FEATURED

‘Duyog’ ng Muslim at Kristiyano


May batayan para magkaisa ang mga Kristiyano at Muslim na bahagi ng inaaping mga uri.

Sa pamamagitan ng Ramadan inaalala ng mga Muslim ang unang beses na pagkikita ng anghel na si Gabriel at Propeta Muhammad. Nag-aayuno o fasting sila sa bawat araw ng ikasiyam na buwan ng kalendaryong Islam. Pero sa kabila ng gulong idinudulot ng grupong Maute sa siyudad ng Marawi, sinamahan pa ng kuwestiyonableng adyenda ng gobyerno sa pagpapatupad nito ng batas militar sa pulo ng Mindanao, paano idinaraos ng mga Muslim ang Ramadan?

Sa Mindanao nagsimula ang Duyog Ramadan o ang pagsama ng mga tao sa komunidad na may ibang relihiyon sa mga Muslim sa panahon ng pag-aayuno at pagsasalu-salo sa pagkain. Ang ganitong tradisyon ay sinimulan ng mga komunidad ng mga Muslim at Kristiyano sa Mindanao, tulad ng Romano Katoliko, Protestante, Aglipayano, at iba pa. Ang “Duyog” ay salitang Cebuano na nangangahulugang “pagsama.”

Sa pamamagitan ng Duyog, nabubuong muli ang isang komunidad na panahon pa lang ng kolonyalismong Espanyol ay pilit nang hinahati ng mga mananakop.

Sa panahon ng kolonyalismong Espanyol, ginamit sa mga komunidad ng Muslim ang relihiyon upang hatiin ang mga Pilipino nang sa gayo’y mapabilis ang pananakop nila sa teritoryong iyon. Pinaigting nila ang pagpapalaganap ng maraming mapanghating kaisipan laban sa mga Moro tulad ng pagiging “herejes,” o mga hindi nabinyagan na walang Diyos, “kaaway,” at mga di-sibilisado kahit pa sila ay magkakalahi na may iisang kasaysayan at minimithing kalayaan.

Parehong taktika rin ang ginamit ng mga Amerikano sa Mindanao noong ika-19 siglo na sukdulang umabot pa ang mga tropang Amerikano sa pagmasaker ng libu-libong mamamayang Moro mapasok lamang ang mga komunidad at makakuha ng pakinabang sa likas na yaman ng bansa.

Hinati ng kolonyal na gobyernong Amerikano noon ang mga mamamayan sa Mindanao sa pagitan ng “sibilisado” at “di sibilisado.” Ang mga Muslim na may mahabang kasaysayan ng paglaban sa mga mananakop ay kabilang sa mga mamamayang binabansagang “di sibilisado.”

Umaalingasaw ang kasaysayan ng imperyalistang Amerikano pagdating sa karahasan sa mga Moro. Nariyan ang
Bud Daju masaker sa Jolo, Sulu noong 1906 at Bud Bagsak masaker noong 1913 na walang-awang pumatay sa libulibong kabataan, kababaihan, at maging ang mga matatandang naka-tungkod ay hindi rin nila pinaligtas. Ang karumaldumal na mga masaker na ito ay nagtulak sa maraming mamamayang Amerikano na tuligsain ang kanilang gobyerno at pagtataguyod nito ng imperyalismo, isa na riyan ang kilalang manunulat na si Mark Twain.

Silipin lang ang mga aklat at sariwain ang kasaysayan, hindi na magtataka kung bakit ganoon kaigting ang pakikibaka ng mga Muslim para sa kalayaan.

Kaiba sa estilong “kanya-kanyang” pagpapahayag ng paniniwala sa relihiyon, pinagkakaisa ng Duyog ang iba’t ibang pananampalataya. Tulad umano ng iba pang relihiyon, “ang Islam at Kristiyanismo ay nangaral tungkol sa isang daigdig na malaya, mapayapa, at maligaya sa pamamagitan ng pagwawakas sa pagsasamantala, pang-aapi, kahirapan at karahasan sa mga umiral at umiiral na lipunan sa kasaysayan ng mundo.”

Nauunawaan ng mga mamamayang taga-Mindanao na lumalahok sa Duyog na mas marami ang dapat na pagkaisahan kaysa pag-awayan tulad ng pagsusulong ng kapayapaan na siyang ibig sabihin ng salitang “Islam” sa wikang Arabiko.