Kapirasong Kritika

Ilang suri sa Marawi


Pagtindi sa pasismo ang tinutungo ng rehimeng Duterte sa pagdeklara ng batas militar sa Mindanao. Makikinabang ang US sa tinutungong ito ng rehimen.

(1) Ayon sa balita, nagsimula ang kaguluhan sa Marawi City sa pag-reyd ng militar sa isang bahay sa lungsod na pinagtataguan umano ni Isnilon Hapilon, lider ng Abu Sayyaf, noong Mayo 23. Lumaban ang mga pwersa ni Hapilon at humingi ng tulong sa Maute Group. Sa paglaban ng huli, kinubkob ang mga pasilidad ng mga sibilyan, nagkaroon ng sunog sa iba pang katulad na pasilidad, at ilang pulis at militar ang agad napatay. Sa social media at midya ng malalaking kapitalista, balitang-balita ang pagkaipit at pagkagipit sa mga sibilyan.

Dahil sa ganitong kwento, malakas ang opinyong publiko pabor sa pagdurog sa Maute Group at sa Abu Sayyaf. Una sa lahat ay nakatatak na sa naturang mga grupo ang bansag na “terorista.” Pagkatapos, gumawa pa sila muli ng mga hakbangin na ikinapahamak ng mga sibilyan. Ikatlo, nagpakilala silang kabahagi o kaugnay ng “ISIS” o Islamic State in Iraq and Syria o IS, isang grupong lalong nakikilala ng mga Pilipino bilang brutal na internasyunal na grupong terorista.

Pero mahalagang alalahanin ang ilang taon nang karanasan ng bansa sa Abu Sayyaf. Ang grupong ito na sinasabing likha ng Central Intelligence Agency ng US ay hindi nadurug-durog ng militar ng Pilipinas na sinanay at kontrolado ng gobyerno ng US. Tuluy-tuloy itong naging palusot para imilitarisa at dahasin ang mga komunidad ng Moro at iba pang Pilipino, palakihin ang badyet ng militar, at paramihin pa nga ang mga tropang militar ng US sa Pilipinas.

Bukod sa pagtatanggol kay Hapilon, may nagsasabing ang layunin ng Maute Group ay lalong magpapansin sa internasyunal na grupong ISIS para humingi ng suporta. Sa tangkang pagdakip kay Hapilon, may nagsasabing ang layunin ng militar ay sindihan ang tiyak na paglaban ng Abu Sayyaf at Maute Group – kasingtiyak ng naging paglaban na ikinasawi ng SAF 44 noong Enero 25, 2015 sa Mamasapano, Maguindanao – at sa gayon ay ilatag ang kalagayan para pwersahin si Pang. Rodrigo Duterte na magdeklara ng batas militar.

Sa ganitong kalagayan na ang Maute Group-Abu Sayyaf sa isang banda at ang militar sa kabilang banda ay parehong naghahangad ng armadong komprontasyon at kaguluhan, at gustong makinabang sa ganitong sitwasyon, marapat at kagyat ang panawagan para iligtas ang mga sibilyan sa Marawi City.

Mga bakwit mula sa Marawi. <b>Jaja Necosia/The Breakaway Media</b>
Mga bakwit mula sa Marawi. Jaja Necosia/The Breakaway Media

(2) Alam na natin, na bilang tugon sa kaguluhan sa Marawi ay nagdeklara si Duterte ng martial law o batas militar hindi lang sa lungsod kundi sa buong Mindanao noong gabi rin ng Mayo 23. Sinundan niya ito ng pagsuspinde sa writ of habeas corpus sa isla.

Sa pinakamabait na pag-unawa, ang ganitong deklarasyon ay maaaring pag-iingat sa posibleng ganting salakay ng Maute Group at Abu Sayyaf sa ibang bahagi ng Mindanao. Ito ang pinakamainam na iniisip ni Duterte sa kanyang deklarasyon. Pamilyar na ang kanyang matatapang at palabang pahayag, gaya ng magiging kasing-bagsik ng batas militar ni Ferdinand Marcos ang kanyang idineklara. Pansindak ito sa itinuturing niyang kalaban, na sa kaso ng “gera kontra-droga” ay tinapatan din ng pamamaslang at iba pang mararahas na hakbangin. Sa kagustuhang manakot noon, ikinumpara niya ang sarili kay Hitler; sa kagustuhang manakot ngayon, sinabi niyang palulusutin niya kahit ang panggagahasa ng mga militar.

Pero humabol agad si Defense Sec. Delfin Lorenzana: saklaw ng batas militar maging ang rebolusyunaryong grupong New People’s Army o NPA. Binawi niya ang pahayag, matapos ulanin ng tuligsa, pero makabuluhan na ang nauna niyang pahayag. Ang kagyat na maitatanong: hindi ba mababanat ang pwersa ng militar kung paparamihin nito ang puntirya ng atake at isasama ang NPA? Hindi ba hihina ang pagsisikap na durugin ang Maute Group at Abu Sayyaf sa Marawi?

Noon pa man, binansagan na si Lorenzana na isa sa mga lider ng pangkating maka-Kanan at militarista, na suportado ng US, sa gobyerno ni Duterte. At muli niyang kinumpirma ang pagsusuring ito sa pahayag niyang iyan.

Sa kasaysayan, ang ibig sabihin ng batas militar ay malaganap na paglabag sa karapatang pantao ng mga mamamayan: ekstrahudisyal na pagpaslang, iligal na pag-aresto, pagdukot, pagtortyur, militarisasyon at pambobomba ng mga komunidad at iba pa. Syempre pa, mangangahulugan ito ng todong pagpasok ng mga kumpanya ng pagmimina, plantasyon at iba pa sa Mindanao para dambungin ang likas na yaman nito, na nangangahulugan ng pagpapalayas sa mga Lumad at magsasaka sa kanilang lupa at pagwasak sa kalikasan.

Sa nangyayari ngayon, halos mawasak na ang buong lungsod ng Marawi dahil sa mga atake mula sa himpapawid na pilit tinatawag na “surgical” para palabasing eksakto pero sa katunaya’y hindi pinag-iiba ang mga sibilyan at mga armadong target. Sa naunang mga ulat, sinasabing umaabot na sa 90 porsyento ng 200,000 populasyon ng lungsod ang lumikas – hindi dahil sa mga atake ng Maute Group kundi dahil sa pagbomba ng militar.

Ipinapakita ng pahayag ni Lorenzana na sasamantalahin ng mga maka-Kanan, militarista at maka-US sa militar at gobyerno ang batas militar para paigtingin ang paglaban sa NPA at sa gayon ay sa mga progresibong organisasyong katulad nitong lumalaban para sa tunay na pagbabago.

At nakita ito sa sunud-sunod na pambobomba at atakeng militar sa iba’t ibang komunidad ng mga sibilyan sa Mindanao matapos ang deklarasyon ng batas militar: Davao City, Baganga sa Davao Oriental, Matanao sa Davao del Sur, Compostela Valley, Bukidnon, at iba pang lugar. Nanaig din ang pananabotahe sa usapang pangkapayapaan ng gobyerno kapwa sa National Democratic Front of the Philippines at Moro Islamic Liberation Front matapos ikansela ng mga negosyador ng gobyerno ang paglahok nila sa ikalimang round ng usapang pangkapayapaan.

Malinaw na kailangang ibasura ang deklarasyon ng batas militar sa buong Mindanao, dahil magdudulot ito ng lalong paglaganap ng mga paglabag sa karapatang pantao sa buong isla. Paiigtingin nito ang armadong tunggalian sa iba’t ibang grupong rebelde doon, taliwas sa pahayag at pangako ni Duterte na tutugunan ang mga sosyo-ekonomikong ugat ng naturang mga tunggalian. Sa dulo, papalakasin nito ang kontrol ng mga maka-US, maka-Kanan at militarista sa gobyernong Duterte.

(3) Ayon kay Carol P. Araullo, tagapangulo ng Bagong Alyansang Makabayan, ang rehimeng Duterte ay “unfolding.” Pwede kaya itong isalin na “nagpapakilala pa lang ng sarili”? Sa isang banda hinihila ito ng mga pwersang kinabibilangan ni Lorenzana, na siyang dominante: maka-Kanan, militarista, maka-US, neoliberal at anti-mamamayan. Sa kabilang banda, hinihila ito ng mga progresibo, ang gusto’y lunasan ang mga sosyo-ekonomikong ugat ng armadong tunggalian, isulong ang independyenteng patakarang panlabas, makabayan sa ekonomiya, at maka-mamamayan.

Nakatindig ang pagsusuri ng mga progresibo sa bansa at sa daigdig: ang mga armadong grupo ng mga ekstremistang Muslim ay likha ng imperyalismong US. Sa porma man ng pagtatatag at direktang pag-aarmas, o pagluluwal sa pamamagitan ng paglikha ng pangkalahatang konteksto ng militarismo at gerang agresyon, ang imperyalismong US ang nasa likod ng mga grupong gaya ng Maute Group, Abu Sayyaf at ISIS.

Marami na rin ang nakapansin sa tyempo ng pag-atake sa Marawi: habang nasa Russia si Duterte. Ang pagbisitang ito ni Duterte, syempre pa, ay bahagi ng pagbaling niya pagdating sa paghingi ng tulong mula sa US patungo sa China at Russia – bagay na ikinababahala at tinututulan ng US. Sa karanasan ng bansa, ang ganitong mga atake ay laging ginagamit na tuntungan para pahigpitin ang pakikipagtulungang panseguridad sa US, paramihin ang tropang militar ng US sa bansa, at iba pang katulad na hakbangin.

Kaya naman batay sa katangian ng grupong umatake, sa tyempo ng pag-atake nito, sa pangkalahatang kontekstong pampulitika, at sa inaasahang tugon mula sa pamahalaan, ang agad na mabubuong hinala: ang US ang nasa likod ng pag-atake sa mga sibilyan sa Marawi.

Mga sundalo ng AFP at isang sibilyang lumilikas mula sa mga bakbakan sa Marawi. <b>Jaja Necosia/The Breakaway Media</b>
Mga sundalo ng AFP at isang sibilyang lumilikas mula sa mga bakbakan sa Marawi. Jaja Necosia/The Breakaway Media

(4) At pinatibay ang ganitong pagsusuri ng naging tugon kapwa ng ISIS, at ng gobyerno ng US mismo, sa panununog ng isang armadong lalake sa Resorts World Manila lampas hatinggabi ng Biyernes, Hunyo 02, na pumatay ng 37 katao.

Sa loob ng ilang oras matapos ang panununog, at habang nagaganap pa ang imbestigasyon ng mga kapulisan sa bansa, inako ng ISIS ang “pag-atake,” habang ISIS din ang itinuro ng gobyerno ng US – sa pamamagitan ng isang grupong panseguridad na nagpapakilalang SITE at ni Pang. Donald Trump ng US mismo. Malinaw na pagtatangka itong impluwensyahan ang resulta ng imbestigasyon ng mga kapulisan sa bansa – pabor, syempre pa, sa gustong palabasin at interes ng US.

(Pahabol: Habang nirerebisa ito, balitang-balita ang panggigipit ng mga karatig-bansa ng Qatar dito. Pinutol ng Saudi Arabia, United Arab Emirates, Egypt, Bahrain at Yemen ang diplomatikong ugnayan sa bansa, itinigil ang anumang paglalakbay mula at papunta sa bansa, at papalayasin ang mga mamamayan ng Qatar sa kanilang bansa. Ang gusto ng mga bansang ito: itigil ng Qatar ang independyenteng patakarang panlabas nito at patahimikin ang Al-Jazeera, midyang pag-aari ng Qatar na kritikal sa US at mga alyado nito sa rehiyon. Ang kagyat na nagtulak: ang pagdalaw ni Trump. Sa Pilipinas at sa Middle East, nagbababala si Trump ng “terorismo” para pasunurin ang mga bansa sa gusto ng imperyalismong US.)

Mababanaag sa ganito ang mga layuning taktikal ng US: palakihin ang banta ng terorismo, lalo na ng ISIS, sa bansa at itulak ang batas militar hindi lang sa Mindanao kundi sa buong bansa. Huwag nating kakalimutang sinuportahan ng US ang deklarasyon ng batas militar ni Marcos noong 1972 at napwersa lang itong bitawan si Marcos noong 1986 dahil sa lakas ng protesta at armadong paglaban ng mga mamamayan.

Sa batas militar, gusto ng US na palakasin ang mga maka-US sa gobyerno ni Duterte, tampok ang militar, para lalong mahatak ang huli sa direksyong gusto ng US. Gusto rin nitong atakehin ang mga pwersang panlipunan na nagtutulak ng independyenteng patakarang panlabas at tunay na pagbabago palayo sa US.

Sa mga hakbangin ng US kaugnay ng Marawi at Resorts World Manila, makikita ang paggalaw ng US para ilayo ang Pilipinas sa landas ng independyenteng patakarang panlabas na magpapahina ng kontrol ng US sa bansa at maglalapit ng bansa sa mga karibal ng US na China at sa Russia. Mga hakbang rin ito palayo, syempre pa, sa tunay na pagbabagong ipinangako ni Duterte.

Marami ang namamatay, maraming ari-arian ang nawawasak, at ang buong bansa ay nasa anino ng mas matinding karahasan. Tiyak ang masinsing pagsusuri sa sitwasyon ng mga progresibo at pagpapalakas ng iba’t ibang protesta pabor sa mamamayan, sa independyenteng patakarang panlabas, at tunay na pagbabagong panlipunan.

25 Mayo / 06 Hunyo 2017