera kontra droga.

Kami, mga artista ng bayan, media practitioners, at manggagawang kultural ay nagkakaisa upang kondenahin ang brutal na giyera kontra-droga ng rehimeng Duterte. Simula nang maluklok sa kapangyarihan noong Hunyo 2016, at sa pagpupursigeng linisin ang bansa mula sa iligal na droga sa loob ng anim na buwan, ay sistematikong hinikayat ni Duterte ang paglabag sa karapatang pantao at ang walang-patumanggang pagkitil sa buhay.

*     *     *

Mula sa pagkakaisang pahayag (message of solidarity o manifesto) ng RESBAK (Respond and Break the Silence Against the Killings), isang alyansa ng mga artista laban sa pagyurak at pagkitil sa mga karapatang pantao ng lahat.

*     *     *

“so this is what peace sounds like
blood—on sidewalks and calloused skin
and other places that used to know grace
like an anthem

so this is what change sounds like
people chanting die die die”

murder and other white noise, Jess Pacis

*     *     *

Isang penomenon ang pagkakapanalo ni dating Davao City Mayor Rodrigo Duterte bilang pangulo ng bansa noong isang taon. Nahati niya maging ang Liberal Party para suportahan siya. Narinig ang boses ng mga Overseas Filipino Worker. Nakatulong pati ang black propaganda ni Trillanes sa kanya.

Kung totoong nadaya ang PCOS, hindi kinaya ng mga pekeng boto ng Roxas-Robredo na talunin ang daluyong ng mga boto sa kanya. May mga Ducay (Duterte-Cayetano) at may mga Dumar (Duterte-Marcos). May lumitaw ring mga Duro (Duterte-Robredo).

Napakahaba ng nakaraang pambansang eleksyon. Sa haba ng election fever, may mga kinukumbulsyon pa rin hanggang ngayon. Dahil sa galit ng mga tao sa kabulukan ng nakaraang rehimeng Aquino, sinakyan nila ang pagbabagong inihain ni Duterte.

Ngunit naging tuntungan ng kasalukuyang administrasyon ang war on drugs. Sinakyan ito ng maraming tuso, tiwaling pulis, militar, at opisyal ng gobyerno. Nagmukhang free for all ang pagpupurga (purging).

*     *     *

“Walang tulog ang lungsod sa sunod-
Sunod na pagtimbuwang
Ng mga katawan–
Lahat tinamnan ng bala.”

Puyat, Jerry B. Gracio

*     *     *

Isang anekdota: Sa mga unang buwan ng pag-upo ni Duterte, isang umaga, pagsilip ko sa tapat ng gate namin, may nakita akong nakasandal na malaking plastik. Sa laki, kasya ang isang tao. Ang una kong naisip, bangkay ng natukhang.

*     *     *

“’Abracadabra, nanlabancasi!’”

Abracadabra, John Leir Castro

*    *     *

Naglabas ng dalawang zine ang RESBAK bilang tugon ng alyansa ng mga artista sa lumalalang kaso ng pagpatay sa bansa. Ang mga tula nina Pacis, Gracio, at Castro ay kasama sa unang koleksyon ng mga tula (sa iba’t ibang anyo), guhit, at retrato. Mga prosa, guhit, at retrato naman ang nasa ikalawang koleksyon.

*     *     *

Hindi biro ang kulturang dinala ng war on drugs sa mga tao. Hindi nasala ang libo-libong kaso ng pagpatay. Naging iisa ang mukha ng onsehan, summary execution ng mga sindikato ng droga, at vigilantism.

Maging ang anti-illegal drug campaign na Oplan Tokhang (portmanteau ng mga salitang Cebuano na toktok at hangyo, o “katok” at “pakikipag-areglo”) ay naiba ang conceptual usage/kahulugan. Kapag kinatok ka sa umaga, siguradong titimbuang ka sa susunod na pagkatok sa gabi. Bukod sa mga riding-in-tandem (nauso ito noong rehimeng Aquino), bonnet-clad na rin ang ilang mga kumakatok na animo SWAT team.

Sa dami ng reklamo sa Oplan Tokhang, ipinatigil ito ngunit muling ibinalik sa ngalang Oplan Double Barrel, Reloaded. May dalawang bahagi ito, ayon kay Philippine National Police Director General Ronald “Bato” dela Rosa. Una, isang revitalized Project HVT (pagtugis sa mga
“high-value target” o big-time drug personalities and groups). Ikalawa, isang reformed Oplan Tokhang. Isa sa mga pagkakaiba ang pagsusuot ng body camera ng mga pulis na operatiba. Matapos itong ipatupad, patuloy pa rin ang mga kaso ng EJK.

Maging ang EJK (extra-judicial killings) ay naiba ang kahulugan. Kung noon, ikinakabit lamang ito sa mga aktibista at media na pinaslang dahil sa kanilang politikal na ipinaglalaban, ginagamit na ito ngayon maging sa mga biktima ng onsehan, summary execution ng mga sindikato ng droga, at vigilante.

*     *     *

Dalawang guhit ang mapapansin sa unang zine ng RESBAK. Una, ang likha ni Ellaine de la Cruz na portrait ni Duterte na may nakasabit sa leeg na karton na may “’DI HUWARAN HUWAG TULARAN.” Sa ikalawa, keyboard at kamay na likha ni Ellyza Cua, mapapansin ang caption na ganito:

Sa social media, natatabunan ang tatlong importanteng letra na dapat bigyang pansin ng karamihan. Hindi siya dapat “ILY,” “LOL, “HBD,” kundi “EJK.”

*     *    *

Hindi lamang mga antolohiya ang nabuo. Maging ang mga pambansang pakontes ay nagpapanalo ng mga tulang may temang pumupuna sa extra-judicial killings. Ang mga konserbatibo at partisano ay pumusisyon. May mga artistang naging biktima ng EJK ang kamag-anak at kakilala. May mga artistang nangangambang maging biktima ng EJK ang kani-kani-kanilang kamag-anak at kakilala. May mga artistang nangangambang maging biktima na lang ng EJK isang isang umaga.

*     *     *

Muli, mula sa RESBAK, bahagi ng kanilang pagkakaisang pahayag:

Naniniwala kami sa RESBAK na ang di-makatao at brutal na pagtrato sa kapwa ay hindi kailanman katanggap-tanggap. Ang state-endorsed killings, patungkol man sa droga o hindi, ay dapat nang matuldukan. Kailangan na nating wakasan ang ating pananahimik. Kailangan nang maputol ang mga sabwatan.

Kailangan nating makalikha ng mga puwang at pamamaraan upang makatulong sa mga biktima, sa mga nakaligtas at naiwan, at sa mga kritiko ng kampanya sa droga upang makapagsalita laban sa paglabag sa karapatang pantao at makahanap ng mga alternatibong lunas.

*     *     *

Kung gustong makakuha ng pdf version ng kanilang mga zine, magpadala lang ng mensahe sa kanilang FB page [@artistsresbak/] o sa literaturepublicationscomm@gmail.com.


 

Mark Angeles

Mark Angeles

Mark Angeles was writer-in-residence at the University of Iowa’s International Writing Program in 2013. He is a two-time Palanca awardee for Tula category (2010 and 2013) and two-time Mananaysay ng Taon (2013 and 2015), sponsored by the Komisyon sa Wikang Filipino (KWF). His other works were also recognized by KWF’S Makata ng Taon, Lampara Books Children's Story Writing Contest, and PBBY-Salanga Prize. He has four self-published books (Patikim, Emotero, Threesome, and Lipad ng Uwak), an online book (Engkantado), and a free zine (Higit sa Lahat). Lampara Books published his children’s short stories Si Znork, ang Kabayong Mahilig Matulog and Si Andoy, Batang Tondo. While Visprint Inc. published his narrative fiction collection Gagambeks at iba pang Kuwentong Waratpad. He is a columnist of Pinoy Weekly, the literary editor of bulatlat.com, and the editor-in-chief of Manila Today.