Photo Gallery

Bomba ng katotohanan: Mula Malibcong hanggang Marawi

June 8, 2017

Kamusmusan ang unang biktima ng mga bomba ng digmaan, sa Malibcong man o sa Marawi. Kailangang tapatan ito ng bomba ng katotohanan.

I. HELICOPTER, HINDI TORA-TORA

“Tora-tora!” Pasigaw na sagot ng isang bata sa elder na aming kasama sa inilunsad na misyong pangkapayapaan sa Malibcong, Abra, na pinagunahan ng Cordillera Human Rights Alliance (CHRA). “Hindi, helicopter!” pasigaw ding tugon ng isa pang bata.

Tinanong kasi sila ni Manang Verna, ang aming kasamang elder, kung ano ang nakita nila noong nagbagsak ang dalawang Armed Forces of the Philippines (AFP) choppers ng labing apat na bomba sa Brgy. Lat-ey, Malibcong, Abra. “Oh siya sige, drawing, drawing,” paaprubang tugon ni Manang Verna sa mga batang nagtatalo kung anong nakita nila noong hapon ng Marso, 16, 2017. Kasama sa programa ng inilunsad na misyong pangkapayapaan ang pyscho-social rehabilitation activities tulad ng pagguhit, pagkanta at pagsayaw, upang tasahin ang trauma na natamo ng kabataan mula sa insidente ng pangbobomba. Hindi hihigit sa 10 ang edad ng lahat ng batang sumali sa aktibidad, ang iba’y hindi pa kayang gumuhit kaya’t nanood na lang.

Habang gumuguhit, tuloy ang debate ng mga musmos sa kung ano ang totoo nilang nakita, kung ito ba’y tora-tora, o helikopter. Itinuturo ni Carlo ang drowing ni Elise nuong napansin nila akong nakatingin sa kanila. Nahihiyang ngumiti ang dalawa at nagpatuloy sa pagguhit.

Hindi ko alam ang pinagkaiba ng tora-tora sa helikopter. Ang alam ko lang, hindi dapat ito paksa ng diskusyon ng mga musmos, sa Abra man, Sa Marawi, o saan mang parte ng mundo.

II. TODO-GIYERA, PRODUKSIYON APEKTADO

Kasunod ng pagdeklara ng gobyerno ng Pilipinas (GRP) ng todo-giyera laban sa Communist Party of the Philippines-New People’s Army-National Democratic Front (CPP-NPA-NDF), isang engkuwentro sa pagitan ng NPA at 41st IB ng Armed Forces of the Philippines ang nangyari noong Marso 13 sa Mabolo, Gacab, Malibcong, Abra. Ang lugar ay isang barangay na di kalayuan sa komunidad na pinagbagsakan ng mga bomba kung saan tatlong sundalo ang nasawi. Wala namang naireport na casualty sa hanay ng NPA. Marso 14, tinambangan ng mga gerilya ang isang yunit ng pulisya na rumesponde sa nangyaring engkuwentro. Limang pulis ang naireport na sugatan. Marso 16, nangyari ang pambobomba.

Sinasabing white phosphorous ang bombang ginamit ng puwersa ng AFP sa Malibcong. Ayon sa ilang saksi, mabilis na kumalat ang apoy sa mga burol at malamang na sa kanilang mga palayan din matapos ang malalakas na pagsabog. Yumayanig daw ang lupa at hindi nila malaman ang gagawin.

Pinabubulaanan nila ang naunang pahayag ng AFP na ang NPA daw ang nagsimula ng sunog, sa kagustuhan nilang makatakas mula sa mga tumutugis sa kanila. Ayon din sa mga residente, mistulang martial law ang umiral sa kanilang komunidad matapos ang pangbobomba. Hindi sila pinapayagan ng mga militar na bisitahin ang kanilang mga palayan at tignan ang pinsalang natamo mula sa mga bombang inihulog.

Dahil dito, apektado ang produksiyon at ekonomiya ng mga residente ng Malibcong.

III. MISYONG PANGKAPAYAPAAN AT CARHRIHL

Ayon sa Comprehensive Agreement for Human Rights and International Humanitarian Law (Carhrihl), isang kasunduang nilagdaan ng GRP at CPP-NPA-NDF, dapat irespeto at pangalagaan ng magkabilang panig ang karapatan ng mga sibilyan, kahit pa nasa panahon ng digma. Isa ito sa pangunahing batayan ng misyong pangkapayapaang inilunsad sa bayan ng Malibcong, Abra. Ipinaliwanag sa mga residente ang posibleng mga paglabag sa Carhrihl ng dalawang armardong puwersang nagtutunggalian. Inalam din ng misyon kung paano makatutulong ang Carhrihl upang harapin ang iba’t ibang klaseng trahedyang dulot ng giyerang sibil.

IV. BOMBA NG KATOTOHANAN: MULA ABRA HANGGANG MARAWI

May kasabihan na ang unang kaswalti ng digma ay ang katotohanan. Ang sabi ko naman, ang unang kaswalti ng digma ay ang kamusmusan ng mga batang naiipit sa digmaan.

Ito ang unang kaswalti ng digma, ang kamusmusan.

Ang kamusmusan ang unang nilalasog ng mga bombang inihuhulog sa kanilang pamayanan. Ito’y dumudurog muna ng pangarap, bago ng mga palayan, pumupulbos muna ng malay bago ng mga kabahayan, sumusunog muna ng diwang payapa, bago abuhin ang mga puno, lambak, at burol. Ang usok ang magsasabing nagtagumpay ang pakay ng mga sumalakay: abo na ang kamusmusan.

Ang tanging bombang karapat-dapat na ihulog sa mga pamayanan, mula Abra hanggang Marawi, ay ang mga “bomba ng katotohanan,” mga bombang magbubukas sa isip ng mga mamamayan — na ang Pilipinas ay para sa mga Pilipino at hindi lang para sa iilan. Ito ang mga bombang hindi nakasisira, bagkus ay makabubuo, makapagtitipon at makapagpapaunlad – na ang kapayapaang nakabatay sa hustisyang panlipunan ang makalulutas sa tila hindi matapus-tapos na digmaan.


 

Please follow and like us:
Facebook0
Facebook
YouTube0
YouTube
Google+196
Google+
http://pinoyweekly.org/new/2017/06/bomba-ng-katotohanan-mula-malibcong-hanggang-marawi/
Instagram0
Follow by Email
RSS
Lukan Villanueva

Lukan Villanueva

Si Lukan Villanueva ay videographer at photographer ng Film Weekly, grupong multimedia ng PinoyMedia Center na gumagawa ng socially relevant at probokatibong dokumentaryong pelikula.